Chapter 7: Between the Lines

13.7K 590 314
                                    

Isang buwan na ang nakalilipas mula noon. Isang buwan na rin ang nakalipas nang siya na ang naging matalik kong kaibigan, o kung "cheesy" masyado 'yon, isang taong madalas kong sabihan ng mga iniisip ko na walang halong panghuhusga mula sa kanya.

"Ikaw, madalas ka ba umiyak?" tanong niya na ikinagulitang ko. Siguro dahil minsan lang ako makarinig ng ganitong tanong.

"Hindi," sagot ko.

"Kailan ka umiiyak?"

"Pag . . . may burol?" natatawa kong sinabi. Pero siya, nakangiti nang tahimik kaya napilitan akong itigil yung tawa ko. Nabasa ko kasi sa kanya na may sasabihin siya.

"Ba't mo iiyakan ang taong wala na? Iyakan mo ang taong andiyan pa o yung taong andiyan pa pero alam mong mawawala na. Buti na yung iyakan mo siya na may tiyansang alam niyang may umiiyak dahil sa kanya, kaysa yung iniiyakan mo siya na wala na talagang tiyansang malaman niya kung ga'no siya kahalaga sa 'yo."

Hinding hindi ko talaga makakalimutan yung bawat salitang sinabi niya. Sinulat ko pa 'yon sa kamay ko para matandaan ko. Pagkadating ko sa bahay, sinulat ko ulit sa isang sticky note. Parang magagamit ko 'yon pagdating ng araw.

Mas nakakausap ko siya nang madalas. Pag-uwi ko galing school, siya agad ang kinakausap ko. Oo, ako lagi ang nagkukuwento. Pero di bale na. Hindi nga nakukumpleto ang araw ko pag hindi ko siya nakakausap. Kahit hindi siya nagkukuwento sa 'kin ng kahit isang katiting ng nangyari sa kanya, kahit lagi pang may nakasaksak na headphones sa tenga niya, okay lang sa 'kin. Kasalanan ko kung ba't ko nalaman lahat ng ayaw niyang malaman ng ibang tao dahil kinuha ko yung pinakatatanging bagay na pinagtataguan niya ng lahat ng sikreto niya.

Binigay ko na nga rin pala yung diary niya pagkatapos noong araw na umiyak siya sa 'kin.

Hanggang ngayon, di ko pa rin makalimutan yung mga huling sinabi niya noong araw na 'yon. Para bang tinubuan na lang ako bigla ng pakpak. Basta ewan. Di ko maipaliwanag.

Tinitigan ko ulit siya. Pero ngayon, may napansin akong kakaiba.

"Hindi mo dala teddy bear mo?" tanong ko.

"Hindi."

"Bakit?"

"May sakit siya," sagot ni Mary, parang inosenteng bata. "Pinaliguan ko kasi siya kahapon."

"Asan siya?"

"Pinagpapahinga ko. Gusto mo makita?"

"A, hindi na. Matanong ko lang . . . May pangalan ba 'yon?"

"Meron. Aki."

"Bakit?"

"Tag-lagas ang ibig sabihin nun."

Wow. Ang lalim. Puwede namang "Autumn." Kaya talaga tuwang tuwa ako sa kanya. Napangiti ako lalo nang nakita kong isubo niya yung mansanas na dala ko. Kasing puti niya si Snow White na may mahabang buhok.

"Naisip ko lang," sabi ko. "Punta ka kaya sa campus?"

"Bakit?"

"Wala lang. Para lang may mapuntahan ako pagkatapos ng class. Pero wag na pala. Baka mapagod"

"Hindi, sige," pagpupumilit niya. "Pupunta ako. Alas-tres, andoon na ko."

"Talaga?"

"Oo naman. Para sa 'yo."

"Teka, eto."

Binigay ko sa kanya yung cell phone ko. Alam ko naman kasing wala siyang cell phone e. Wala siyang e-mail na talagang ginagamit niya. Wala siyang telephone.

A MiracleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon