Chapter 1

1.8K 18 2
                                    

Author's Note: Isa ito sa mga unang ginawa kong nobela noong nagsisimula pa lamang ako. Kaya pagpasensyahan na ninyo...hikhik

“Rose, gising na,” marahang niyugyog ni aling Isay ang alaga. Nang hindi kumibo ang dalaga ay lumapit si aling Isay sa bintana at binuksan ang mga kurtina upang papasukin ang maliwanang ng sinag ng araw. Nagtaas ng mukha si Rose, kinusot niya ang kanyang mga mata mula sa pagkasilaw. Mula noong sanggol pa lamang siya ay yaya na niya si aling Isay na itinuturing na niyang pangalawang ina. At nang sampung taong-gulang siya, nang mag-asawang muli ang kanyang ama ay si aling Isay nalang ang tanging kakampi niya – ang tanging tao na nagdudugtong sa kanyang masayang pagkabata at nagpapaalala sa namayapa niyang ina.

“Nanay Isay, ayoko pang gumising. Ayoko lumabas ng kwarto ko ngayong araw na ‘to. I hate this day!” dramatikong reklamo ni Rose. Kinakapa niya ang magulo niyang buhok at napasimangot nang makita ang repleksyon sa salamin.

Mula pagkabata ay tanggap na ni Rose na hindi siya maganda. Sa totoo lang wala siyang nakikitang maganda sa pagkatao niya. Hindi siya matalino. Hindi siya marunong sumayaw at tanging sa shower lamang siya may lakas ng loob kumanta. Siya ang tipo ng babae na hindi na binibigyan ng ikalawang tingin, kung tatapunan man ng una. Wala naming mali sa features niya, wala ding remarkable, plain kumbaga. Pero hindi sa mga mata ni aling Isay na bukod sa kanyang ina, ay tanging nakakakilala sa kanya ng lubos. Katulad ng ina ni Rose si aling Isay lamang ang nakakapansin sa magandang ngiti ng dalaga, hindi kasi ugali ni Rose ang ngumiti. Si aling Isay lang din ang nakaka-unawa sa nangungusap na mga mata ng dalaga. Sa loob ni aling Isay ay naawa siya sa alaga na animo’y laging may hinahanap na hindi masumpungan, nababasa niya sa mga mata ni Rose iyon. Iyon bang parang naliligaw ang dalaga, parang laging out-of-place – kahit sa sarili nitong tahanan.

“Hinihintay ka na nila sa baba,” paalala ni aling Isay.

“Sabihin mo may sakit ako. Sabihin mo may tigdas ako o kaya may bulutong, basta mag-isip nalang kayo ng nakakahawang sakit. O kaya naman sabihin ninyo may beke ako.” Tumawa ng mahina si Aling Isay pagkatapos ay tumayo at kumuha ng damit sa cabinet.

“Hindi na uubra yan Rose. Hindi pwedeng hindi ka magpakita man lang, birthday ngayon ng kapatid mo.” Umikot ang mga mata ni Rose nang marinig niya ang salitang kapatid. Kapatid? Well, technically magkapatid nga sila ni Anna Luise dahil sa mag-asawa na ang kanilang mga magulang.

Hindi niya makakalimutan ang araw na tumapak sa kanilang bahay si Anna Luise at ang mama niya. Excited si Rose noon. Sa wakas magkakaroon siya ng bagong mama at may bonus pa na kapatid. Sabik siyang magkaroon ng kapatid at natupad naman ang wish niyang iyon – sa katauhan ni Anna Luise. Magkasing-edad lang sila, parehong sampung taong gulang pero napakalaki ng pagkakaiba nila. Sapagkat si Anna Luise ay mistulang isang manika – maganda, eleganteng manamit sa kabila ng kamusmusan at taglay ang magandang asal na estranghero para kay Rose.

Nakalulugod sa pandinig ang tinig ni Anna Luise at para siyang nagsasayaw kung gumalaw. Noong una’y namangha si Rose sa kanyang bagong kapatid. Natuwa siya dahil mayroon siyang maipagmamalaking kapatid na bukod sa maganda ay mabait pa. Pero nang kalaunan ay mas lalong lumawak ang pagkakaiba nila. Habang patuloy sa pag-ganda si Anna Luise ay napagiwanan siya. Pinilit niyang huwag pansinin iyon pero hindi siya pinayagan ng mga tao sa paligid nila na kalimutan ang kakulangan niya at ang kalabisan ni Anna Luise. Habang lalo silang pinagkukumpara ay lalong nagtago si Rose sa kanyang shell.

“O sige na bababa na ako. Sabay na tayo kumain,” pakiusap niya sa matanda. Si aling Isay ay itinuturing na ring kapamilya ng mga magulang ni Rose kaya naman kasalo nila ito sa pagkain.

“Mamalengke ako. Sige na magbihis ka na at masamang pinaghihintay ang pagkain.”

Ngayon ang ika labing-walong kaarawan ni Anna Luise. Isa na namang okasyon kung saan aangat ang kagandahan nito. Isa rin itong pagkakataon upang muling ibantad ang pagkakaiba nila. Muli mananatili siya sa anino ng step-sister. Pagbaba niya sa hagdan ay rinig na rinig na niya ang masayang halakhakan sa kumedor. Masayang nagpaplano ang mag-ina para sa debut ni Anna Luise.

The Witch with a Capital B and Her Unscrupulous Slave (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon