3 --- Tuxedo

53.1K 2.3K 216
                                    

“Ililigtas kita, Lucas.”

________ _ _ __

NASA ISA AKONG MADILIM NA KAGUBATAN. Wala akong ibang naririnig kung hindi ang malalakas na huni ng mga uwak na nagsisiliparan sa itaas ko. Itinaas ko ang hawak kong lampara para mas mailawan ang nasa harapan ko. Ngunit sa bawat paglakad ko, mas mukhang nagiging madilim ang paligid. Mas nagiging malamig. Mas nagiging nakakatakot.

        Napatigil ako nang nakarinig ako ng pag-iyak. Inilibot ko sa paligid ko ang lampara. Ngunit bigo ako, wala akong nakitang tao. Imahinasyon ko lamang ba iyon?

        Nagpatuloy ako sa paglalakad. Kung saan papunta ay hindi ko alam. Basta ang alam ko, kailangan kong maglakad palayo. Kailangan kong magtago. Kung ano o sino ang pagtataguan ay wala akong ideya.

        Ngunit nakarinig na naman ako ng pag-iyak. Palakas ito nang palakas.

        “Sino ka? Nasaan ka?”

        Lumingon-lingon ako habang sinasabi ko ang mga katagang iyon. Ngunit wala pa ring sumasagot. Nawala rin ang pag-iyak niya. Muli, mga uwak lang ang tangi kong naririnig. 

        Maglalakad na sana uli ako palayo ngunit biglang may umilaw sa isang dako ng kagubatan. Mukhang isang lampara rin. Otomatikong naglakad ang mga paa ko palapit doon. Saka ko muli narinig ang pag-iyak. Sa pagkakataong ito, napakalakas na nito. Sa sobrang lakas ay napatakip ako sa magkabila kong tainga.

        Nasa ilalim ng isang malaking puno ang lampara at mukhang nasa likod ng puno na ito rin ang pinanggagalingan ng pag-iyak. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa likuran ng matandang puno. At isang bata ang bumungad sa akin. Umiiyak siya. Pulang-pula na nga ang mga mata niya sa kakaiyak. Nakasandal siya sa puno habang nakayuko, habang patuloy na umiiyak.

        “Bata, anong nangyari sa’yo?”

        Itinaas niya ang kanyang ulo. At halos mabitawan ko ang hawak kong lampara dahil sa pagkagulat.

        Siya si Lucas. Ito ang kanyang itsura noong mga bata pa lamang kami. Siya ang nasa harapan ko. Siya ang kanina pang umiiyak. Ngunit, anong ginagawa niya rito? Anong ginagawa niya kasama ko sa kagubatan na ito?

        “Tulungan mo ako ... tulungan mo ako. Gustong kong makaalis dito. Tulungan mo ako ..” paulit-ulit niyang bulong.

        Mas lalo akong lumapit sa kanya at noong hahawakan ko sana ang kanyang kamay ay biglang nagbago ang kanyang itsura.

        Naging siya na si Lucas na araw-araw kong nakikita sa University. Naroon na ang ekspresyon ng mukha niya na kahit sino ay hindi malaman kung ano ang ibig nitong ipahiwatig. Naroon na ang mabibigat niyang pagtitig. Ito na talaga si Lucas.

        “Hinding-hindi na ako maililigtas.” Bulong niya habang nakatingin sa ibaba.

        Muli siyang tumingin sa akin. Natural ang pagka-light brown ng kanyang mga mata, gaya ng kay Tita Melanie, ang kanyang ina.

        “Kasalanan mo. Kasalanan mo ang lahat. Ikaw ang naglagay sa akin sa kadiliman na ito!”

        Biglaan siyang tumayo at akmang susugurin ako. Napaatras ako dahil sa gulat. Bumagsak ako sa may damuhan. Nalaglag ang hawak kong lampara at kumalat ang apoy sa paligid ko. Ang huli ko na lang naramdaman ay ang pagkumpol-kumpol ng mga uwak sa katawan ko at ang isa-isa nilang pagtuka sa bawat parte ng katawan ko.

        “Leah! Leah! Gumising ka!”

        Bigla kong minulat ang mga mata ko. Nasa harapan ko si Karen. Basang-basa ang katawan ko. Puro damo rin ang nakadikit sa basa kong balat. Napaupo ako sa kinahihigaan ko. Paano ako napunta rito sa waiting shed? Hindi ba ... hindi ba ... nakita ko kani-kanina lang si Lucas?

Let Me Tell You About Lucas | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon