nang bigyan mo ako ng sintones (isang tula)

1.4K 44 14
                                    

nang bigyan mo ako ng sintones
at dati'y rambutan,
nagsimula ang panghuhula ko:
itinatangi mo ba ako?

nang alayan kita ng
mga mensahe at panahon,
parang normal lang ang lahat:
kaibigan mo lang ako.

nang ihandog ko sa iyo
ang pinakamagaganda kong akda:
natuwa ka, pinuri mo sila;
hinangaan mo ako.

ngunit hindi maaalis sa akin
ng mga ngiti mo't paghanga
ang aking alinlangan
na maaaring wala naman talaga
ako sa iyo.

Napapagod nang hulaan
na ang mga regalo mo'y
may timpla ng pag-ibig:
baka naman kasi hindi talaga
at imahinasyon ko'y
nagmamalabis.

Nagsasawa nang akalain
na ang urong-sulong na
alon ng iyong mga sagot sa
aking mensahe
ay urong-sulong ding
sagot sa tanong kung
interesado ka ba sa akin.

Huwag na tayong maglaro
ng hulaan ng isip,
ng damdamin,
ng henyuhan ng pag-ibig--
nakakapagod, nakakasawa--
pagkat kung nagtatanong ka
kung sino ang laman ng isip ko,
gaya ng pagtatanong ko
kung sino ang sa iyo;
lumingon ka lámang
at malalaman mong
ang pangalan mo ang
natutulog sa
panaginip ko.


12 Oktubre 2013 | 3:33 nu

sintones (isang antolohiya)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon