KABANATA 4

244K 2.7K 105
                                    

KABANATA 4

TINA

Wala na siyang sinabi pa uli sa akin. Siguro tuluyan na siyang nakatulog. Buti pa siya. Samantalang ako, masisiraan na ng bait sa mga sinabi niya. "Mabuti pang matulog na lang uli ako," sabi ko sa sarili ko pero isang oras na ata akong nakatingin sa kisame, hindi pa rin ako makatulog. Inabot na ako ng ala-singko nang umaga pero dilat na dilat pa rin ako. Nakatingin pa rin ako sa kisame at kabisado ko na rin kung ilang sapot ng gagamba ang naroon.

Sumapit ang ala-siete ng umaga at kaibigan ko na ang butiki na kanina pa palakad-lakad sa kisame. Naikwento na rin niya sa akin kung ano'ng sikreto sa buntot niyang tumutubo uli kahit maputol.

Alas-diyes na ng umaga at masisiraan na ako ng ulo, samantalang itong mokong na 'to sa kaliwa ko ay mahimbing ang tulog habang nakataas pa ang magkabilang braso. Ahitin ko kaya 'yung buhok niya sa kili-kili para may magawa ako?

Naiiyak na ako. Hindi na talaga ako nakatulog kaya umupo na lang ako sa kama at humarap kay Blake. Tulala lang ako at hindi ko namalayan na gising na pala siya at nakaupo na sa kama niya paharap sa akin.

"Whoa! Tina?! Bakit ganyan ang itsura mo? 'Di ka ba natulog?" gulat na gulat na tanong niya. Ganoon ba kasama 'yung itsura ko? Napahawak ako sa pisngi ko.

"Uy... Blake... Gising... ka... na... pala..." wala sa sariling sagot ko.

"Bakit ganyan ka magsalita? Lasing ka ba?" Sa pagkakaalam ko siya 'yung umuwing lasing tapos ako tatanungin niya? Okay lang siya? Parang siya pa 'yung walang tulog sa amin.

"Hindi... Wala lang tulog."

"Bakit ka naman 'di natulog?" Malamang dahil sa 'yo. May pa-confession kang ganap kagabi tapos aasahan mong makatulog ako?

"Ha...? Ah..." Syempre hindi ko naman pwede sabihin sa kanya 'yung mga pinagsasabi niya habang lasing slash semi-tulog siya, kaya deadma na lang sa tanong niya. "Umaga na... Kape? Gusto mo ng kape? Ipagtitimpla kita..." sabi ko sabay tayo ko at diretso ng lakad papunta sa kusina para mag-init ng tubig. Halos kaladkarin ko na 'yung sarili ko papuntang kusina. Iniwan ko si Blake na tulala, at parang gulat sa sinabi ko.

Nakapaglagay na ako ng tubig sa takure at isinalang ko ito sa kalan.

"Tina, halika rito. Bilis," sinenyasan pa niya ako na lumapit sa kanya.

"Ano? Bakit ba?"

"Basta!" Paglapit ko sa kanya, inilagay niya 'yung palad niya sa noo ko. "Wala ka namang lagnat." Pagkatapos niyang salatin ang noo ko naglakad siya palabas ng pinto. Mayamaya'y pumasok na din siya uli.

"Ano'ng tiningnan mo sa labas?" nagtatakang tanong ko.

"Tiningnan ko lang kung may alaga tayong punso. Naisip ko lang na baka nanuno ka. Ang bait mo kasi sa 'kin ngayon."

"Ay! Sasapakin kita diyan! Wala akong sakit at lalong hindi ako nanuno! Wala lang akong tulog! Sige, binabawi ko na! Hindi na kita ipagtitimpla ng kape. Balak ko pa naman na hindi na ito isama sa listahan ng mga utang mo."

"Hindi ka naman mabiro," sabi niya sabay akbay sa akin. "Itimpla mo na 'ko ng masarap mong kape."

Nang dahil sa ginawa niya nagrigudon na naman 'yung puso ko sa pagtibok. Utang na loob Blake aatakihin ata ako sa puso nang dahil sa 'yo.

"Alisin mo nga 'yang kamay mo." Tinanggal ko 'yung pagkaka-akbay niya sa akin.

"Ang daming babaeng gustong maakbayan ng mga brasong 'to, tapos ayaw mo?"

"Yabang mo! Buhusan kita ng kumukulong tubig eh!"

"Wag naman." Bigla siyang urong palayo sa akin. "Sige, tatahimik na po."

Living Under The Same Roof (The Hottie and The Promdi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon