Chapter 3

11 1 1
                                    


NAGLALAKAD si Abigael sa pasilyo ng ospital nang mapansin niya ang isang lalaking nasa unahan. Angat ang height ng taong iyon sa karamihan. Hindi niya naiwasang habulin ito ng tingin kaya nakilala niyang iyon ang lalaking nakabangga kanina. Ang lalaking sukat iwan na lang siya matapos na mabangga ang dala niyang mga pagkain!

Tinatahak ng lalaki ang daan palabas ng ospital. Hindi tulad kaninang nakasuot ito ng blue shirt, ngayon ay puting polo shirt na ang suot nito. Marahil ay nagpalit ng damit sa loob dahil sa tilamsik ng softdrink kanina. Napangiti siya.

Ang guwapo pala niya...

Kanina kasi ay nagdilim ang paningin niya nang mabangga nito kaya hindi na niya napagtuunan ng pansin na guwapo ang lalaki. Mas mahalaga kasi sa kanyang awayin ito kanina kaysa pagmasdan. Ngayon, hindi na niya matanggihan ang dikta ng isip na habulin ito ng tingin. Hindi lang tingin kundi pati na rin ng mga paa. Sinundan niya ito sa lahat ng pasilyong dinaraanan nito. Nang minsang lumingon ito ay agad siyang nagkubli sa isang mataas na halamang nasa paso. Nagpatago-tago siya hanggang tuluyang makalabas ng ospital ang lalaki.. Nasundan niya ito hanggang sa parking area at doon ay nakita niyang lumulan ito sa isang puti ring kotse.

Sayang!

Napailing siya sa sarili. Ano ba namang klase siyang kapatid? Narito siya sa Maynila para magbantay ng kapatid na may sakit at hindi para maghanap ng guwapo. Dahil sa naisip ay napabilis ang mga hakbang niya pabalik ng ER.

"MAMA, baka naman puwedeng kayo na ang kumausap kay Grena?" tanong-pakiusap ni Phil sa ina. Mauubusan na siya ng pasensiya sa pagiging 'spoiled' nito. Lahat ng maisipan nito ay tila dapat niyang sundin at kung hindi ay may nakahanda agad itong panakot sa kanya. Tulad ngayon na tumawag ito upang itanong sa kanyang ina kung may nakita nang babaeng kasama niya. Tapos na raw kasi diumano ang dalawang araw na 'palugit' na ibinigay nito.

"Phil, hijo, alam mo ang kapasidad ng lola mo na gawin ang mga sinasabi niya. Hindi mo naman siguro gustong mapagbuntunan ng sisi ng buong pamilya. Sumunod ka na lang para wala nang mahabang pag-uusapan."

"Mama! Ano'ng sumunod ang sinasabi ninyo? Grena wants me to get married! Marry, do you hear?" Tila gusto niyang magwala kahit pa nga nasa telepono lang ang ina. Kung sana ay madali para sa kanya ang balewalain ang sinasabi nito at ng abuela pero hindi siya sanay nang ganoon. Hindi niya kayang basta isantabi ang hinaing ng mga ito.

Pero ano ang gagawin niya para matahimik ang dalawa? Kaya ba niyang sundin ang hiling ng abuela na tapusin na ang kanyang pagkabinata para dito? At kung sakali man, sino naman ang babaeng ihaharap niya dito? Ni hindi nga niya maasikaso ang manligaw ng babae dahil sa tindi ng demand ng propesyon niya.

"Wala na akong magagawa para sa inyong mag-lola. Ako man ay napapagod na rin sa Mama. Maybe it's about time for her to learn her own lessons. Teach her if you can." Nawala na sa linya ang ina matapos bitiwan ang mga salitang iyon. May punto ito. Panahon na nga marahil para matutunan ng abuela ang sariling leksiyon nito. Hindi naman marahil nito ipapahamak ang sarili dahil lang sa gusto nitong mangyari.

Ibinaba na niya ang teleponong hawak at saka tinawag ang assistant gamit ang intercom. Nang pumasok si Anna ay hindi ito nag-iisa; may kasama itong dalawang nurse na pamilyar sa kanya.

"Yes, anything wrong?" nakakunot ang noo niyang tanong sa mga ito.

Nagsimulang magsalita ang dalawa. Ilang saglit pa ay nag-isang linya na ang guhit niya sa noo sanhi ng inis.

ANG papel na ibinigay ni Mang Serafin kay Abigael ay naglalaman ng mga pangalan ng gamot na kailangan ng kanyang Kuya Paeng. Muli siyang nagbalik sa opisina ng social worker na nilapitan ng kanyang hipag upang humingi ng tulong. Nang marating iyon ay agad siyang napasimangot. Napakahaba ng pila ng mga taong nag-aabang ng grasya. Sadyang ganito ba kahirap ang mabuhay sa mundong ibabaw?

Love PotionWhere stories live. Discover now