1 - Ang Mundo sa Pagitan ng mga Pahina (2 of 4)

830 49 27
                                    

"Dáyan," boses ng babae ang gumising sa'kin.

Nang iminulat ko ang mga mata ko, nakahiga na'ko sa kama. Pero hindi ko 'to kama. Hindi ko rin kwarto 'to.

Umikot ang tingin ko sa kalakihan ng kwarto. Mataas ang kisame. Malaki ang bintanang natatabingan ng binurdahang kurtina. Puro antique ang mga gamit at muwebles.

Kinusot ko ang mga mata ko. Ipinilig ang ulo. Pilit inalala kung papaano ako napunta dito. Pero wala. Wala akong maalala.

Napansin kong iba na rin ang suot ko: isang puting night gown na may mahabang manggas. Parang pang-white lady.

"Hala!" Napayakap ako sa sarili ko. "S-sino'ng nagpalit ng damit ko?"

Luminga-linga ako, hinanap agad ang wheelchair na kadalasan, sa tabi lang ng kama iniiwan ng Lola para madali akong makakalipat kahit wala akong kasama. Pero wala. Walang wheelchair.

"L-lola?!" tawag ko.

"Dáyan, kayo ba'y gising na?"

Galing ang boses ng babae sa labas ng pinto. Kakaiba rin ang punto niya. Mabagal at malumanay ang tono.

"Dáyan?" bulong ko.

Bukas ang bintana kaya napansin kong kasisikat pa lang ng araw. Kitang-kita mula sa kinauupuan ko ang asul at maliwanag na kalangitan. Naisip ko, baka nasa isang mataas na building ako. Malamig at sariwa ang pumapasok na hangin na may kakaibang amoy na pamilyar sa'kin.

"Dagat," sabi ko. "Amoy dagat... Wait. 'Di ba nasa library ako kanina... o kahapon ba 'yon? Tapos... Tapos... Ahhhh!!!"

Nagsimula akong mag-panic.

Kumapit ako sa isa sa mga poste ng kama at saka ko hinila ang sarili ko papunta sa gilid nito. Kaso, nawala ang balanse ko kaya nahulog ako sa sahig.

"Dáyan!"

Biglang bumukas ang pinto at tumakbo papasok ang isang matandang babae. Nakasuot siya ng itim na bestidang hanggang sahig ang haba. May crescent moon tattoo sa gilid ng kaliwang mata niya at nakapusod nang mahigpit ang kulay abo niyang buhok.

Umusad ako palayo. "Sino kayo?! Ba't n'yo ko dinala dito? Parang awa n'yo na, hindi kami mayaman! Wala kaming pang-ransom!"

May takot at pag-aalala sa mukha ng matandang babae. Bigla na lang siyang lumuhod sa sahig para tulungan ako.

"Dáyan! Patawad!" Yumuko siya, halos sumayad sa sahig ang noo niya. "Pakiusap, hayaan ninyong tulungan ko kayong makatayo."

"A-ako... makakatayo?"

"Opo, Dáyan," sagot niya, nakatuon ang mga mata sa sahig. "Maliban na lamang kung nasaktan ang inyong mga paa sa inyong pagkakahulog. Dahil kung ganoon ay ipatatawag ko ang Punong Manggagamot ngayon din."

"Niloloko n'yo ba 'ko?"

Umiling ang babae, nilagay ang dalawang palad sa sahig at saka yumuko. "Hindi, Dáyan. Hindi ko kailanman magagawang lapastanganin kayo. Patawad, patawad!"

"Lapas--tanganin? Ano ba'ng pinagsasabi n'yo?"

"Pakiusap, Dáyan. Tumayo na kayo."

"Pa'no 'ko... tatayo?"

May kung anong nagtulak sa'kin para igalaw ang mga paa ko.

Laking gulat ko, gumalaw nga. Huminga ako ng malalim bago sinubukang ibaluktot ang mga tuhod ako at unti-unting tumayo.

Pakiramdam ko, para akong bata na natututo pa lang maglakad. Paghakbang ko, bigla akong nahilo kaya napahawak ako sa gilid ng mesa.

Tumayo rin ang matandang babae at inalalayan ako. "Dáyan, mabuti pa kaya'y iparating ko na sa Punong Baylan na hindi maganda ang inyong pakiramdam?"

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon