Kabanata 17

116 10 4
                                    

Lolo?

Humiwalay ako sa pagkakayakap kay Chief. Masaya ako dahil batid ko kung gaano kabusilak ang puso ng tatay ko, siguro nga, hindi ko siya nakita pero ang malamang naging inspirasyon siya sa iba ay sapat na.

“Gumayak ka Jawo, isasama kita sa opisina at may ipapakita ako sa’yong importanteng papeles,” saad ni Chief. Agad akong tumango at nagpaalam sa kanya na gagayak lamang ako.

Ilang minuto pa ay nasa loob na ako ng serbis ni Chief. Pinaandar niya ang sasakyan at sa pagkakataong lumabas kami sa kanto ng Sulucan doon ko napagtanto na isang malaking hakbang ang gagawin ko. Gusto ko ng hustisya kaya kailangan ko itong habulin dahil sa reyalidad, ang hustisya, kadalasan ay salita na lamang.

Inalis ko ang seatbelt ng huminto ang sasakyan sa harap ng dalawang palapag na gusali. Presinto pala ito. Nasa ikalawang palapag ang opisina ni Chief. Sa pagtapak ko sa loob nakita ko ang pagsaludo sa kanya ng mga pulis na naroon. Ngumiti si Chief, sa pagkakataong iyon, sa di malamang dahilan ay napangiti rin ako dahil nakita ko ang kababaang loob sa ginawa niyang pagngiti.

Nakarating kami sa opisina ni Chief na nasa dulong bahagi ng ikalawang palapag.

“Jawo, isinama kita ngayon dito dahil kailangan mong malaman ang mga bagay ukol sa tatay mo, sa kaso niya at kinahinatnan nito,” sabi ni Chief habang naghahalungkat sa mga nagpatong na papeles sa kanyang mesa.

Nakikinig ako sa kanya ngunit di ko maiwasang ilibot ang  mga mata ko sa apat na sulok ng kwartong ito. Ganitong ganito ang nakikita kong itsura ng opisina ng mga opisyal sa mga pelikula ni Ronnie Ricketts. May larawan ng Pangulo, may bandila ng Pilipinas at ng sangay ng pamahalaan kung saan nabibilang si Chief. Ngunit napako ang tingin ko sa plake kung saan nakaukit ang buong pangalan ni Chief.

 Sa isang manipis na kahoy na katulad ng sa mga guro. Iyon bang maliit na piraso ng kahoy na matatagpuan sa ibabaw ng kanilang mesa. Naalala ko tuloy ang sabi sa akin noon ni Maestro, guro ko noong nasa elementary ako, ang plakeng iyon ay simbolo ng resposibilidad na iniaatang sa mga guro. Ngunit agad niyang binawi ito at sinabing ang plake ay para sa mga pagkakataong naubos ang pasensya niya sa gwapong tulad ko. Napangiti akong muli, paborito ko talagang guro si Maestro. Sigurado naman akong hindi pangpukpok sa ulo ang plake sa ibabaw ng mesa ng mga guro. Sa tingin ko, isa itong paraan upang maipaalala sa mga guro na sila ay guro, na ang kanilang bokasyon ay kanila ring bokasyon. Walang katapusan ang impluwensya ng isang guro at sa pamamagitan ng plake araw-araw maipapaalala sa kanila na may mga tupa silang dapat ipastol.

“Jawo, nakikinig ka ba?” napakurap ako at bumalik ang atensyon kay Chief.

“Opo. Ano na nga po ulit ang pinag-uusapan natin?” umiling lang ito samantalang  ako naman ay napahiya sa tanong ko. Halatang hindi ako nakikinig kanina. Iniabot niya sa akin ang isang envelope.

“Ano po ito?”

“Buksan mo, Jawo.”

Tinignan ko ito parang tumigil ang oras, hindi ko maipaliwanag.

“Chief, bakit nangyari ito kay Tatay?”

“Para sa katotohanan, para sa bayan, para sa’yo,” sagot ni Chief.

Umupo ako sa pinaka malapit na upuan.

“Si Director General Hermogenes ay lolo mo, Jawo,” sabi ni Chief dahilan upang mapokus ang atensyon ko sa kanya.

“Paano po nangyari iyon?” nagtatakhang tanong ko sa kanya. Tatay ba ito ni Tatay?

“Si Jedidiah, ang nanay mo ay biktima ng pang-aabuso,” napatayo ako sa kinauupuan ko at handa na sa mga tanong ko nang hawakan ako ni Chief sa balikat at sinabihang manatili sa pagkakaupo.

“Mahirap ipaliwanag Jawo dahil maging ako, hindi ko alam na sa likod ng mga ngiti ni Jedidiah ay ang madilim na nakaraang minsan siyang nasadlak. Jedidiah Hermogenes, nag-iisang anak ni Director General Hermogenes. Mabuting anak, masunurin at matalino. Ngunit sa mura niyang edad ay naranasan ng iyong ina ang mga bagay na hindi angkop sa kanya. Paulit-ulit na pang-aabuso ang naranasan niya sa kamay ng tinuturing niyang ama,” tumikhim si Chief. Gusto kong magtanong ngunit hindi ko alam kung saan ako magsisimula.

