Simula

204 5 0
                                    

    SUNOD-SUNOD ang patak ng luha. Bawat taghoy ay sinasabayan nang bawat patak ng ulan. Madilim na at malungkot. Kaliwa't-kanan ang nakapayong dahil sa matinding buhos ng ulan.
 

  "Stella!" hiyaw ni Tita Mayet.
 

  Katulad nila ako man ay umiiyak din. Naghihinagpis sa pagkawala ni Mama. Naroon lang ako sa tabi. Yakap ni Papa habang tahimik din itong lumuluha.
 

  "Halika na, Mayet. Tanggapin na natin na wala na si Stella," sabi ni Tito Rodrigo kay Tita Mayet. Ang kapatid ni Mama. Hinila siya sa braso para makasilong ng maayos dahil nababasa na si Tita sa ulan.
 

  Humahagulgol pa rin si Tita pero nakuha niyang umalis sa harap ng lapida ni Mama. Unti-unting umalis ang mga nakilibing. Naiwan kami ni Papa na basa na rin ng ulan pero tila ba tulad ko ayaw din ni Papa iwan si Mama doon. Kahit na ba lumalakas pa ang ulan.
 

  "Papa..." tawag ko kay Papa dahil tila natulala na siya. Hindi na maayos ang pagkakahawak niya sa payong namin kaya mas lalo kaming nababasa ng ulan.
 

  "S-stella..." garalgal ang boses ni Papa kaya pati ako na medyo natigil na sa pag-iyak ay napangiwi na at bumuhos din ang luha.
 

  Kumirot ang dibdib ko dahil nakita kong hirap na hirap si Papa. Kanina tahimik lang siya. Hindi nagsasalita. Hindi umiiyak pero nang unti-unti ng ibinababa ang kabaong ni Mama ay pumatak na ang kanyang luha.
 

  Ang Papa ko na ni minsan hindi ko nakitaan ng kahinaan. Si Papa na hindi ko kailanman nakitang manghina at umiyak ay bigla na lang wasak na wasak ngayon dahil sa nangyari kay Mama.
 

  "Kumain ka na."
 

  Tahimik akong kumuha ng kanin. Napakurap-kurap ako. Nararamdaman ko ang pagkirot ng aking dibdib habang sumasandok na ng pagkain. Dapat na yata akong masanay na wala si Mama.
 

  Noong nandito siya, palagi niya akong inaasikaso. Kahit na Grade 4 na ko si Mama pa rin ang nagsasandok ng ulam at kanin ko. Nag-iisa lang akong anak kaya alagang-alaga ako ng mga magulang ko. Ang atensyon nila ay nasa akin lang.
 

  Ngayon, kami na lang ni Papa ang nakatira sa bahay ngayon. Dalawang araw pa lang naililibing si Mama pero para lang iyong kahapon. Maging ang panahon na hawak ko iyong kamay niya habang nasa hospital siya ay parang kailan lang din.
 

  Nanubig bigla ang aking mga mata.
 

  "Ava, huwag kang umiyak. Malulungkot ang Mama mo kapag nakita ka niya na ganyan," sabi ni Papa habang kumukuha ng sarili nitong kanin.
 

  Ngumiwi ang aking bibig at kinuskos ang mga mata.
 

  "Wala naman siya dito, Papa. Paano niya ako nakikitang umiiyak?" inosente kong tanong.
 

  "Nandito lang siya. Nanunuod sa atin. Hindi man natin nakikita pero nararamdaman ko binabantayan tayo ni... M-mama. Lalo ka na, kasi mahal na mahal ka niya." Pumiyok ang boses at namumula na ang mga mata ni Papa ng ipaliwanag sa akin iyon.
 

  Binagsak ko ang mga mata sa plato at humikbi. Sinusubukan kong pigilan pero hindi ko magawa dahil nalulungkot ako. Paano ko pipigilan kung siya nga nanghihina din.
 

  Alam kong masakit para kay Papa dahil ngayon ko lang siya nakitang ganyan. Naririnig ko siya na umiiyak sa gabi. Katabi ko lang kasi ang kwarto niya. Kaya minsan gusto ko siya tabihan sa pagtulog at yakapin. Kaso hindi naman ako sanay na sweet kami ni Papa.
 

  Kami lang ni Mama ang ganoon. Kaya kailangan kong sanayin ang sarili ko sa maraming bagay.
 

  "Mag-iingat ka sa pag-uwi mo mamaya. Huwag ka ng maglakad. Ito, pamasahe mo sa tricyle. Mag-antay ka na lang ng kasabay. Kulang ito pang-special."
 

  "Okay lang, Papa."
 

  Niyakap ako ni Papa bago ko siya tinalikuran at nanakbo papasok sa gate.
 

  "Ava! Si Papa mo naghatid sa'yo?" tanong ng nakasabay kong classmate.
 

  Tumango ako at hindi na nagsalita pa nang kung ano. Ngayon lang ako ihahatid ni Papa dahil unang araw ko ulit sa pagbalik eskwela simula nang nagkasakit at namatay si Mama.
 

  Malungkot akong kumakain ng tanghalian. Itlog na nilaga ang aking ulam. Hindi na nakapagprito si Papa. Naglaga siya ng itlog habang naliligo. Hindi naman kasi si Papa kumikilos sa bahay. Hindi rin siya talaga ang umaasikaso sa akin kaya nangangapa din siya. Ako din ang tinatanong niya.
 

  Malungkot akong tumingin sa ibang classmate ko na pinuntahan pa sila ng Mama nila para maghatid ng tanghalian. Iyong iba pareho ko na pinapabaunan na lang. Noon kasi na buhay si Mama. Tuwing tanghali naghahatid si Mama ng pagkain ko. Para daw mainit pa at ganahan akong kumain.
 

  Pilit kong nilunok ang pagkain. Para akong maiiyak dahil naawa sa sarili. Naiingit sa iba na mayroon pa silang ina.
 

 

  Nagtapos ako ng grade school at nagkaroon si Papa ng bagong trabaho. Naging driver siya ng isang mayamang pamilya. Chinese ang mga amo ni Papa at minsan na akong nakapunta sa maganda at malaking bahay ng amo niya.
 

  Nasanay na ako na wala si Mama. Natuto ako sa gawaing bahay na noon hindi ko naman alam. Naging independent ako dahil wala din naman akong pagpipilian. Laging wala si Papa dahil sa trabaho at gabi na lang kami nagkikita. Dati kasi siyang security guard sa kilalang pawnshop.
 

  Napilitan akong kumilos at asikasuhin ang sarili. Simula ng napunta si Papa sa mga amo nitong Chinese ay nagbago kahit papaano ang buhay namin.
 

  Hindi man sobrang hirap tulad noon, masasabi kong um-okay naman sa ngayon. Nabibili na ako ni Papa ng cake sa tuwing birthday ko. Ang baon ko ay naging 50 na ngayon samantalang dati sampu lang iyon.
 

  Nagtapos ako ng senior high na may highest honor. Ganunpaman, ang teacher ko iyong nagsabit ng medals ko dahil hindi makakadalo si Papa gawa ng trabaho nito.
 

  Lahat ng kamag-anak namin ay nasa probinsya. Huli ko silang nakita ay iyong nilibing si Mama. Oo nga pala, namatay ang mama ko dahil sa bukol daw sa ulo. Wala naman akong masyadong alam talaga noon pero ang tumatak sa isip ko. Mahirap na klase ng sakit iyon at kailangan ng malaking halaga para ma-operahan agad si Mama. Dahil sa kahirapan kaya napabayaan. Hindi agad napagamot. Hanggang sa tuluyan na niya kaming iwan.

The Attorney's RevengeWhere stories live. Discover now