Dapit-hapon (Maikling kwento)

2K 5 2
                                    

Dapit-hapon

Hapcher

Ang ilang ulap sa isang parte ng kalangitan ay unti-unting nagkukulay kahel na.  Marami na namang mga Bangka ang nagsisihanda at nagsisi-alisan para pumalaot na.  Sobrang kalma ng dagat at sobrang gandang pagmasdan ng tila linyang humahati sa kalangitan at sa karagatan.   Unti-unti na ding nagsisilabasan ang mga bituing nagkikislapan.  Napakaganda talagang pagmasdan ng mundo sa tuwing lumulubog ang araw.

“Naaalala mo pa nung mga bata pa tayo?  Itong lugar din mismo ang madalas nating tambayan noon.”  Sabi ko sa kanya habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa papalulubog nang araw.  Nakaupo kami ngayon sa bahagi ng dalampasigan kung saan malapit sa batuhan.

“Ang ganda talagang pagmasdan ng papalubog na araw, no?” sagot niya sa napakakalmang boses.

“Oo naman.   Palagi mo nga sa aking sinasabi noon na ipikit ko ang mga mata ko at humiling.  Kapag ang pagmulat ko ay sabay sa tuluyang paglubog ng araw, sabi mo matutupad ang hiling ko.”

Sa gilid ng paningin ko, nakita ko ang pagtingin niya sa direksiyon ko.  Malapit nang lumubog nang tuluyan ang araw.  Ipinikit ko na ang mga mata ko.  Kahit noon, hindi naman ako naniniwala sa sinasabi niyang ‘yun.  Subalit, kung ito na lang  ang huling makakatulong sa akin, maniniwala na ako at gagawin ko na – ang humiling sa araw sa una at sa huling pagkakataon na pwede pa.

“Vern, hinintay kita.”  Sabi niya.  Nagsimula nang mag-init ang mga sulok ng mga mata ko.  Ayokong magsalita dahil alam kong kapag nagsalita ako, pipiyok ang boses ko.  Nakapikit pa din ang mga mata ko.

“Vern, sobrang minahal kita.”  Sabi pa niya.

Minahal din kita.  Sobra.  Gusto kong sabihin yan sa kanya.  Subalit, ano pa ba ang magagawa ng mga salitang yan ngayon?

“Sabi mo sa’kin noon, mahal mo din ako pero iba ang ginawa mo.  Umalis ka pa din at mas pinili ang mga pangarap mo.”  Pagpapatuloy niya.

“Tama na Brene.”  Sagot ko.  Iminulat ko na ang mga mata ko.  Kasabay nun ay ang huling sulyap ko sa araw.  Tuluyan na nga siyang lumubog.

Humarap ako sa kanya at tinitigan ang mga mata niya.

“Alam mo ba ang gusto kong hilingin kanina?”  Naramdaman ko ang tuluyan na ngang pagbagsak ng mga luhang pinipigil ko kanina pa.

“Gusto kong hilingin kanina na sana bumalik na sa dati ang lahat.  ‘Yung dati na pwedeng-pwede pa tayo.  ‘Yung dati na pati ang mundo ay umaayon sa nararamdaman natin para sa isa’t-isa.  Pero Brene, kahit anong hiling ko, alam ko na hinding-hindi na ‘yun mangyayari.”

Tumayo na ako mula sa pagkakaupo sa buhanginan.

“Patawad Vern.”  Sagot niya.

Nagsimula na akong humakbang palayo sa kanya subalit bago pa man ako tuluyang makalayo, naabutan niya ako at niyakap mula sa likuran.  Inalis ko ang pagkakayap ng mga braso niya sa akin. 

“Sabi mo, naghintay ka.  Sabi mo, minahal mo ako ng sobra.  Pero hindi sapat, Brene.  Dahil kung totoong naghintay ka talaga, sana ngayon pwede pa.”

Ang sakit-sakit.  Pakiramdam ko, anumang sandali, mapapaluhod na ako sa panghihina.  Siguro nga masyado akong nagtiwala na kahit anong mangyari, hinding-hindi niya yun magagawa.  Pero hindi… dahil nagawa niya.

“Kung pwede lang sanang maging makasarili kahit minsan, gagawin ko.  Babawiin kita.  Pero Brene, hindi ko kaya.”

“Sabihin mo lang at kaya kong hindi ituloy ang kasal para sayo.”  Sagot niya sa nahihirapang boses.  Humarap ako sa kanya at pinilit pa ding ngumiti.   Naramdaman ko ang kaunting paglakas ng ihip ng hangin.  Napakasariwa at napakasarap damhin.

“Huwag.   Si Brene na kilala ko ay isang responsableng tao.  Harapin mo ang pananagutan mo sa kanya.   Lalong-lalo na sa magiging anak niyo na.”

Idinako ko ang tingin sa bahagi kung saan lumubog ang araw.  Mula sa kulay kahel na mga ulap, unti-unti na ngang nag-iba ang kulay ng bahaging iyon ng kalangitan.

“Patawarin mo ako Vern.”  Hinawakan niya ang mukha ko at unti-unting inilapit ang mukha niya.  Unti-unti na nga ring binabalot ng dilim ang kapaligiran.   Kahit sa huling pagkakataon, ipinikit ko ang mga mata ko para damhin ang huling beses na ganito siya kalapit sa akin, kung kailan damang-dama ko pa ang pagmamahal namin sa isa’t-isa.

Alam ko na mula sa mga oras na ‘to, hinding-hindi na magiging kasing ganda ng mga dapit-hapong darating ang mga dapit-hapong nasa ala-ala ko.  Ito na marahil ang dapit-hapon ng kwento namin ng taong mula pagkabata ay minahal ko ng sobra.

Nakakalungkot lang na hindi katulad ng pinangarap at inakala ko nung una…

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 07, 2013 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Dapit-hapon (Maikling kwento)Where stories live. Discover now