Rehas

91 3 0
                                    

Isang malakas na suntok ang natanggap ko galing kay boss.

"Putangina mo talaga Ken! Ang tanga-tanga mo! Wala ka talagang kwenta magtrabaho! Muntikan na tayong mabulilyaso dahil sa kabobohan mo!"

Bumagsak ako sa sahig habang hawak-hawak ko ang labi ko na nagdurugo. Kinuha niya ang bag, wallet at cellphone na ninakaw ko ngayong araw at galit na galit siyang umupo sa kaniyang upuan.

"Pasensiya na boss, hindi ko alam na may pulis palang nagroronda sa lugar ko," tugon ko.

"At sumasagot ka pa talaga ah! Gusto mo bang iputok ko sa ulo mo 'to! Tangina ka!" hinugot niya ang baril sa kaniyang pantalon at itinutok ito sa akin.

"Pasensiya na boss."

"Pasensiya pasensiya! Sa susunod na maulit pa 'to ililigpit na talaga kita! Ipapahamak mo pa ang grupo putangina ka! Mag-impake kayo kailangan nating lumipat ng matataguan!" tumayo siya sa kinauupuan niya. Bago pa siya lumabas ng silid ay humarap siya sa akin. "Wala kang komisyon sa mga nanakaw mo ngayon! Tanga tanga bwisit!"

Tumayo ako sa sahig kung saan ako bumagsak. Pinagpagan ko ang sarili ko at nilisan ang lugar.

Ito ang trabaho ko, ang magnakaw. Alam kong delikado at nakabaon na sa hukay ang mga paa ko nguni't anong magagawa ko? Isa rin ako sa biktima ng salitang "Kahirapan" at tanging pagnanakaw lamang ang alam kong paraan upang kumita ng pera.

Hindi ako nakapag-aral. Grade 1 lang ang natapos ko. Simula ng mamatay ang mga magulang ko sampung taon na ang nakaraan, ito na ang trabahong kinalakihan ko.

Si boss, siya ang kumupkop sa akin. Siya ang nagturo sa akin kung paano tumayo sa sarili kong mga paa, siya ang naging dahilan kung bakit buhay pa rin ako hanggang ngayon. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya kahit iminulat niya ako sa maling paraan ng pamumuhay at baluktot na paniniwala.

Oo alam kong mali ang pinasok ko pero ito lang ang tanging paraan upang matustusan ko ang pangangailangan ng kapatid ko—si Jiro—pinipilit ko siyang iahon at inilalayo sa buhay na kinagisnan ko. Ayaw ko siyang magaya sa gagong kriminal na katulad ko. Ayaw kong maranasan niya ang paghihirap at sakripisyong nararanasan ko.

Isang malalim na paghinga ang aking pinakawalan habang naglalakad sa ilalim ng madilim na kalangitan. Ala-una na ng madaling araw at tinatahak ko ang lugar pauwi sa bahay. Iniisip ko kung ano ang iuuwi ko para kay Jiro. Wala nanaman kaming makakain kinabukasan. Wala rin akong maibibigay na pambaon sa pagpasok niya sa eskwelahan.

"Bwisit!" mahinang pagmamaktol ko.

Hindi rin kasi ako binigyan ng komisyon ni Boss kanina dahil muntikan na akong mahuli ng mga pulisya. At sigurado ako, isang linggo nanaman akong nakatengga at hindi hahayaang magtrabaho dahil sa ginawa kong katangahan. Mainit pa ang mga mata ng pulis sa akin. Masyadong delikado kung sasalang agad ako.

Habang naglalakad, isang babae ang nakapukaw ng atensiyon ko. Sa pustura at pananamit niya ay muka siyang mayaman. Napangisi ako nang may naisip akong paraan.

Huli na ito para sa araw na 'to. Kailangan ko lang ng pera para mataguyod ang linggong ito.

Inilabas ko ang maliit na kutsilyo na aking dala-dala. At mabilis naglakad sa direksiyon ng babae. Ramdam ata niya na sumusunod ako sa likuran niya kaya mabilis siyang naglakad. Gano'n din ang ginawa ko. Nang makarating kami sa madilim na iskinita ay mabilis kong hinila ang mga braso niya at itinutok sa kaniyang tagiliran ang kutsilyo.

Short Stories CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon