Kabanata 2

447 16 6
                                    

“What happened Floren!” Bulalas ni Mommy nang makita ako. Yumuko siya para pantayan at mahuli ang tingin ko pero nilihis ko ang aking mga mata. Ayokong magsumbong sa kanya ngayon.

“Are they bullying you again?” Nanginginig na ang boses ni mommy. Napabuntong-hininga ako. Nanay ko nga talaga siya, alam na alam niya ang nangyayari sa akin. Niyakap niya ako ng mahigpit, ni hindi niya ininda kahit amoy spaghetti pa rin ang uniform ko at puno ito ng mantsa.

“I’m fine Mom. Umuwi na lang tayo.” Ngumiti ako sa kanya at tinalikuran na siya. Pakiramdam ko mauubusan na ako ng enerhiya sa nangyari kanina. Naglakad na ako papunta sa passenger seat ng kotse habang naiwang nakatayo si mommy sa labas.

Maya-maya pa, pumasok na rin si mommy at pinaandar na niya ang makina ng kotse. Alam kong gusto pa niyang magtanong pero alam niya rin na hindi ako magkukwento sa kanya. Itinikom na lang ni mommy ang kanyang bibig at nagdrive na lang. Manaka-nakang sumusulyap siya sa akin pero nanatiling sa daan ang aking mga mata.

“I can’t take this! Bakit ang anak ko pa!” Naalimpungatan ako sa sigaw. Nakita kong bukas pa ang ilaw sa labas ng kwarto at may kauting siwang ang pintuan. Nakatulog agad ako pagka-uwi namin ni mommy at ngayon, mukhang sinabi na ni mommy kay daddy ang nangyari sa akin kanina.

“Wala tayong magagawa. Kailangan lang nating maghintay.” Unti-unti akong naglakad palabas ng kwarto. Katapat ko lang ang kwarto ng mga magulang ko kaya naririnig ko sila. Sumilip ako sa siwang ng kanilang pinto at nakita kong niyayakap ni daddy si mommy na noon ay umiiyak.

“Ayokong sinasaktan ang anak ko Ben. Ina ako! Masakit sa akin na makitang nahihirapan si Floren.” Napahagulgol na si mommy. Niyakap siya ng mahigpit ni daddy at hinahaplos ang buhok niya. May namumuo na ring butil ng luha sa gilid ng mga mata ni daddy.

“Magiging okay din siya. Let’s just hope for the best.” Hinalikan pa ni daddy ang ulo ni mommy.

Unti-unti ko nang sinara ang pintuan at bumalik sa kwarto. Isinara ko nang marahan ang pintuan at dumiretso sa kama. Namalayan ko na lang na namamasa na ang mga pisngi ko sa luha. Pati pala ang mga magulang ko, awang-awa na sa akin. Hindi lang pala ako ang nahihirapan sa sitwasyon ko.

Dati pa lang, sumusugod na si mommy sa eskwelahan sa tuwing nagsusumbong ako sa kanya. Muntik na ngang umabot sa demandahan kung hindi pa napakalma ni daddy si mommy. Mas lalo akong nabully ng mga kaklase ko nang dahil doon. Simula rin noon, nanahimik na lang ako.

Ininda ko na lang mag-isa ang lahat ng sakit, pisikal man o emosyonal. Hindi na ako nagsusumbong pa kay mommy dahil alam kong mas lalo akong mapapasama sa mata ng mga kaklase, at maging sa mata ng mga guro ko.

Nang makatapos ako ng elementarya, inilipat ako ni mommy sa ibang eskwelahan. Wala ring pinagbago. Nilalayuan pa rin ako ng mga tao at nagpapasalamat akong hindi na nila ako sinasaktan physically. Pero nagdududa ako kung dapat ba akong magpasalamat o hindi dahil pakiramdam ko, mas malala pa ako kaysa sa isang nakakadiring alien na dapat layuan.

Wala akong naging kaibigan. Lahat sila ilag sa akin. Dalawang taon akong nagtiis sa mga bulungan at sa mapangkutya nilang mga tingin. Marahil, nararamdaman din nila mommy at daddy ang paghihirap ko kaya’t napagdesisyunan nilang lumipat muli ako ng paaralan.

At mukhang mas lalo kong pagsisisihan ang paglipat ko.

Pumasok na ako sa classroom at nakita kong nakaupo si Shan sa puwesto ko sa likod. Naglakad ako ng marahan papunta sa kanya at agad naman siyang nagsalita.

