Gemini Chapter 3

302 10 16
                                    

Hindi inaasahan, nakialam ang tadhana.

Lumipas ang mga araw at nakita na lamang ni Kevin ang kanyang sarili na nakatira na sa bayan na iyon, sa isang lugar malapit sa planetarium. At lubos niyang ipinagpapasalamat na nakuha niya ang tiwala ng kapitan ng bayan at nabigyan siya ng pagkakataon na pangalagaan ang nakalimutang institusyon. Kung paano man niya nagawa ito ay patuloy niyang ipagtataka, pero bakit pa nga ba kailangan ng dahilan kung ang katotohana’y nangyayari na?

Sa bagong pagkakaabalahang iyon, ibinuhos ni Kevin ang buo niyang pagkatao at ang lahat ng kanyang nalalaman. Inilaan ng batang lalaki ang kanyang mga nalalabing oras upang buhayin ang abot-kamay na kalawakan. Mag-isa, humanap siya ng tulong mula sa mga opisyales ng bayan – pera man o tauhan, tinanggap niya ang lahat ng ialok sa kanya. Araw at gabi, nag-iisip siya ng mga ideya kung paano mapapabuti ang kondisyon ng lugar. Araw at gabi, pipilitin niyang alalahanin ang ilang mga bagay na pinilit niyang kalimutan.

Lahat ito, ginawa niya mag-isa. Hindi dahil walang tutulong, ngunit dahil hindi siya tatanggap nito. Matatag ang kanyang depensa. Hindi niya hahayaang may makapasok sa kanyang mundo.

Hindi nagtagal, nagliwanag ang mga ilaw at muling nagbukas ang pintuan ng planetaryo. Sabik ang mga tao. Ngunit higit sa lahat, lubos ang pasasalamat nila sa lalaking hindi ngumingiti, pero nakatulong ng sobra. Sa isang bayang kasing-liit ng kanilang lugar, hindi normal ang makakuha ng ganoong klaseng atensyon mula sa isang dayuhan.

Hindi aaminin ni Kevin, ngunit ang mga ngiti at ilang mga luha ng kaligayahan mula sa mga naninirahan doon ay unti-unting lumulusaw sa matayog na pader na itinayo niya sa paligid ng kanyang puso. Gusto niyang makingiti. Gusto niyang makitawa. Pero mas nananaig ang kagustuhan niyang mamatay mag-isa.

Hindi niya nakakalimutan iyon. Hindi madaling makalimutan ang ganoong katotohanan. Kaya’t ang kahit anong uri ng koneksyon sa mga tao ay delikado. Kaya’t kahit nag-uumapaw ang pagmamahal na nais ibigay ng iba sa kanya, pinili niya pa rin mabuhay sa isang mundong kulang at walang kulay.

Dahil sa isip niya, hindi siya karapat-dapat para sa pagmamahal na iyon.

***

Isang araw, habang naglalakad si Kevin patungong planetaryo, mistula siyang tinraydor ng kanyang sakit. Walang nakakaalam ng kanyang kalagayan at ayaw niyang ipaalam. Kung kaya’t kahit hindi makalakad at kahit hindi na makakita, pinilit niyang makabalik sa maliit niyang kwarto at doon ay magtiis hanggang mapawi na ang nararamdamang sakit.

Pinilit niyang abutin ang mga gamot sa gilid ng kama – ininom ito at naghintay ng ilang minute para tumalab. Subalit lumipas ang oras, walang nangyari. Bagkus, lumala ang sakit na tila kumakalat na sa kanyang buong pagkatao. Mistulang may apoy na sumusunog sa bawat parte ng kanyang katawan.

Wala na siyang makita. Sana’y wala na ring maramdaman.

Pero hindi ganoon ang nangyari, at wala na siyang ibang magawa kundi ang sumigaw.

GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon