MLFTC-9

15.3K 498 7
                                    

MLFTC-9

*****

Matapos ang kuwentuhan namin at masayang hapunan ay maaga nang gumayak sila Aling Asun. Nasanay kasi sila na maagang matulog. Naiwan kami ni Selia rito sa kabilang bahay.

Nakakatuwa lang dahil parang kapamilya na ang trato nila sa akin gayong kung tutuusin naman ay isang hamak na istranghero lang.

"Ate, ano nga pala ang sadya mo sa isla?" Napabaling ako kay Selia. Abala ito sa pag-aayos ng hihigaan namin.

"Hinahanap ko ang tiyang ko." Sagot ko at muling napatanaw sa buwan.

"Ah, ate mauna na po ako ha. Kung inaantok na po kayo, pakisara nalang po ng bintana." Aniya.

Tumango lang ako at napatanaw muli sa buwan. Kay ganda nitong pagmasdan. Ngunit sa kalagitnaan ng aking pagmamasid sa buwan ay nakaramdam ako bigla ng malamig na hangin sa aking batok. Para bang may umihip kaya't nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan.

Dali-dali kong isinardo ang bintana at tumabi na kay Selia.

Napapadasal pa ako ng ilang beses bago tuluyang gumaan ang aking pakiramdam.

Napatalukbong ako ng kumot. Hindi ko na talaga gusto itong mga nangyayari sa akin. Hindi ko man lubos na maunawaan kung bakit ako nagkakaganito pero pakiramdam ko'y normal lang ito. Normal nga ba talaga?

Sinubukan ko na lamang ang matulog ngunit kahit nakapikit ako'y hindi pa rin ako mahila-hila ng antok. Inalis ko ang kumot at dumilat. Bumaling ako kay Selia, napaakahimbing ng tulog nito. Muli akong napatihaya at muling nakipaghilaan ng antok, hanggang sa tuluyan na akong makatulog.

*****

"Ate Yana gising po!" Nagulat ako sa biglaang pagtapik ni Selia sa aking braso kaya't napabalikwas ako't papungas-pungas pa.

"Hesus, Maria, Joseph! Selia, ginulat mo ako." Ani ko pa habang inaayos ang buhok ko.

Napasulyap ako sa orasan nilang nakasabit sa dingding, alas-kuwatro pa ng madaling araw. Bigla naman itong sumiksik sa akin.

"Kasi ate, may...may itim na rosas sa hagdan." Aniya.

Sa sinabi nito'y napatayo ako at inusisa kung talagang totoo ba ang sinasabi nito. Napasinghap ako nang makita ko mismo na totoo nga ang kanyang sinasabi.

Bumaba ako upang kunin ito at bumalik nang panhik. Lumapit ako kay Selia, mababakas pa rin sa mukha nito ang matinding takot.

"Selia, nakikiusap ako sa iyo. Ilihim mo na lamang ang tungkol dito." Napatango-tango naman ito.

"Maaari bang gisingin mo ang iyong ama? Gusto ko sanang lumakad na ng maaga." Dagdag ko pa.

"Sige po." Anito.

Dali-dali itong pumanaog at tinungo ang kanilang tahanan. Mariin akong napakuyom. Sino ba talaga ang nagbibigay nito sa akin?

Noong una ay akala kong hindi iyon sadya ngunit pangalawang beses na ito. Sa palagay ko'y may nagmamatyag sa akin. Hindi kaya ang madrasta ko ang may pakana nito?

Nasapo ko ang aking dibdib. Diyos ko, sana'y nasa mabuting kalagayan ang aking amain.

Inayos ko na ang hinigaan namin ni Selia at nag-ayos na rin ako ng aking sarili.

Hindi rin naman nagtagal ay pumanaog na ako't lumabas na din ng bahay.

"Magandang umaga Yana. Aba'y wika ni Selia, aalis ka raw ng maaga." Salubong sa akin ni Mang Edgar.

"Paumanhin po kung naabala ko ang tulog niyo. Tama po si Selia, kailangan ko ho talagang umalis ng maaga." Sagot ko naman.

"Nako sige, aba'y ihahanda ko na ang bangka." Ani Mang Edgar.

"Salamat po." Pahabol ko pa bago tuluyan itong umalis.

Bumalik ako nang panhik sa kuwarto at iniligpit ang mga gamit ko. Maging ang rosas na iniwan ko kanina ay isinilid ko rin sa maleta ko. Matapos kong magligpit ay lumabas na ako ng bahay. Tinungo ko ang bahay nila Selia.

"Ang ina mo, Selia?" Tanong ko pa nang maabutan ko ito sa pintuan.

"Tulog pa ho, ate Yana." Aniya.

Humugot ako ng ilang pera sa bulsa ko at iniabot kay Selia. Akmang tatanggi ito ngunit nagpumilit ako.

Matapos ay tuluyan ko nang tinungo ang bangka ni Mang Edgar. Inalalayan niya pa akong makasakay at tinulungang buhatin ang maleta ko. Pinaandar na ni Mang Edgar ang kanyang bangka at agad itong pinasibad.

Hindi rin naman nagtagal ang aming biyahe dahil nakarating din naman kami ng maayos. Muli akong ibinaba ni Mang Edgar sa Isla Pag-asa.

"Mabuti nalang at sa likod ng isla tayo nadaan. Mas malapit kasi dito." Anang Mang Edgar habang ibinababa ang mga gamit ko.

"Mang Edgar, salamat po sa lahat." Niyakap ko ito, na bahagya namang ikinagulat din nito.

"Naging mabait ka rin naman sa amin Yana. Nawa'y mahanap mo na kung ano man iyan." Nakangiting tugon nito.

Isang matamis na ngiti lang ang itinugon ko.

Nang tuluyan na itong nasa laot ay nagpalitan kami nang kaway sa isa't isa; hudyat ng pamamaalam. Naalala ko tuloy sa kanya ang aking amain. Humarap na ako sa mga taga-isla. Ito na ang simula. Mahahanap din kita tiyang.

*****

Nagsimula na akong nagtanong at naghanap. Sa kalagitnaan ng paghahanap ko'y ibig ko na yata ang sumuko. Wala man lang nakakakilala kay tiyang dito. Tama nga ba talaga ang nakasulat sa lumang litrato? Gusto ko na yatang sumuko dahil huling bahay na yata itong pagtatanungan ko. Lumapit ako sa isang matanda na nagwawalis sa kanyang bakuran.

"Manang, maari ko ba kayong abalahin?" Panimula ko. Nag-angat naman ito ng ulo at ngumiti.

"Sige ineng..." Kinuha ko ang tinuping larawan sa bulsa ko.

"May kakilala ho ba kayong Nelyncia Natividad dito? Ayon ho kasi sa isinulat niya'y taga-rito raw ho siya pero ni isa ho sa pinagtanungan ko'y 'di naman nila kilala." Paliwanag ko pa.

"Ay ineng, si Nely ba kamo? Aba'y mahigit limang taon na iyong wala rito. Ang balita ko sa kanya noong huli kaming magkita, napangasawa raw ng pamangkin niya 'yong anak ng amo niya. Nako ineng, kay layo ng islang iyon." Anito.

Nabuhayan ako ng loob sa narinig ko.

"Saang isla ho 'yon?" Usisa ko pang muli.

"Sa Isla Bakunawa ineng pero hindi ka basta maihahatid doon kung wala ka namang kakilala at ebidensyang iniimbitahan ka ng mga taga-roon. Pribado raw kasi ang islang iyon." Sagot nito.

Muli akong nanlumo dahil sa narinig ko.

"Salamat po." Nasabi ko na lamang at nanlulumong tinungo ang dalampasigan.

MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]Where stories live. Discover now