Ngayong taggutom,

142 10 6
  • Dedicated kay Mark Angeles
                                    

ni Arnold John S. Galicia

binulabog natin ang Cañacao

sa pagkahulog natin sa kanyang pampang

na lumuwa ng ‘sindambuhala nating mga along

halos naglibing sa Lungsod-Cavite sa baha.

Nanginginig ang aking panga

at nanginginig ang iyong mga tuhod

habang pinapagpag natin

ang mga ulap mula sa ‘ting mga tsalekong

kumupas na sa tagal ng ating hinintay

na paglapag

sa maramot na kabihasnang ating iniwan

nguni’t ngayo’y ating binalikan

upang hanapin ang lalaking tampalasang

ninakaw ang malandi kong harpa

at ang manok mong sukaban!

Pinupulbos ng ating mga paa

ang kongkretong mga kalye’t tulay.

Nagtutungkaban ang kayliliit na mga nitso

ng Malaking Panchong ng San Antonio

sa walang-awa nating mga yabag

nguni’t iniiwasan nating makatapak

ng mga tao

at baka isa sa mga ito’y ang salarin

ng matinding pangangalam

ng ating mga sikmura.

Subali’t kasabay ng pagkahapo ng ating mga paa

mula sa paglalakad sa mga lansangang pinupulbos

ng ating mga talampakan, ‘di ko napigilan

ang sariling gutom

kaya’t hinila ko ang hinliliit mo

nang buong lakas

hanggang ito’y humiwalay

mula sa paa mong nagbukal ng

dugonghumalosatubig-baha.

Pero tinitigan mo lamang ang bibig kong

nginunguya ang hinliliit mo.

Nahihilo ka na ba sa gutom?

Halika, ilapit mo ang labi mo sa labi ko.

Ganyan nga: magbahagian tayo

ng laway nating sinisikreto

habang naghahalikan tayo.

At habang naghahalikan tayo

ay nginunguya na nating gutom na gutom

ang hinliliit mo.

At habang nginunguya natin ang hinlilit mo

ay sumisirit sa ating mga gilagid

ang dugo ng daliri mong

tigib ng mga sikreto.

Sa gitna ng dulot nating kalamidad,

halos panawan ng bait ang siyudad

sa itinatanghal nating tagpong

                                                                                                                                                                                                                hindi nila matanggap!

LUMAD ScribblesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon