Anino Ng Nakaraan
I
Sa bawat patak ng matang lumuluha,
Dinadalangin, halik na galing langit;
Tikom ang bibig, kirot ay kinakaya,
Nanunudyong pag-asa, tila nawaglit.
II
Kawangis, nakabaong punyal sa puso,
Mahapdi at tila walang katapusan.
Nakakubling salita, kailan yayao?
Kung bulag sa anino ng nakaraan.
III
Nasasabik sa panibagong umaga,
Mapapait na luha ang nalalasap;
Sa durungawan, nag-aabang ng laya,
Bagkus, di pa rin makalipad sa ulap.
IV
Nasa balintataw ang katotohanan,
Kapatawarang naliligaw sa liblib.
Nagpabaya ang alibughang isipan;
Sinasanay ng sakit ang bawat dibdib.
V
Naghahangad ng karamay sa karimlan,
Tungo sa dako kung saan may liwanag;
Tikis ang hirap, upang mapagtibayan
Yaring pag-ibig na minsan nang nabagbag.
VI
Kalungkuta'y may katumbas na biyaya;
'Pagkat ang luha'y di laging kasawian.
At sa pagtapak sa andamyo ng saya,
Mapapansing may luha pa ring naiwan.
BINABASA MO ANG
PATIMPALAK sa Pagsulat ng TULA(Tagalog lang)
Poetryito na ang hinihintay mong break! :))) sali a!