Chapter Twelve: CAT

30.8K 692 73
                                    

CHAPTER TWELVE: Cat

"Ugh," antok at inis kong kinapa ang nag-a-alarm kong cellphone dito sa sofang hinihigaan ko. Nang makuha ko ito ay agad kong dinismiss ang alarm nito.

6:30am na. Kailangan ko nang bumangon at asikasuhin ang almusal ni Millie. Pero masyado pa akong inaantok. Gusto kong matulog kahit mga limang minuto na lang. Kaso paniguradong aabot ng ilang oras ang limang minutong iyon kaya 'wag na lang.

Kahit nakapikit pa ako, umupo na ako at nag-inat.

Sa totoo lang, medyo masakit ang katawan ko. Anim na araw na rin kasi mula nang magsimula akong magtrabaho. Suwerte eh, natanggap din ako sa isa sa mga fast food na inapplyan ko. Kaya nga lang kahapon, biglang pinasubok sa'king mag-closing shift. Ito tuloy ako ngayon. Parang zombie.

Grabe. Napaka-hirap pala nito, 'yung magka-responsibilidad ka na ng isang magulang sa ganitong edad. Hindi na puwede 'yung nakagawian ko dati na pahintay-hintay lang ng allowance mula sa mga magulang ko tapos pasarap buhay na ko. Ngayon, dapat mag-sariling sikap na ko para magka-pera--para kay Millie at sa magiging anak namin.

Napabuntung hininga ako. Minsan, hindi ko maiwasang magsisi. Lalo na 'pag naiisip ko na ngayon pa lang, nahihirapan na ko, paano pa kaya kapag nagpasukan na, at mas lalo na kapag nanganak na si Millie?

Nakakapang-sisi lang talaga. Pero huli na para magsisi. T'saka kaysa pagsisisi, saya pa rin ang mas nangingibabaw sa'kin sa huli. Masaya ako dahil para naman kay Millie itong ginagawa ko. Mahal ko 'yun eh.

Napangiti ako sa mga naisip ko--nang may bigla akong maamoy.

Umupo ako at inamoy ang paligid. Amoy nasusunog na kawali sa kusina!

Tumayo na ako't nagmadaling pumunta sa kusina. Doon, naabutan ko si Millie na nakatalikod at abala palang magprito. Ay sus.

Naka-bun ang buhok ni Millie at medyo magulo ang pagkakatali nito. At ayan na naman ang suot niya. Isa sa mga T-shirt ko.

Natapos na siya sa pagprito ng isang itlog at nagprito ulit siya ng isa pa. Napakamot na lang ako ng ulo roon. Nakakainis. Naunahan niya ko sa dapat kong gawin.

Gusto ko na sanang agawin kay Millie ang ginagawa niya. Pero kaysa lumapit sa kanya eh nakangiti ko lang siyang pinanood.

Noong high school pa lang kami, magaling na sa mga gawaing bahay si Millie. Isa 'yun sa katangian niyang nagustuhan ko. Nang mapansin ko noon ang katangian niyang 'yun, inasahan ko nang magiging isa siyang magaling na asawa. At mula nun, pinangarap ko na na maging asawa ko siya.

Ngayon, hindi na ko makapaghintay na maging asawa ko na siya...

"Uy," nagulat si Millie nang humarap siya dala ang isang pinggan na may dalawang piniritong itlog--sunny side up. "Good morning pusandi." At nginitian niya ko.

Aba aba, ang ganda ng mood niya ngayon ah?

Pansin ko nga eh, mula nung pumasok siya sa second trimester ng pagbubuntis niya, nababawasan na ang pagka-mainisin niya. T'saka... Ewan ko ba... Papalaki na nang papalaki ang tiyan niya pero parang mas gumaganda pa siya? Ang alam ko kapag buntis, pumapanget eh. Parang nanay ko. Ang panget nun nung pinagbuntis ako. Pero si Millie, mas gumaganda talaga. Blooming ba kahit hindi naman siya nag-aayos at nagme-make up.

"Naghilamos ka na ba?" Tanong niya sabay hain sa mesa nung itlog.

Umiling ako. "H-Hindi pa." Tsk. Na-utal naman ako bigla dahil sa kagandahan ng buntis na 'to.

Sumimangot siya. "Maghilamos ka na oh, para sabay tayong kumain."

Natulala ako dahil sa tono niya--na nagtatampong naglalambing. 'Di ba dapat galit siya?

Cat & Dog BabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon