*26: Fetus - Abortion

132 7 6
                                    

*26: Fetus - Abortion

                Isinara ko ang pinakahuling zipper ng aking bag saka agad itong isinakbit sa aking magkabilang balikat. Halos bumigay na ito sa sobrang dami ng laman. Umupo ako sandali sa kama saka naglaan ng maiksing oras para huminga; ‘yung maayos at normal na paghinga. Tumayo ako’t lumabas ng kwarto; diretso sa sala kung saan naghihintay si Lola.  Agad s’yang tumayo nang makita ako.

                “Sigurado ka na ba?”

                Tumango ako. Tinitigan n’ya ako’t niyakap nang mahigpit.

                “H’wag kang mag-alala. Malalagpasan mo rin ang lahat ng ‘to.”

                Naluluha ako at halata ‘yun sa nanginginig kong boses. “Salamat, Lola.”

                Naghiwalay kami sa pagkakayakap. Tiningnan n’ya ang orasan. “Sige na, baka mahuli ka na sa byahe mo. Basta, tatandaan mo, hindi tayo pababayaan ng Diyos.”

                Pinilit kong ngumiti. Kinakabahan ako ngunit masaya akong nandito si Lola; kakampi ko’t naniniwala.

                Hinatid n’ya ako palabas sa pintuan. Muling niyakap at tuluyang nagpaalam. Alam kong pinagmamasdan n’ya ako habang naglalakad ngunit hindi na ako huminto. Sumakay ako ng jeep papunta se terminal ng bus.

                Ito ang napag-usapan namin ni Lola. Isusumbong n’ya sa mga pulis ang lalaking tumatawag sa’kin at ipapa-trace kung sino at nasaan s’ya. Uuwi naman ako sa probinsya upang bantayan at bigyang-babala ang pamilya ko. Nasa Manila ang lalaki kaya’t hindi n’ya magagalaw sina Mama. Hindi rin n’ya magagalaw si Lola dahil du’n muna titira ang pinsan ko sa loob ng ilang araw, at babantayan din ng mga pulis ang buong bahay kapag natawagan na sila ni Lola. Dating sundalo ang pumanaw n’yang asawa.

                Nakarating ako sa terminal at agad na kumuha ng reservation. Bus #839. Seat #7. 8pm pa ang byahe. Tiningnan ko kung anong oras na: 7:56. May apat na minuto pa bago umalis ang bus. Biglang tumawag ang boses. Nagdalawang-isip ako kung sasagutin ko ba o hindi. Kinakabahan ako, pero kailangan kong maging matapang. Nanginginig ang kamay ko’t nagpapawis ang noo. Sinagot ko ang telepono.

                “Nasaan ka?”

                Nagtaka ako. Dahil sa pinaka-unang beses, hindi n’ya alam kung nasaan ako. Hindi ako sumagot.

                “Alam kong wala ka sa bahay n’yo. Nasaan ka?”

                “Nasa bahay ako. Sa CR.”

                 “Ang laki naman ng CR mo.” Tumawa s’ya. “May mga bus sa loob ng CR? Wow!”

                “H-hindi ko alam ang sinasabi mo! Nandito ako! Nandito ako sa bahay!”

                “Talaga? Akala mo ba maiisahan mo ‘ko?” Naging seryoso ang boses. “Bus #839. Seat #7.”

                Nilibot ko ang paningin sa buong terminal.  Pabilis nang pabilis at palakas nang palakas ang tibok ng puso ko. Nandito s’ya. Nararamdaman kong nandito s’ya.

                “Uuwi ka ng probinsya? Minamaliit mo ba ‘ko? Ganu’n ba ‘ko kadaling takasan?”

                Patuloy kong pinagmasdan ang paligid. Malamang ay pinagmamasdan n’ya rin ako. Natatakot ako kaya’t tumakbo ako papasok ng CR saka agad na ni-lock ang pinto.

Ang Mga PangalanWhere stories live. Discover now