SD 9

1.5K 57 3
                                    

BAGO ko buksan ang pintuan ay ilang minuto akong nagdasal at ikinondisyon ang utak ko sa puwede kong makita.

Parang tumigil ang mundo ko.

"Saan ka galing?"

Sinalubong agad ako ni Nola na parang hinihintay niya talaga ang pagdating ko.

Patay na siya.

Kahit pa ayokong paniwalaan sina Gift at Torque, naroon na ang lahat ng ebidensiya at katotohanan.

Pero bakit?

Bakit kita nakikita?

"Cari, natulala ka na," untag niya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. "Puwede ba akong mangutang?"

Ilang beses akong napalunok. Napapikit ako dahil sa pagpipigil ko sa pagsigaw.

Nararamdaman ko siya.

Nakayakap siya sa akin.

Nola . . .

"Ano pa ang kailangan mo sa akin?" seryoso kong tanong.

Naramdaman ko ang dahan-dahang pagkalas niya ng yakap.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" kunot-noo niyang tanong.

Ayoko man siyang diretsong tingnan, awtomatiko kong sinalubong ang mga tingin niya.

Siya pa rin si Nola.

Walang kakaiba sa kanya.

"Kaano-ano mo sina Torque at Gift?" diretso kong tanong.

Tumaas ang isang kilay niya. "Boss ko si Sir Torque. Si Gift? Pangarap mong hindi mo kahit kailan maaabot." Tumawa siya.

Ni hindi ko magawang sabayan ang kasayahan niya.

"'Y-yong totoo, Nola Keva Serrano. Magkaibigan tayo. Ano ang totoo?"

Sumeryoso ang mukha niya. Isang minuto ng katahimikan ang lumipas. Hindi siya sumagot.

"Nola, alam ko na ang lahat. Ano'ng gusto mong gawin ko?" Halos mag-panic ang boses ko dahil hindi ko alam kung tama ba ang sinasabi ko.

Tama ba ang pinapaniwalaan ko?

"Cari, stressed ka lang," sagot niya. Lumayo siya sa akin. Lumapit siya sa cabinet niya at kinuha ang pink notebook na madalas niyang hawak.

Ang notebook na 'yon.

Ano ang nakasulat sa notebook na 'yon?

Mabilis akong lumapit sa kanya at hinablot iyon. Para akong hayok na binuklat nang binuklat ang mga pahina at binasa nang mabilis ang mga nakasulat.

Halos mabitiwan ko ang notebook dahil sa panghihina at gulat. Napatakip ako ng bibig. Pakiramdam ko ay bumaligtad ang puso ko.

Ang mga nakasulat doon ay ang mga nangyari sa amin ni Torque mula nang magkapalit kami.

Para siyang isang writer na nagsusulat ng isang kuwento.

Binuklat ko pa iyon hanggang sa makarating ako pagkatapos ng huli naming pagkakapalit. Isang pahina na lang ang may sulat.

"Cari, ayaw pumasok ni Torque sa female pool. Ikaw ang papasok, okay lang ba?"

Nanigas ang buong katawan ko nang magsalita si Nola. Halos pabulong na ang boses niya.

Nakatitig ako sa last page ng notebook pero hindi ko maisaksak sa isip ko ang mga nakasulat doon dahil sa sinabi niya.

Nanindig ang balahibo ko. Daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig.

switch dreams (WattysPh2019 Winner) ✔Where stories live. Discover now