Parada ng mga Patay

143 12 0
                                    

GULAT na gulat si Clinton nang malamang sa San Agustin ang susunod na destinasyon nila. Hindi na siya nakapagsalita magmula noon. Nais man niyang huwag sumama ay hindi puwede dahil kailangan siya roon bilang isa sa mga camera man.

Sa mga araw na lumipas ay naging sobrang tahimik niya. Halos wala siyang imik tuwing papasok sa trabaho. At tuwing magkakaroon ng mga pagpupulong tungkol sa susunod na proyektong gagawin nila ay palagi lang siyang nasa dulo, tikom na tikom ang bibig. Walang ganang makipag-participate sa anumang paraan.

Halos isumpa niya ang San Agustin. Nangako siya sa sarili na hinding-hindi na babalik o tatapak pa sa lugar na ito. Ngunit tila nakabuntot yata sa kanya ang kamalasan mula nang ianunsyo ng kanilang team na ito ang susunod na lugar na kanilang pupuntahan.

Nagtatrabaho siya bilang camera man sa isang programa sa telebisyon na kung tawagin ay KMKS o Kapamilya Mo Korina Sanchez. Nagtatampok sila rito ng mga kakaiba at nakakaaliw na mga kuwento mula sa iba't ibang panig ng bansa.

At dahil nalalapit na ang Halloween, nangongolekta sila ngayon ng samu't saring mga kuwento at lugar na may mga kababalaghan para puntahan at gawan ng dokyumentaryo. Kabilang na nga sa mga napagkasunduan ng team ay ang San Agustin.

Tuwing undas lang natatampok sa mga Halloween special programs ang lugar na ito pero araw-araw ay may kakatwang nangyayari dito. Mayroon kasing kakaibang tradisyon ang mga taga-San Agustin na malayong-malayo sa nakagisnan ng mga pangkaraniwang tao.

Agustinos ang tawag sa mga taong naninirahan dito. Nakilala sila dahil sa kakaibang seremonyas na kanilang ginagawa tuwing may namamatay sa kanilang mahal sa buhay.

Oras na pumanaw ang isang tao rito, gagawan ito ng higanteng Papier-Maché puppet at ipaparada sa daan habang inihahatid ito sa huling hantungan. May pagkakahalintulad ito sa mga Higante festival ng ibang lugar kung saan bumubuo sila ng malalaking mga tao na gawa sa puppet para iparada sa kalsada. Ang pinagkaiba lang, ang mga puppet na ipinaparada sa San Agustin ay base mismo sa mukha ng isang tunay na taong namayapa na.

Hindi lang ito basta puppet. Dahil ang mismong katawan ng namatay na tao ay nasa loob din niyon. Tinatadtad muna ang buong katawan ng tao hanggang sa ito'y magkapira-piraso saka ipapasok sa dibdib na bahagi ng puppet para magsilbing puso nito.

Dadasalan muna iyon ng pamilya bago iparada sa kalsada. Tulad ng normal na kaganapan sa mga patay na inihahatid sa huling hantungan, puwede ring sumama sa paradang iyon ang mga kaanak, kaibigan o kakilala ng namatay na tao bilang pakikiramay.

At kapag naihatid na sa huling hantungan ang naturang puppet, doon na ito susunugin bilang katumbas ng paglilibing dito. Oras na maging abo na ang puppet ay awtomatiko itong mahahalo sa mga lupa bilang dagdag pataba.

Ang kakaibang tradisyong ito ng mga Agustinos ang dahilan kung bakit hati ang opinyon sa kanila ng maraming tao sa iba't ibang mga lugar at bansa. Marami ang natatakot sa ginagawa nila. Pero marami rin ang humahanga.

Hindi lang kasi basta normal na giant puppet ang ginagawa nila sa kanilang mga higante. Hinahaluan din nila ito ng matinding creativity. Kinakabitan nila ito ng makakapal na mga string o tali sa bawat sulok ng katawan. Bukod doon, may isang tao rin na pinapapasok sa loob para kumontrol naman sa pagkilos ng mata at bibig nito.

Oras na iparada ang higanteng puppet, hindi lang ito basta nakatayo nang diretso at walang ekspresyon. Gumagalaw rin ito na parang tao sa pamamagitan ng puppetry. Nagtutulungan ang mga taong nagpaparada dito para igalaw ang mga kamay at paa nito kaya nagmumukha itong tunay na taong naglalakad.

Bukod doon, buhay na buhay rin ang mukha nito dahil sa paggalaw ng mga mata nito na tumitingin-tingin pa sa mga taong nagdadaan pati sa bibig nito na bumubuka-buka at ngumingiti pa.

Nowhere to Hide (Published by Bookware Publishing)Where stories live. Discover now