R4: ENTRY #2

377 18 33
                                    

Lilim ng Luha

 I

Sa blankong maskara na ‘yong winawasak,

Sa pighating ngiti at mundong ilusyon,

Nagugunaw ang aking munting halakhak,

Nakikita mo ang huwad kong emosyon.

 II

Sa likod ng aking aninong makinang,

Isang talang walang liwanag sa gabi,

Ay natutunaw ang aking kadiliman,

Sa iyong mga yakap at bawat ngiti.

 III

Bigat ng kadenang aking dinadala,

Kalungkutan ang lagi kong tinataglay,

Binuksan mo ang pintuang nakasara,

Papunta sa aking pusong nalulumbay.

 IV

Gabing walang mga bintuin sa langit,

Tikom ang bibig at ako’y tumatangis.

Pakiwari’y natangay sa bawat sakit,

Ng alon na puno ng paghihinagpis.

 IV

Hindi mawari sa nagtatagong dilag,

Ang lilim ng luha ko’y may kinikimkim.

Walang imik sa tulad kong naduduwag,

Tila ba’y hiyaw ng aking saloobin.

 V

Isang libong salita ang naihayag;

Isang patak lamang ng luha’y batid na.

Lihim ng puso’y pilit mong binubunyag;

Mga labi ko naman ay nakasara.

 VI

Bawat patak ng luha’y tila pag-ibig;

Binubuhay mo mahal, ang aking mundo.

Habang nakayakap sa ‘yong mga bisig,

Ang puso kong mailap ay nabihag mo.

PATIMPALAK sa Pagsulat ng TULA(Tagalog lang)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon