Part 1

22.2K 743 373
                                    

“ANNA, please. Huwag ka nang magtampo sa’kin, okay? Sobrang busy ko lang talaga kahapon kaya nawala sa isip ko 'yong date natin.”

“Anniversary date natin 'yon, Bing! Para sa ikatlong taon nating magkasintahan! Pero anong ginawa mo? Kinalimutan mo lang!”

“Alam ko, kaya nga sorry na… Kung gusto mo, babawi na lang ako.”

“Babawi? Bing, maraming beses ko nang narinig 'yang linya mong 'yan pero may nangyari ba? Wala! Aasa lang uli ako.”

“Anna, naman…” Inilipat ko ang cellphone sa kabilang tainga ko upang abutin at i-off iyong mixer. Sa mga sandaling iyon kasi ay nasa Sunflower’s Bakery ako at abala sa pagmamasa ng mga harina para sa mga gagawing tinapay. “Intindihin mo naman ako, babe. Sunud-sunod kasi ang mga natatanggap naming orders ngayon mula sa mga suki naming restaurants at cafés. Tapos, may wedding cake pa akong tinatapos ngayon dahil kailangan na 'yong mai-deliver mamaya—”

“Eh, kung maghiwalay na lang kaya tayo nang sa gan’on, eh, makapagmasa ka na lang diyan habang-buhay?”

“Anna, huwag mo namang sabihin 'yan…”

“Sawang-sawa na ako sa ganito, Bing! Lagi ka na lang ganyan! Parating nangunguna ang trabaho mo kaysa sa’kin na girlfriend mo! Nakakapagod.”

“I’m sorry… Pero noon pa man ay alam mo naman kung gaano kahalaga sa’kin ang trabaho—”

“At ako hindi mahalaga sayo? Bing, hindi ko naman hinihingi ang buong atensiyon at panahon mo, eh. Pero sana ay maglaan ka naman nang kahit kaunting oras lang para sa’kin. 'Yong tayo lang. Hindi 'yong puro ka na lang trabaho, puro tinapay, puro pagmamasa! Kailan mo ba ako gagawing number one sa buhay mo? Lagi na lang ako ang panghuli…”

Napabuntong-hininga ako. Kinalabit ko si Bisca, ang kaibigan at assistant baker ko at sumenyas na tapusin niya iyong namasa ko nang harina. At ang bruha ay binelatan muna ako bago siya tumango. Pagkatapos hubarin ang suot na hairnet, lumabas ako ng bakery.

“Bing, ba’t ba kasi hindi ka pa pumayag na magsama na tayo?” Muli kong narinig ang boses ni Anna sa kabilang linya, bakas ang pagkainip sa kanya.

Three years na ang relasyon namin and, lately, kinukulit na niya akong magsama na kami, as in live-in partners. Pero ewan ba dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya nabibigyan nang matinong sagot tungkol sa bagay na iyon.

“Pag-usapan na lang natin 'yan mamaya sa apartment mo,” sagot ko. “Pupuntahan kita doon at ipagluluto ng paborito mong dinner. Promise.”

“Gawin mo, Bing. Huwag puro pangako.”

“I know. Babawi ako sayo, babe. So, kita tayo around seven?”

“Seven? Ahm… er, o-okay.”

“Wait, may gagawin ka ba ng seven? Para kasing…”

“No, no. W-wala akong gagawin. Hintayin na lang kita mamaya. Bye.”

“Bye. I love—” Patay na ang kabilang linya bago ko pa iyon matapos. Ilang sandaling tinitigan ko lang iyong screen ng cellphone ko. “Hay…” Pansin ko lang nitong lumipas na buwan ay wala na akong natatanggap na ‘I love you’ mula kay Anna. Pati good morning texts ay wala na. Samantalang dati ay sumasabog ang inbox ko sa mga texts niya. Ganoon ba talaga kalala ang tampo niya sa akin? Mukhang kailangan ko na talagang bumawi nang bongga. Lihim akong napangiti. Mamaya, titiyakin kong mawawala ang lahat ng tampo niya sa akin bago pa matapos ang araw na ito. Hindi na ako makapaghintay.

“Magandang umaga, Miss Bing! Lalo ka yatang gumaganda sa suot mong apron, ha? Puwedeng manligaw?”

Nilingon ko ang nagsalita. Agad tumutok ang tingin ko sa matangkad na babae na may Arab-Mediterranean features. Para siyang... hindi, mukha siyang manyika sa kulot at makakapal na pilikmata na meron siya. Matangos ang ilong niya at may mga mapupulang labi na sa tuwing ngumingiti ay tila laging nanunukso, o 'di kaya ay nang-aasar. May kutis na kakulay ng pinong disyerto ng Gitnang Silangan at may mga matang… haaayyy…

Kyra YueseffWhere stories live. Discover now