"ABAKADA ni TITSER NENENG".... ni Makabayan

354 2 1
                                    

“ABAKADA ni Titser Neneng”

Ni Makabayan

                Hindi ko na nakikita ang kulubot na mukha ni Titser Neneng, maging ang mga guhit sa kanyang mukha na bukod sa katandaan ay dala na rin ng kahirapan sa buhay. Ang mga dala-dala niyang mga kagamitan sa pagtuturo sa oras na siya'y naglalagi sa aming baryo upang turuan ang mga musmos, na sa murang edad ay mulat na sa katotohanan na ang edukasyon ay para lang sa mga mayayaman, at ang kulay puting uniporme na siyang hudyat na paparating na isang bayani. Si Titser Neneng, hindi man isang lisensyadong guro, maituturing pa rin na higit na dakila sa alin mang guro para sa amin. Mula sa kaniyang pagkabata’y nakikitaan na siya ng potensyal nang pagiging isang guro, at sa kabila na hindi siya kayang pag aralin ng kaniyang mga magulang, nagsumikap siya upang makamit ang kaniyang pangarap sa buhay. Marahil, na sa murang edad pa lamang ni Titser Neneng ay mulat na ito sa katotohanang ang edukasyon sa bansa ay nakapaikot sa mga taong may kakayanan lamang na makapg aral sa pamamagitan ng salapi at impluwensiya.  Mulat sa katotohanang ang mga isang kahig at isang tuka ay alipin lamang ng kahirapan na walang karapatan na makapagaral dahil ang laging inuuna ay ang kalam ng sikmura. Alam ni Titser Neneng kung ano ang kaniyang kakaharaping buhay kung piliin niya ang pagiging guro at ipagpatuloy ang isang dakilang propesyon. Ngunit sa kabila nito, ay ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang pagaaral, salamat at suportado naman ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pag-aaral. Nakatanggap si Titser  Neneng nang pinakamataas na karangalan sa kanilang pagtatapos, ngunit di na siya tumuloy para sa propesyunal na pagsusulit. Dahil sa maagang namatay ang kaniyang Ama, napilitan na lamang si Titser Neneng na mamasukan bilang isang sekretarya sa isang maliit na kompanya sa isang siyudad sa Maynila. Hindi naglao’y nakilala niya si Mang Berto na isa namang traysikel driver malapit sa kanilang tinitirhan at napangasawa nito. Biniyayaan ang kanilang pagmamahalan ng tatlong mababait na supling. Si Rodolfo, Junior at ang bunsong si Cresencia, lahat ay naigapang ng mag-asawa upang makapagtapos ng pag-aaral.

Ngunit hindi ganoon kadali ang naging buhay na pinagdaanan ni Titser Neneng at nang kaniyang mag-anak. Dahil sa maagang pag bubunits,  pinili na lamang ni Titser Neneng na manatili sa bahay at asikasuhin na lamang ang pag-aalaga sa anak at asawa.  Dahil doon, si Mang Berto na lamang ang kumikita ng pera para sa pang araw-araw na gastusin ng pamilya. Sa kabila ng pagsisikap ay hindi pa rin naging sapat ang kinikita ng isang haligi ng tahanan. Sapat na upang makakain ng tatlong beses sa isang araw at mapagaral ang mga anak sa pamublikong paaralan. Nang naglaon, Sa paglaki ng kaniyang mga anak, pinili ni Titser Neneng na bumalik sa pagsesekretarya sa pag-asa na sa kabila ng kaniyang edad at hitsura ay marami pa rin ang oportunidad sa bansa. Ngunit iba na ngayon, lumilipas ang panahon, at unti-unti nang pahirap nang pahirap ang buhay dahil sa krisis sa bansa, maging ang mga malalaking kompanya sa mga kilalang siyudad sa Maynila ay nalugi’t nagsipagsara. Kaya’t pinasya na lamang ni Titser Neneng na gamitin ang kaniyang pinag-aralan at subukan na maging Guro.  Sa kaibila ng kaniyang kagustuhan, bigo siya na makahanap ng isang pormal na eskuwelahan at magkaroon ng malaki laking kita sa pagtuturo dahil sa wala pa siyang lisensya. Nagkaroon lamang ng pagkakataon si Titser Neneng na makapagturo dahil sa pag-vovolunteer titser nito sa isang baryo sa Pampanga, at ito ang aming Baryo, ang Baryo Dimag-uy, na ang mga namumuhay ay ang mga katutubong Ita. May 30 pamilya ang naaakopan ng aming baryo. Malayo sa siyudad, payak, ngunit kakikitaan nang kaayusan at katahimikan ang bawat pamilya. Karamiha'y magsasaka ang kabuhayan at minsan pag ko-kopra.

        Sa simula’y hindi masaya si Titser Neneng sapagkat bukod sa kahirapan sa pag punta sa aming baryo, mangyari pa’y wala siyang kinikita, ang perang ibinibigay ng gobyerno’y para sa pang-araw araw na allowance ay may mga pagkakataong nauudlot. Kaya maging ang kakaunting suweldo na naiuuwi ni Mang Berto’y kaniya pang nababawasan makapagturo lamang sa aming baryo. Ngunit di naglao’y dahil na rin sa suportado naman siya ng kanyang mga anak at minamahal na asawa ipinagpatuoy pa rin ni Titiser Neneng ang kanyang tungkulin bilang isang Volunteer titser sa aming baryo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 27, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

"ABAKADA ni TITSER NENENG".... ni MakabayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon