Prologue: Ang Simula

18.9K 211 21
                                    

Si David Buenafe ay isang sikat na pintor at eskultor. Ang kanyang mga obra ay kinikilala na sa buong mundo. Maihahalintulad na din ang kanyang mga gawa tulad ng kina Michaelangelo, Leonardo da Vinci at Pablo Picasso. Marami na ang mga parangal at papuring kanyang natanggap sa larangang kanyang pinasok. Ngunit, nakaramdam na din ng pagod si David. Nalibot na halos niya ang buong mundo para sa kanyang mga likha. Babalik na siya ng Pilipinas upang doon ituloy ang kanyang mga nasimulan.

Sa kabila ng kanyang katanyagan at kayamanan, ay hindi nakuhang umibig pa muli ni David. Iisang babae lang ang kanyang minahal... Ngunit ang babae ding yun ang nagdulot ng matinding pighati sa kanyang puso. Mula noon ay ibinuhos na lang niya ang kanyang buong atensyon sa paglikha ng kanyang mga obra. Karamihan sa kanyang mga likha ay patungkol sa pagkabigo at sa magagandang babae. Iyon ang naging kaulayaw niya sa kanyang pag-iisa... sa kanyang pagkabigo

"Sadyang napakaganda mo Elena..." kitang-kita ang pagkamangha niya sa kanyang sariling likha.

Noon ay nasa harap siya ng kanyang estatwa, hawak ang isang mainit na tasa ng tsaa. Napapangiti pa siya habang walang sawang pinagmamasdan ito. Ang estatwang iyon ang pinaka-paborito niya sa lahat. Gawa ito sa isang espesyal na kahoy at nagtataglay ng tunay na ginto sa ilang bahagi ng pigura nito. Ito ang kanyang nag-iisang obrang itinira niya sa kanyang sarili. Ito ang estatwang nagsilbing saksi niya sa kanyang pagkabigo at muling pagbangon. Dito siya umiiyak at nanaghoy sa sakit na idinulot ng kanyang una at huling pag-ibig.

Napukaw na lamang ang atensiyon niya sa narinig na panaghoy ng kanyan alagang aso... Alam niya, lahat ng kanyang kasam-bahay ay namamahinga na. Hindi niya alam kung may iba pang gising sa kanyang tahanan...

"Si-sino kayo?" ang tanong niya sa ilang kalalakihang papanhik ng kanyang tahanan.

"Ah, Don David Buenafe... Kamusta po?" nakangisi pang bati ng isa sa mga lalaki.

"Sino kayo? Ano ang ginagawa ninyo sa pamamahay ko? Magsilayas kayong lahat! Lumabas kayo, kundi tatawag ako ng pulis!" akmang tatakbo ito papuntan kuwarto. Nasa isip niyang kunin ang kanyang baril upang maipagtanggol ang sarili. Ngunit huli na ang lahat...Naramdaman niya ang matinding hampas ng baril sa kanyang ulo. Noon ay tuluyan na siyang nawalan ng malay...

Hirap niyang idilat ang mga mata... napahawak pa siya sa kanyang ulo na nananakit pa ng mga sandaling iyon. Hindi na niya malaman kung may ilang minuto o oras siyang nawalan ng malay... Sa bahagyang pagkakadilat ng kanyang mga mata ay naaaninag niya ang mga lalaking waring hinahakot ang lahat ng kanyang mga kagamitan. Abala ang lahat, maliban sa isang lalaki. Malamang siya ang pinuno ng grupo. Nakatanaw ito sa estatwa ng kanyang paboritong obra. Hinahaplos haplos pa nito ang buhok nito. Kitang kita ang pagkamangha sa mga mata ng lalaki.

"Pati ito, balutin na at isama ito sa mga bibitbitin natin..." may awtoridad na utos niya sa isang kasamahan.