“Magpalit tayo ng upuan kuba.” Nakataas ang kanyang mga kilay at pinagkrus niya ang kanyang mga braso. Naka-dekwatro pa siya habang naka-upo.

Pambihira. Buo na talaga ang loob niyang makipagpalit. Talagang nakalagay na nga ang bag niya sa upuan ko at mukhang wala na siyang balak umalis.

“B-bakit tayo magpapalit?”

Hindi ko namalayan na sinagot ko siya. Napayuko ako. Natatakot na ako sa maaaring gawin niya sa akin.

“Wag mo sabihing may gusto ka kay Seb kaya ayaw mong umalis dito sa upuan mo?” Napa-angat ako ng tingin. Nakita kong mas lalo pang tumaas ang mga kilay niya at nagsisimula nang maningkit ang kanyang mga mata. Umiling ako ng mabilis sa takot.

“Good. Doon ka na sa upuan ko.” Tinuro niya sa akin kung saan siya nakaupo. Naglakad na ako papunta doon kahit gusto kong magprotesta. Umirap ang mga kaibigan ni Shan sa akiin.

Nang makalapit, agad nilang inilayo ang mga upuan nila. Medyo inasahan ko nang tututol sila sa paglipat ko kaya nagkibit-balikat na lang ako. Inilapag ko na ang bag ko sa likod ng upuan at kumuha ako ng libro para magbasa.

Ang ingay na nila. Nagsisimula na ang mga pigil na tili ng mga kaklase kong babae. Iaangat ko na sana ang tingin ko pero naunahan ako ng mga kamay na nakapatong sa desk ko.

“Bakit ka diyan naka-upo?” Nagtataka ang kanyang mukha. Nakita kong sumulyap siya sa likuran, kung saan kami naka-upo.

Hindi ko magawang sumagot kaagad sa kanya. Nagugulumihan ako sa itsura niya ngayon. Mamasa-masa pa ang kanyang mga buhok at parang inaantok pa siya kahit nakaligo na. Mamula-mula pa rin ang kanyang pisngi kaya agad akong napayuko sa insecurity. Nagmistulang libingan kasi ng mga tighiyawat itong mukha ko.

“Huwag ka ngang yumuko. Kinakausap pa kita eh.” Bakas ang pagkainip sa kanyang boses. Sasagot na sana ako sa kanya pero naunahan na ako ni Shan.

“Ayaw ka raw niyang katabi Seb kaya nakipagpalit siya sa akin.” Hinawakan pa niya ang braso ng lalaki at pinandilatan ako. Pinahihiwatig yata niya na huwag na akong kumontra pa sa sinabi niya.

O sige, sabi mo eh. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.

Nangunot ang noo ni Seb. Halata ang inis sa kanyang mukha habang tinitingnan ako.

“Totoo ba iyon? Puwes kung ganoon, wala ka nang magagawa pa dahil permanent seating arrangement na ‘yon!” Bumitaw siya mula sa pagkakahawak ni Shan at kinuha niya ang libro at bag ko. Naglakad siya papunta sa dating pwesto namin at inilapag ang mga ito sa dati kong upuan.

Nagmartsa ulit siya papunta sa amin at dala-dala na rin niya ang bag ni Shan. Iniabot niya ito sa kanya sa pabalyang paraan. Naguguluhang tinanggap ito ni Shan habang nakatingin pa rin sa lalaki.

Humarap na sa akin si Seb. Isang ismid ang ibinigay niya sa akin bago niya ako hinatak patayo. Hawak-hawak niya ang mga braso ko habang naglalakad kami papunta sa likod. Inilagay na niya ang suot na backpack sa gilid ng kanyang upuan at umupo na. Inutusan niya rin akong umupo pero hindi ako natinag. Nilingon ko si Shan sa unahan.

Nangangalit na ang mga bagang niya at bakas sa kanyang magandang mukha ang galit. Nanggigil siya habang hawak ang bag niya. Iniwas ko ang aking mga mata at umupo na lang. Tiningnan ko si Seb sa gilid ng aking mga mata at nakita kong naiinis pa rin siya hanggang ngayon.

Ano bang problema ng lalaking ito? Patay pa ako neto at talagang galit na galit si Shan. Bakit nga ba ayaw niyang makatabi ang babae? Imposible naman yatang ako ang gusto niyang makatabi. 

Nagulat na lang ako nang bigla siyang lumapit sa akin at bumulong gamit ang marahas na boses.

“Tandaan mo Floren, hindi kita hahayaang makalayo sa akin.”

Biglang nanindig ang balahibo ko.

Sa Likod ng LahatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon