CHAPTER 18

245 8 0
                                    

Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Kung nakinig sana ako sa paliwanag niya noong una pa lang, wala sana siya ngayon dito at naprotektahan ko pa siya. Hindi sana siya nasagasaan. Kasama sana namin siya noong graduation at masaya pa rin sana kami hanggang ngayon. Nandito ang mga magulang niya at kagabi pa sila hindi umuuwi para bantayan siya. Nang nangyari ang aksidente, wala silang sinisi at naging rational sila pero kitang-kita sa mga mata nila ang kalungkutan at pag-aalala.

“Tito, Tita, magpahinga po muna kayo. Ako na po muna ang magbabantay sa kanya.”

“Kung sakali mang magising siya, tawagan mo kami kaagad ha?”

“Opo, Tita.”

“Thank you iho. Ikaw na munang bahala sa anak namin. Babalik din kami mamaya.”

“Sige po, Tito.”

Pagkatapos niyon, lumabas na rin sila ng ICU at naiwan naman ako dito. Hinawakan ko ang kamay niya. Sana naman gumising na siya. Mas nagtatagal siyang comatose, mas sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Sa totoo lang, hindi masaya ang naging graduation sa Westerbury noong isang araw. Kulang kasi ng isang tao ang batch namin. Alam ng unibersidad ang nangyari kaya naman naki-simpatya na lang sila. Noong araw na iyon, pagkatapos ng graduation, maraming bumisita sa ospital. Ang iba, nagdala pa ng mga bulaklak at prutas para kay Emrys.

Sa bawat araw na nandito siya sa ospital, isang origami din ang nagagawa ko. Ika-labindalawa na ang origami na kasalukuyan kong ginagawa pero hindi pa rin nagigising si Emrys. Nalalanta na rin ang mga bulaklak kaya naman mukhang hindi na rin niya ito makikita paggising niya. Narinig kong tumunog ang pinto ng ICU kaya naman tumingin ako dito at nakita ko si Rev at Rob na naka-hospital gown, cap, at gloves din at papalapit sila sa akin.

“Kenn, nandiyan ‘yung mga pulis kasama nila Rics at Russ. Gusto ka nilang kausapin ulit.”

“Ano na naman bang kailangan nila sa akin? Pinagkatiwala ng mga magulang niya si Emrys sa akin. Hindi ko siya puwedeng iwan na lang dito.”

“Kami na munang magbabantay sa kanya. Harapin mo muna sila para makabalik ka na rin sa pagbabantay kay Emrys.”

Dahil doon, lumabas na ako ng ICU at umupo ako sa may mga upuan sa tapat nito kung saan nakatayo sa malapitan ang mga pulis. Tinanong nila ako kung may iba pa akong nalalaman tungkol sa nangyari. Tinanong din nila ako kung nakita ko ba ang mga taong nasa loob ng sasakyan at sinabi ko namang hindi dahil ang natatandaan ko, heavily tinted ang bintana ng sasakyang sumagasa kay Emrys. Oo, sumagasa talaga dahil sinadya ito at kumpirmadong hit-and-run ang nangyari. Nireport na rin ng mga pulis sa aking iniimbestigahan na rin nila kung may kaugnayan ba ito sa aksidenteng nangyari limang taon na ang nakalilipas dahil nga ang kuya Ethan ni Emrys ang sinasabing pinagmulan ng aksidente noon.

Pagkatapos ng interogasyon, nagpasalamat sila sa akin at umalis na rin sila. Pumasok na ulit ako sa ICU at nagpaalam naman ang dalawang bibili muna daw sila ng pagkain kaya lumabas na muna sila. Pagbalik nila, dinalahan nila ako ng pagkain. Sila pa ang nagpaalala sa aking hindi pa ako kumain ng almusal o ng tanghalian at kinumbinsi naman nila akong kumain muna para naman magkalaman ang tiyan ko kahit papaano. Dahil doon, lumabas muna ako ng ICU at tinanggal ko ang gloves ko. Umupo ako sa may mga upuan para kumain. Si Sienna, Paul, at Tricia naman ang pumalit  sa loob para bantayan si Emrys.

Pagkatapos kong kumain, naghugas na ako ng kamay at ibinalik ko na ang gloves ko. Pumasok na ako sa ICU at lumabas naman ang tatlo. Ako na rin ulit ang nagbantay kay Emrys. Hinawakan ko ang kamay niya at pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha habang nasa isang malalim na pagtulog siya. Kahit alam kong comatose pa rin siya at hindi niya maiintindihan ang mga sasabihin ko, kinausap ko pa rin siya.

“Emrys. Ilang araw ka nang natutulog diyan. Kailan mo ba balak gumising? Kasi maraming naghihintay sa’yo. Naka-labindalawang origami na ako. Tama naman na. Huwag mo nang ipamukha sa aking kasalanan ko ang lahat ng nangyari. Paulit-ulit ko nang pinagsisisihan ‘yon. Gumising ka na, please.”

Hindi ko napigilan ang luha ko at kusa na lang itong tumulo. Napansin ko namang may tumulo ring luha mula sa mata niya pero alam kong normal lang iyon para sa mga pasyenteng nasa ganitong kalagayan. Natulog na lang ako sa upuang nasa tabi ng kama ni Emrys habang hawak pa rin ang kamay niya.

Matapos ang ilang minuto, bigla na lang akong nakarinig ng isang mahaba at nakakarinding tunog. Isang tunog na hindi gugustuhing marinig ng karamihan. Takot na takot ako at nagmadali akong lumabas para magtawag ng doktor at mga nurse. Tumulong na rin sa pagtatawag sila Rev, Russ, Rob, Rics, Sienna, Paul, at Tricia. Agad namang rumespunde ang doktor at mga nurse at pinalabas na nila ako ng ICU. Tinawagan ko ang mga magulang ni Emrys at sinabi naman nilang papunta na sila. Nakita kong inihanda na nila ang defibrillator at hindi ko na napigilan ang sarili ko sa pag-iyak habang nakikita ko ang diretsong linya sa monitor at pati ang pagsubok nilang ibalik si Emrys. Ilang sandali lang, dumating na rin ang mga magulang niya. Nasaksihan ko ang pag-iyak din nila habang sinusubukan ng doktor at mga nurse na buhayin si Emrys.

Sa isipan ko, paulit-ulit kong ipinapakiusap sa Kanya... “Huwag mong kukunin si Emrys. Parang awa mo na. Marami pang umaasang gigising din siya. Hindi kakayanin ng mga magulang niya kung pati siya isasama mo sa kuya Ethan niya. Hindi gugustuhin ng mga kaibigan niyang mawalan ng isang napakabuting kaibigan. Higit sa lahat, hindi ko kakayanin kung nawala sa akin ang isang taong napakahalaga sa akin... ang taong mahal ko.”

 

Destiny's Twelve o'clockWhere stories live. Discover now