Chapter 1

73 4 3
                                    


SA ikatlong pagkakataon ay tinawag ni Abigael ang konduktor ng bus na nakatayo malapit sa kinauupuan niya. "Manong, saan po ba talaga ang Kamias? Baka lumampas na po ako eh," kinakabahang tanong niya.

"Saan ba kasi ang Kamias na sinasabi mo? Kanina ka pa turo nang turo, tapos ay sasabihin mong hindi na naman iyon ang bababaan mo. Siguraduhin mo muna bago tayo pumara," tila naiinis na tugon nito.

"Basta malapit daw iyon sa panooran ng basketball eh. 'Di ba sa Cubao 'yon?"

Saglit na nag-isip ang konduktor at mayamaya ay napangiti. "Ibig mong sabihin ay sa Araneta Center ba? Eh malapit na po tayo."

"Ay, oo, iyon na nga! Fiesta doon ngayon, 'di ba?" excited niyang tanong. Sa wakas ay mukhang nagkaintindihan na rin sila. Kaya lang ay biglang nalukot ang mukha ng lalaki sa sinabi niya kaya muli siyang natigilan.

"Anong fiesta? Wrong number ka na naman, Miss!" sabad ng driver sa unahan.

Nilingon niya ito at sinimangutan. "Hoy, huwag mo 'kong niloloko ha! Anong wrong number? Hindi naman ako tumatawag sa'yo ah!"

Napalinga siya sa paligid nang makarinig siya ng tawanan at bulung-bulungan. Maging ang iba pang mga pasahero ay nakisali na rin.

Napakunot ang noo niya. "May nakakatawa ba?"

"Eh ale, saan ka ba galing at parang ngayon ka lang bumaba sa lupa?" susog naman ng isang nakaupo sa likod.

Kinuha niya ang payong na dala at saka tumayo. Akmang ipapalo niya sa iyon sa lalaki kaya sumigaw ito.

"Biro lang, Miss!" wika nito.

"Hindi ako nakikipaglokohan sa inyo ha!" Nilinga niya ang konduktor na noon ay nakatayo na malapit sa driver. "Ibaba niyo ako sa Kamias!" sigaw niya. Kung bakit sa dinami-rami ng bus na masasakyan ay doon pa siya nakapanhik kanina. Tila abnormal naman yata lahat ng sakay niyon!

"Sige na Ate, paki-ayos na ang mga gamit mo at ibababa ka na raw namin," nakangiti nang wika ng konduktor.

Mabuti naman kung ganoon.

Hindi siya kumibo. Pinukol niya ng masamang tingin ang mga nakangiti pa ring pasahero sa kanya.

"Maganda pa naman sana ano, mukha lang aning..."

Hindi niya pinansin ang komentong iyon. Sinikap niyang kalmahin ang sarili habang inaayos ang mga gamit niya sa ibabang bahagi ng kinauupuan. Tumigil ang bus at awtomatiko siyang napatayo. Akma na siyang bababa nang maisipan niyang lingunin ang driver.

"Manong, saan dito 'yung Kamias?"

"Ay hindi ko alam, Miss," tugon nito.

"Huh? Eh bakit dito niyo ibababa?" takang tanong niya.

"Aba'y Camachile na ito! Kamias...Camachile, hindi ba pareho namang puno iyon?"

Bago pa niya makuhang manapak ng tao ay ipinasya na lang niyang bumaba.

Kung hindi lang ako nagmamadali naku, maka-camachile kayo sa'kin!

HINDI maipinta ang anyo ni Phil habang kausap ang ina nitong si Carmela. Naroong mapapangiti ito at mayamaya ay mapapasimangot naman. Sa makailang beses kasing pagbisita ng ina ay wala na itong ginawa kundi ang pagsabihan siya. Lahat ay pinanghihimasukan nito mula sa paraan ng pagkakatiklop ng kanyang mga damit sa closet hanggang sa mga laman ng ref niya. Ang lahat ng iyon ay dahil alam niyang hindi sang-ayon ang ina sa desisyon niyang bumukod. Para dito ay hindi iyon makatwiran dahil hindi pa naman daw siya nag-aasawa. Saka na lamang daw siya mamuhay mag-isa kapag lumagay na siya sa tahimik.

Love PotionWhere stories live. Discover now