Chapter Fourteen

116K 5.2K 331
                                    

Chapter Fourteen


"Ate Yn, ano kaya kung iuwi natin 'to?"

Pinagmasdan ni Yngrid ang malaking lalaki na nakahiga sa sahig ng bahay ni Noah. Isa ito sa tatlong lalaking sumugod sa bahay ng binata. Wala itong malay at nakagapos ang mga kamay at paa. Muling tinignan ng dalaga ang pinsan niya na may hawak na baseball bat.

Tinignan siya ni Andrew at ngumiti. "Ano sa palagay mo? Magagalit kaya sina Tito at Tita?"

Dahan-dahan ang pagtango ni Yngrid sa pinsan. Bumuntong hininga naman ang binata.

"Haay. Tsk. Sayang naman," bagsak ang balikat na sabi nito.

Inakbayan siya ni Andrew at sabay silang lumabas ng bahay.

"Ah! Tumigil na pala ang ulan," puna ng binata habang nakatingin sa langit. "Tignan mo! Ang daming stars!"

Tumingala sa langit si Yngrid at pinagmasdan ang sinasabi ng pinsan niya. Ngunit hindi ang mga bituin ang napansin niya kundi ang tila usok sa langit.

"Andrew, umuwi na tayo," aniya saka siya mabilis na naglakad patungo sa sasakyan nila.

Tumatakbo naman na sumunod sa kanya ang pinsan niya. Nasa loob na sila ng sasakyan nang magtanong ito.

"Bakit, ate Yn?" usisa ni Andrew habang binubuhay ang makina.

"Kailangan natin bumalik sa bahay."

Mabilis na pinaandar ng binata ang sasakyan. Nang makalabas sila ng subdivision ay may mga nakasabay pa silang kotse ng mga pulis. Iisang lugar ang tinutumbok ng mga sasakyan nila. Papasok sa subdivision kung saan sila nakatira.

"Shit," bigkas ni Andrew nang makita ang makapal na usok sa langit. "Shit! Hwag naman sana!"

Nang lumiko pa ng isa ang sasakyan nila ay doon nila tuluyang nakita ang bahay na nasusunog. Tinutupok na ng malalaking apoy ang bahay na tinitirahan nila. Napakalaki ng mga apoy at hirap ang mga bombero na patayin ito.

"Hindi. Hindi pwede," sambit ni Andrew.

Naunang lumabas ng sasakyan si Yngrid. Pinagmasdan niya ang bahay nila. Naiwan kanina ang mga magulang niya sa loob nito. Nasaan sila? Nilingon niya ang mga tao sa paligid. Napakaraming tumutulong upang maalis ang apoy. Bukod sa mga pulis at bombero ay mayroon rin mga reporters at ilang tao na kung hindi tumutulong sa pagpuksa ng apoy ay nakikinuod.

"Sina Tito at Tita, nasaan sila?" tanong ni Andrew habang nakasabunot ang dalawang kamay sa buhok nito. Halata ang takot sa mga mata nito. "Hindi naman siguro..."

"Papasok ako sa loob," sabi ni Yngrid sa pinsan.

Ilang segundo siyang tinignan ng pinsan bago siya nito hinila sa kamay. Lumayo sila sa mga tao.

"Imposible ka nang makapasok pa. Masyadong malaki ang mga apoy, Ate Yn. At kung nasa loob man sila, imposibleng mabuhay pa sila."

"Andrew." Nakita ni Yngrid ang mukha ng pinsan. Pigil ang iyak nito kahit napupuno ng luha ang mga mata.

Napaluhod sa lupa ang binata. "Shit! Shit! Hindi dapat ako umalis," umiiyak na sabi nito. "Bakit ba nangyayari ito? Bakit?!"

Pinagmasdan ni Yngrid ang nasusunog na bahay. Ang ibang parte nito ay tuluyan nang nasira at bumagsak. Ang sunog ay nagmula sa loob palabas. Tama si Andrew, kung may tao man sa loob ay imposible nang mailigtas pa niya ito. Gaano man siya kabilis at kalakas ay wala na siyang magagawa pa para iligtas ang sinoman na nasa loob ng bahay.

Ang Mama niya at ang Papa niya. Ang mga taong lumikha sa kanya.

Hindi siya dapat na umalis ng bahay. Hindi niya dapat sinundan si Andrew. Hindi nila dapat pinuntahan si Noah. Hindi dapat niya iniwan ang mga magulang niya.

"Ate Yn," sambit ni Andrew. "Bakit ka nanginginig? M-may sira ba sa system mo?"

Doon lang napansin ni Yngrid ang paggalaw ng katawan niya. Hindi sira ang system niya. Pero may nararamdaman siyang matinding sakit sa dibdib niya. Tila ba may nawawalang parte sa dibdib niya.

Tinignan niya si Andrew sa mga mata. Hindi siya nanginginig. Ito ang ginagawa ng katawan niya na gustong umiyak. Umiiyak siya ngunit walang lumalabas na luha mula sa mga mata niya. Ang mga magulang niya. Ang mga taong gumawa sa kanya. Bakit kailangan niyang umalis ng bahay ngayon? Bakit niya iniwan ang mga ito?

"Nakita ko ang loob ng bahay Andrew," amin niya sa pinsan.

Namilog ang mga mata ng binata.

"Ano ang nakita mo? M-May tao ba sa loob?" rinig ni Yngrid ang mabilis na tibok ng puso ng binata. "N-Nandon ba sila sa loob? N-Nakaligtas ba sila?"

Pinagmasdan ni Yngrid ang mukha ng pinsan niya. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

"Andrew," mahinang bigkas niya. "Dalawa sila sa loob."

"Hindi," umiiling na sambit ni Andrew. "Hindi ito nangyayari. Hindi ito pwedeng mangyari! Marami pa kaming plano nina Tito. Hindi pa namin nahahanap ang hustisya sa pagkawala mo. Hindi pwede!"

Walang magawa si Yngrid kundi ang panoorin ang pinsan niya na umiiyak. Napahawak siya sa dibdib niya, nakakaramdam siya ng sakit banda roon, kung saan dapat nakalagay ang puso niya. Hindi man siya ang tunay na Yngrid, ang mga alaala naman ng mga magulang ng dalaga ay nasa kanya. Ang pagkawala ng mga ito ay nagbibigay din ng sakit sa kanya. Sakit na dapat ay hindi niya nararanasan. Wala siyang puso, isa lang siyang makina na pinagmukhang tao. Pero sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay nakakaramdam na siya ngayon. Ngunit ang pakiramdam na iyon ay kulang pa para matawag siyang isang tao. Ni hindi niya magawang umiyak at lumuha.

Nilapitan niya si Andrew at niyakap. Siya nalang ang natitira sa buhay nito. Kailangan niyang protektahan ang pinsan niya.

"Andrew, kailangan na nating umalis dito."

"U-umalis. Tama. K-kailangan nating umalis." Pinunasan ni Andrew ang basang pisngi. Huminga ito nang malalim bago muling nagsalita. "Kailangan nating balikan ang mga lalaki na iyon. Sigurado na may kinalaman sila rito. Kailangan natin silang balikan. Bumalik tayo sa bahay ni Alonzo."

Project: YngridTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon