Kabanata 33&34: Ang Huling Matuwid At Ang Kasal ni Paulita

46.1K 93 4
                                    

                                               Kabanata 33: Ang Huling Matuwid

Araw ng pag-alis ni Simoun.  Sasama na siya sa Kapitan Heneral.  Nakahanda na ang kanyang dadalhing mga alahas at lahat na.  Paniwala ng marami na hindi makapangahas magpaiwan si Simoun.  Maaaring paghigantihan siya ng mga galit sa kanya o pag-uusigin siya ng kahaliling Heneral.

Nagkulong si Simoun sa kanyang silid.  Wala raw dapat tanggapin kundi si Basilio.  Dumating ang binata.  Pinatuloy siya sa utusan.  Kay laki ng ipinagbago ni Basilio.  Payat na payat, gusot ang buhok at walang ayos ang pananamit.  Wala ang dating kaamuan sa kanyang mga mata.  Matalim na ang mga iyon.  Para siyang bangkay na nabuhay.  Maging si Simoun ay nagulumihan sa anyo ng kababayan. Sinabi ni Basilio kay Simoun na siya ay naging masama na anak at kapatid na nilimot niya ang pagkapatay ng kapatid kaya siya ay pinarusahan ng Diyos.  Siya ngayon ay nakahanda ng gumanti ng sama-sama.  Sinabi niya na ang pag-iwas niya sa gulo na tulad ng pakikiisa kay Simoun ay nagbunga lamang ng kanyang pagkabilanggo.  Sasanib na raw siya kay Simoun.

Noon lamang nagsalita si Simoun.  Nasa sa panig daw pala niyang talaga ang katwiran.  Ang kanyang usapin ay siyang usapin ng mga sawimpalad na tulad ni Basilio.

Tumindig si Basilio na maaliwalas na ang mukha.  Sinabi niyang matutuloy na ang himagsikan dahil hindi na siya nag-aatubili.  Sinabi ni Simoun na ang mga ating mapayapa at ayaw ng gulo ang siyang nagtulak sa kanya upang ipagtuloy ang kanyang mga balak.  Kung noon sana’y nagkatulungan na ang mga nasa mataas na lipunan at ang mga nasa ibaba ang gawain sana ay mapagkawanggawa at hindi madugo at buktot.  Sa mga imbi niya natagpuan ang kanyang mga katulong.   Kung sila man ay hindi makagawa ng makinis na estatuwa sapat nang simulan nila ang paglilok at bahala na ang mga susunod sa kanila.

Di maunawaan ni Basilio si Simoun.  Nagtuloy sila sa laboratoryo.  Sa mesa roon ay may isang kakaibang ilawan.  Ang pinakalalagyan ay anyong Granada, may bitak at naiino pa ang mga tila buto nito.  Tinanggal ni Simoun ang mitsa.  Bakal na may dalawang sentimetro ang kapal na sisidlan na may isang litrong gas.  Binuhusan ito ni Simoun ng likido.  Nabasa ni Basilio ang nakatitik sa lalagyan ng likido – nitroglisirina.

Tumango si Simoun.  Ipinaliwanag niya na ang granada ay hindi isang payak na dinamita.  Iyon daw ang mga tinipon na luha ng mga api na siyang panglaban nila sa lakas at dahas.  Noon lamang nakakita ng dinamita si Basilio.  Hindi makakibo ang estudyante.  Tinurnilyuhan ni Simoun ang isang masalimuot na kasangkapang inilagay sa ilawan. Sinabi ni Simoun na ang ilawan ay gagamitin sa isang pista.  Pagkaraan ng 20 minuto ang liwang nito’y mangungulimlim at kapag ginalaw ang mitsa ay sasabog ang Granada kasunod ang mga supot ng pulbura sa kainan at walang makaliligtas sa mga bisita ng kapistahan.

Nabigo ang pagkakagulong katulong sana ang mga artilyero dahil sa kawalan ng pangangasiwa. Ngayon kailangan niya si Basilio upang mangunguna sa labanan.  Kukunin nila sa tindahan ni Quiroga ang mga baril at patayin ang lahat ng kalaban at ayaw sumama at patayin.  Hindi na sinuri ni Basilio ang narinig.  Binulag na siya ng tatlo’t kalahating buwang pagkabilanggo.  Nais niyang maghiganti.

                                        Kabanata 34: Ang Kasal ni Paulita

Nasa sa daan si Basilio.  Ika-8 ng gabi.  Makikituloy sana siya kina Isagani nguni’t hindi umuwi ang kaibigan sa buong araw na iyon.  Dalawang oras na lamang at sasabog na ang ilawan ni Simoun.  Maraming dadanak na dugo.  Marami ang mamamatay.  Sinalat ni Basilio ang kanyang rebolber at mga bala.  Naalala niya ang babala ni Simoun na siya ay lumayo sa daang Anloag.

Naghinala si Basilio.  Ang bahay ni Kapitan Tiyago ay nasa daang iyon.  May binanggit na kasayahan si Simoun.  Sa bahay na iyon idaraos ang piging sa kasal nina Paulita at Juanito.   Nakita niyang dumating ang sasakyan ng bagong kasal.  Nahabag si Basilio kay Isagani.  Naisip niyang yakaging sumama sa kanya si Isagani.  Siya rin ang tumugon.  Hindi papayag si Isagani sa gayong madugong pagpatay sa marami.  Hindi pa nararanasan nito ang nangyari sa kanya.

Nagunita niya ang pagkabilanggo, ang kabiguan sa pag-aaral, ang nangyari kay Huli.  Muling hinaplos ang puluhan ng rebolber at ninasang dumating na sana ang sandaling hinihintay.  Nakita niyang dumating si Simoun.  Si Sinong ang kutsero ni Simoun.  Sumunod ang sasakyan ni Simoun sa mga bagong kasal.

Nagtungo si Basilio sa Anloague.  Doon ang tungo halos ng lahat – sa bahay ni Kapitan Tiyago.  Ang Kapitan Heneral ang ninong at dadalo sa hapunan, dala ang isang tanging ilawang handog naman ni Simoun.

Ang mga dingding ng bahay ay dinikitan ng magagarang papel at magagarang aranya at mga bulaklak ang palamuti.  Mga angkat ang alpombra.  Kurtinang pulang pelus na nabuburdahan ng ginto at may unang titik ng pangalan ng mag-asawa.  May tinuhog na artipisyal na bulaklak ng suha.  Magarang- magara ang bahay na iyon.  Parang hapag ng mga diyoses ang pagdarausan ng hapunan.  Ang mesa para sa mga dakilang panauhin at mga diyus-diyusan ay sa asotea nakalagay.  Pipito ang doon ay luluklok. Naroon ang pinakamasarap at pinakamamahaling alak.  Ubos-kaya si Don Timoteo.  Kung sinabi lamang ng Heneral na ibig nitong makain ng tao, gagawin iyon ni Don Timoteo.

Ang Buod ng "El Filibusterismo"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon