Kabanata 4

64 7 57
                                    

IV: Senyorita Eulalia
••

"LILY!" Pabulong ngunit mariin na bigkas ni Lauro sa pangalan ng dalaga. Pinigilan niya ito sa pamamagitan ng paghawak sa braso. Ayaw niyang makita siya ni Eulalia dahil tiyak na trahedya ang mangyayari.

Magsasalita pa sana si Lily nang biglang nawala ang ilaw sa paligid. Tila isang kadiliman na walang katapusan. Napakagat pa siya sa kaniyang labi dahil naramdaman niya ang panunuot ng kuko ni Lauro sa kaniyang braso, "O siya, sige. Chill. Kalma." Pabulong niyang saad. Pagkuwa'y unti-unting lumuwang ang pagkakahawak sa kaniya.

Sa kabilang dako, napatitig si Eulalia sa isang bahay na maliit. May pait sa kaniyang mga ngiti nang maalala si Lauro pero agad na napailing at bumaba sa likod ng malaking oso.

Tahimik ang lahat, kahit na kuliglig ay hindi magawang magpalabas ng huni dahil na rin sa takot nila sa panig ni Eulalia.

"Senyorita, mukhang tulog na yata si Lau-" Hindi natapos ni Sebyong ang nais sabihin nang dumiretso sa pintuan ang kanilang reyna.

"Lauro, lumabas ka riyan, nais ko lamang makipag-usap sa'yo." May awtoridad na boses ni Eulalia.

Samantala, kahit na madilim ay ramdam na naman ni Lily ang panginginig ni Verganza sa kaniyang tabi.

"Lauro!" Tawag muli ni Eulalia sabay katok nang marahas sa pintuan, "Kung ayaw mo itong buksan..." Agad niyang sinenyasan ang dalawang oso na tibagin ang pintuan.

Sumunod naman ang mga ito sa utos, pagkatapos ay tinadyakan nila ito nang buong pwersa.

Nang magiba ang pintuan ay biglang pumalakpak nang dalawang beses si Eulalia, bigla namang nagsulputan ang libo-libong alitaptap.

Nagkaroon ng liwanag ang buong sala. Doon ay nadatnan nila si Lauro na kalmado lamang na nakaupo nang tuwid kasama si Hugo at Verganza.

"Ano pa ba ang mapapala mo sa kanila? Lahat sila'y tinakasan na ng bai-" Naputol muli ni Sebyong ang sasabihin dahil biglang tinakpan ang bunganga niya ng pamaypay ni Eulalia. Napamura na lamang siya nang palihim.

Inayos-ayos ng babae ang sarili at may pang-aakit na tumungo sa kinaroroonan ni Lauro. "Nais ko sanang imbitahin ka sa magarbo kong handaan bukas ng gabi, ginoo."

Puno nang pagtataka ang mukha ng binata at napatingin siya sa dating kaibigan. Napataas ang kaniyang kilay, "Ano'ng mayroon?"

Ngumiti naman si Eulalia at hinimas-himas ang balikat ni Lauro, "Nalimutan mo na ba? Kaarawan ko bukas. Nais ko rin sanang magpagawa ako ng sandalyas sa iyo."

"Pero sapatos ang ginagawa ni Lauro, binibini." Sarkastikong saad ni Hugo.

Naningkit ang mata ng babae nang ibinaling ang tingin kay Hugo, "Marunong gumawa ang Lauro ko!" Singhal pa niya, "Hindi ba, Lauro?"

Nanatiling nakataas ang kilay ng binata at kalaunan ay napabuntong-hininga, "Siyang tunay." Tugon niya. Nakita niya pang napasapo sa noo ang kaibigang si Hugo sabay iiling-iling sa pagkadismaya.

Sa kabilang banda, nagkaroon ng pagkakataon na makalabas si Lily sa likuran ng bahay. Nang mabuksan nang dahan-dahan ang pintuan ay tumambad sa kaniya ang mga nagliliparang lambana na para bang inaaliw ang mga sarili sa mga bumubukadkad na bulaklak ng dama de noche at napapaligiran ang mga ito ng mga nakausling kabute sa lupa. Nahiwagaan siya sa ganoong eksena, kung dati ay pangarap niyang maging isang fairy, ngayon ay kitang-kita na niya ang mga ito sa akto. Kumikinang ito sa kulay asul na tila ba dinadala siya sa kailaliman ng karagatan.

The Tale Of MarahuyoWhere stories live. Discover now