CHAPTER 1

313 34 3
                                    

Malalaglag na yata ang mga bisagra ng sirang pinto. Sumisigaw si Aling Leticia, ang may-ari ng kwarto na inuupahan ko.

"Sandali!" sigaw ko habang nagsisipilyo. Nagmadali ako sa pagmumog.

"Hoy! Anong petsa na?" Nakadilat ang mga mata ng ale. Amoy longganisa pa ang hininga niya.

Nagkamot ako ng ulo. "Pwede bang sa makalawa na lang?"

"Punyeta!" Hindi naman halatang galit siya. "Tatlong buwan ka nang hindi nakakabayad. Ang haba na ng palugit na binigay ko sa'yo!"

"Pramis po, sa makalawa."

"Anong sa makalawa! Bukas ng umaga kapag hindi ka pa nagbayad, ikakandado ko itong unit mo!" Tumalikod siya at bumaba.

Ako naman ay naiwang tulala. Hindi naman ganito kahirap ang buhay dati. Pero simula nung magkasakit ang nanay ko, halos sa pagpapagamot na niya napupunta ang sahod ko. Ang dami ko ng utang, at ngayon hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera pambayad sa upa. Nahihiya akong lumapit sa mga katrabaho ko kasi halos silang lahat nahiraman ko na ng pera.

"Kuya, magdamit ka naman," saad ni Patsy, anak ng isang tenant. "Bakat pa yang titi mo sa shorts mo oh," komento niya pa bago pumasok sa unit nila.

Naghimutok ako sa kwarto. Matutulog sana ako kasi maaga ang shift ko mamayang gabi, pero di ako makatulog. Iniisip ko lahat ng mga babayaran ko. Renta. Gamot ni mama. Tuition ng kapatid ko. Mga utang ko. Hindi ko alam ang gagawin ko.

Tinangay ako ng pagkabalisa ko sa opisina ng tatay ko. Matagal na silang hiwalay ni mama, at may iba na siyang pamilya. Director of operations siya sa isang construction company na pagmamay-ari ng asawa niya. Kami ang unang pamilya niya, pero itong mayamang babae ang pinakasalan niya.

Inaantok ako habang naghihintay sa labas ng opisina niya. Ang sabi ng secretary niya, may meeting daw sa loob si Director Francis Delgado, tatay ko. Nilabanan ko ang antok. Dapat natutulog ako dahil graveyard shift ako sa ospital.

"Sir, may appointment po ba kayo?" tanong ng secretary sa tanggapan ng opisina.

"Ahhh..." Napakamot ako sa batok. "Wala eh."

"Sorry, sir, pero hindi tumatanggap ng bisita si Director Delgado without prior appointment."

"Ahhh, pwede pakisabi importante. Pakisabi anak ni Norma Castillo."

Dinial ng sekretarya ang telepono. Sandali siyang naghintay na i-pick up ng kabilang linya ang tawag. "Sir, anak daw po ni Norma Castillo. Importante raw." Pinakinggan niya ang tugon ng nasa kabila at tumango.

"Sir, upo lang muna tayo," saad ng secretary.

Matapos ang isang oras na paghihintay, bumukas din ang pinto ng opisina. Masayang nagsipaglabasan ang mga contractors. Nakipagbiruan pa sila sa tatay ko habang papalabas ng opisina.

Nang makaalis na ang mga bisita, tinawag ako ng sekretarya. "Sir, pasok ka na."

Masama ang tingin ng tatay ko sa akin. "Di ba kabilin-bilinan ko sa'yo na huwag ka pumunta rito?" Hininaan niya ang boses niya.

"Sorry, tay. Kailangan ko lang talaga."

"Wala akong maibibigay sa'yo ngayon."

"Kahit limang libo lang, pandagdag ko lang sa upa."

"Hindi nga pwede." Lalo niyang hininaan ang boses. "Minomonitor ng asawa ko ang lumalabas na pera sa opisina ko."

Gusto ko siyang tanungin kung wala ba siyang sariling pera, pero nag-alangan ako. "Palalayasin na ako ng landlady ko."

"Nathan, bente-tres ka na! Dapat responsable ka na."

Inaasahan ko na ito. Nang mga sandaling ito, nagsisisi ako na pumarito pa ako. Sana natulog na lang ako.

ORBEWhere stories live. Discover now