Napailing na lamang si David. Unti unti niyang pinilit tumayo. Hindi siya makakapayag na sa ganitong paraan siya matatalo ng grupo ng mga masasamang loob na pumasok sa kanyang tahanan. Kailangan niyang ipagtanggol ang sarili, sampu ng kanyang mga kasama at ng lahat ng kanyang pinaghirapan. Gumapang siyang unti-unti papasok ng kanyang silid. Nalagpasan niya ang lahat ng animo'y balakid sa kanyang daanan. Sa sobrang pagka-abala ng lahat sa kanya-kanya nilang gawain, ay walang nakapansin sa kanya. Sa isip niya ay hindi niya mapapayagan na makuha nila ang lahat, lalo na ang kanyang estatwa.

"Tigil!" sabay paputok niya ng kanyang baril, hudyat ng isang babala.

Napahinto naman ang lahat. Ang iba ay parang nagulat sa nakitang sandatang hawak niya. Walang kumikilos, lahat ay nagpapakiramdaman... Isa-isa niyang tinutukan ng baril ang bawat isa sa mga lalaking pumasok sa kanyang tahanan.

"Umalis na kayo sa aking tahanan... Kunin na ninyong lahat ang pera ko at mga alahas. Ngunit hindi ninyo maaaring dalhin ang estatwang iyan!" ngayon ay iniumang niya ang baril sa lalaking kanina pa nakatayo malapit sa estatwa.

"Eh kung hindi kami pumayag???" sabay hawak sa beywang ng animo'y isang babaeng pinag-aagawan.

"Puwes, wala akong magagawa kundi lumaban sa inyo!" may takot man ay sinubukan niyang barilin ang isang kasamahan ng grupo.

"Ooops! Mintis!!!" napahalakhak na ang lalaking nakatayo malapit sa estatwa.

Bago pa man nakapagsalita ulit si David ay mabilis na bumunot ng baril ang lalaking iyon at iniumang sa kanya. Sa dibdib tinamaan si David... Napahawak siya dito at ramdam ang bilis ng tagos ng mainit na likidong nanggaling dito... Unti-unti na lang siyang napaluhod... ramdam ang sakit na nagmumula dito.

Lalapit pa sana ang lalaking bumaril sa kanya ng marinig ng grupo ang wangwang ng mga pulis. Nakatawag pala si David sa pulis ng kunin niya ang baril sa kanyang kuwarto.

"Bitbitin lahat ng kaya nating dalhin... Dalian ninyo!" nagmamadaling hinablot ng lalaking iyon ang isang bag na puno ng maraming alahas at pera.

Bago pa man tuluyang makalabas ng bahay ang grupo, ay muli sumulyap ang lalaking bumaril kay David. Nakita niyang pilit itong gumagapang palapit sa estatwang kani-kanina lang ay kanilang pinagtatalunan... Waring hindi pa siya nakuntento sa ginawa dito, muli niya itong binalikan at inumangan ng baril sa sintido... Sinulyapan pa niya ang estatwang nasa kanyang harapan, sabay kalabit ng gatilyo ng baril na hawak nito. Tumilamsik pa ang dugo ni David sa estatwa. Pinagtawanan pa nito ang lalaking nakahandusay at tsaka ito umalis.

Wala ng buhay si David. Namatay siya sa harapan ng kanyang obra. Namatay siya sa harapan ng estatwang kanyang nakasama sa mahabang-panahon... Ngunit hindi lang siya ang namatay ng mga oras na iyon... Kinalong siya ng isang babae. Patuloy ang pagtulo ng luha nito sa walang buhay na eskultor... Labis-labis itong nasaktan sa mga nangyari.. Labis itong nakakaramdam ng poot sa mga taong gumawa nito...

"Igaganti kita David... Uubusin ko ang lahat ng gumawa sa atin nito... Igaganti kita." noon ay nag-aalab ang galit sa kanyang mga mata, habang patuloy ang pag-agos ng kanyang luha... Nagpupuyos ang kanyang dibdib sa pagnanais na patayin ang lahat ng gumawa nito kay David, sa lalaking kay tagal niyang nakasama, sa lalaking kanyang minahal... sa lalaking lumikha sa kanya...

Ang Estatwa ni ElenaWhere stories live. Discover now