“ Estudyante pa lamang noon ang tatay mo, dahil sa  hirap, kinailangan niyang magtrabaho para matustusan niya ang kanyang pag-aaral. Naging boy siya sa restawran ni Director General Hermogenes sa Maynila, noong mga panahong iyon ay Chief Inspector pa lamang siya,” dagdag ni Chief. Tinignan ko siyang umupo sa kanyang upuan. Tahimik kaming dalawa habang pinapaikot niya ang bolpen sa kanyang mga daliri ay nagsalita siyang muli.

“Ngunit sa di inaasahang pagkakataon ng pagdamuhin siya sa bahay ni Director Hermogenes ay nakilala niya ang anak nito, ang nanay mo. Tulala lamang ito. Lumapit siya rito ngunit wala pa siyang ginagawa ay nagsisigaw na ito. Narinig ito ni Director Hermogenes at binalaan na huwag na muling babalik sa kanyang bahay. Sinisante siya sa restawran,” sabi ni Chief kasabay nito ang pagbagsak ng bolpen mula sa kanyang kamay. Muli ako ay naluha. Hindi ko alam, hindi ko alam na ganito ang pinagdaanan ni Nanay.

“Ngunit mapursige ang tatay mo, sa libreng oras niya ay pumupunta siya ng palihim sa nanay mo. Masuyo niyang kinakausap ang nanay mo dahil ito ang natutunan niya sa kaibigan niyang biktima rin ng pagkakataon. Hanggang sa dumating ang punto na, umiyak ang nanay mo sa harap ng tatay mo. Himala nga sigurong maituturing ang pagkakataon na iyon dahil hindi lahat ng mga biktima ng ganito ay naisasalba ang sarili sa ganitong paraan. Sa huli, naitakas ng tatay mo ang nanay mo,” pagtatapos ni Chief sa kwento.

“Chief, paano naitakas ni Tatay ang nanay mula kay Ginoong Hermogenes?”

“Hayok sa kapangyarihan ang itinuturing na ama ng nanay mo ngunit natakot ito sa tatay mo ng binantaan niya itong ilalantad niya ang kawalanghiyaan nito sa madla sa araw mismo ng pagpaparangal sa kanya bilang bagong Director General. Sa tulong ng mga kaibigan ng tatay mo, naitakas niya si Jedidiah. Labing anim na taon lang ang nanay mo noon samantalang third year college na ang tatay mo. Lumipat siya ng eskwelahan at doon na nagtapos,” paliwanag ni Chief.

“Chief, lolo ko si Herold Hermogenes kasi anak niya si Nanay?”

Muling umupo si Chief sa kanyang swivel chair bago sagutin ang tanong ko.

“Hindi.”

Maguluhan ako sabi ni Chief kanina ay lolo ko siya tapos ngayon hindi na. Ang gulo, tangina, nakakagago.

“Ampon ang nanay mo. Sinubukan kong hanapin ang mga magulang niya ngunit wala akong napala,” sagot nito.

“Jawo, sa totoo lang kahit isa akong pulis, namamangha ako sa iyo, sa pamilya mo. Paano ninyo nakayang mabuhay ng wala ang tatay mo, paano nakayanan ng nanay mo ang lahat ng ito? Jawo, alam kong panghihimasok ito, ngunit wag ka sanang magdamdam sa nanay mo dahil sa akin mo pa nalaman ang mga ito. Masyadong malalim ang sugat na iniwan nito sa kanya. Alam kong mauunawaan mo ang mga bagay Jawo. Sa ngayon, ituon natin ang ating atensyon sa paghahanap sa labi ni Kuya Aga.”

Napagdesisyunan kong umuwi na. Ibinigay sa akin ni Chief ang ilang sulat na mula kay Tatay, mga litrato at ilang damit. Habang nasa sasakyan ako hindi ko maiwasang mag-isip. Hindi ko lolo si Herold Hermogenes kasi ampon lamang niya si nanay. Pero parricide ang kaso ni Tatay bakit hindi ko ito naitanong kay Chief.

“Chief, kaano-ano ni Tatay si Herold Hermogenes?”

“Kapatid sa ama,” hindi ko na alam kung ano pa ang magiging reaksyon ko. Bago pa ako makapagtanong ay nagsalita na si Chief.

“Jawo, masyasdong kumplikado ang mga bagay. Anak sa ibang babae si Hermogenes, ang tatay mo naman ang panganay na anak sa legal na pamilya dahil sa peligro napagdesisyunang ibigay sa Inang Simplicia ang tatay mo. Ang bottomline, hindi lumaki sa piling ng lolo at lola mo ang tatay mo. Si Inang Simplicia ang kinilala niyang ina.”

Napabuntong hininga ako. Parang nalulunod na ako sa mga nalalaman ko. Sana nandito si Tom para may mapagkwentuhan ako. Pumikit ako. Ang diwa ko’y gising na gising, nag-aalala sa kung anong mangyayari sa susunod, sa kung ano pa ang malalaman ko. Tama nga si Forrest Gump, ang buhay ay tulad ng isang kahong tsokolate.

Takip-silim na ng makauwi ako. Nagtakha ako sa nadatnan ko. Ang tatay at nanay ni Tom nasa harapan ng gate namin. Bakit kaya? At may hawak na kahon ang nanay niya. Tsokolate kaya iyon? Napailing ako sa naisip at lumakad na papasok.

Nakakapagpamurang KamalasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon