Chapter 20

1.1K 64 5
                                    

Maraming mga araw ang nagdaan at malaking tulong ang mga taong nasa paligid ko. Unti-unti na akong nagkaroon ng lakas upang subukan ang matagal ko nang kinatatakutan. Susubukan ko na huwag magpaapekto sa mga tao, susubukan ko na tanggapin ang sarili ko.

“Ngumiti ka sa harap ng salamin,” utos ni Elyka sa akin nang dinala niya ulit ako sa bahay nila. “Kailangan mong masanay sa ngipin mo. May kulang man, ang mahalaga ay maputi.” Hinawakan niya ang magkabilang balikay ko. “Masanay ka. Kapag nasa harap ka na ng maraming tao, hindi mo naman kailangang itikom palagi ang bibig mo. Kailangan mo ring ibuka.”

Napalunok ako at bumilis ang tibok ng puso ko habang tinitingnan ang sarili ko sa salamin. Mahirap para sa akin ito dahil naalala ko ang nakaraan. Naalala ko ang panghuhusga ng mga tao simula bata ako.

Pumikit ako. “H-Hindi ko kaya…”

“Huwag mong alalahanin ang nakaraan mo!” Nagtungo sa harap si Elyka sa akin at sinamaan ako ng tingin. “Kaya ka naaapi kasi ang baba ng tingin mo sa sarili mo, Blaizeree. Kapag natanggap mo na ang sarili mo. Kapag nayakap mo na ang kakulangan mo, ’yang insecurities mo, matutuhan mo nang baliwalain ang walang kuwenta nilang komento sa iyo. Sabi nga nila, magsisimula ang lahat sa sarili. Mahirap ito siguro para sa iyo, Blaize, at dahil kaibigan kita, tutulungan kitang malabanan iyon. Huwag na huwag mo nang hahayaan na maapi at magpaapi. Huwag mong hayaan na makawala ang mga opportunities na darating sa iyo. Hindi habang buhay ay dapat ganito, tandaan mo iyan.”

Umalis siya sa harap ko at mas lalo akong inihirap sa full size mirror ng kuwarto niya.

“Kaya ngumiti ka na, Blaizeree. Maganda ka, tandaan mo iyan. Hindi magbabago ang opinion ko sa iyo kahit ano pa ang magiging mukha mo. After all, ikaw ang naging tunay ko na kaibigan. Kahit sobrang tipid mong magsalita, hindi ka naiirita sa akin. Hindi mo ako itinataboy at hindi mo rin ako hinuhusgahan. Kaya huwag ka nang matakot. Ngipin lang iyan, maaayos. Maaayos pa rin iyan sa darating na panahon. Kapag ikaw ay may trabaho na, puwede mo na ipaaayos iyan. Now smile…”

Huminga ako nang malalim bago ako unti-unti iningiti ang labi ko na kita ang aking ngipin. Akmang ititikom ko na sana ngunit pinigilan ako ni Elyka.

“Ngumiti ka lang. Maganda ka kaya,” aniya at saka hinaplos ang pisngi ko. “Maputi ang ngipin mo kahit ganiyan. Hindi ka pangit, tandaan mo iyan. Hindi ka bampira o ano-ano pa. Tao ka, Blaizeree, at ang sama-sama ng mga taong naging masama sa iyo. Hindi mo deserve. Kung kilalanin ka lang nila, baka magsisisi sila sa kanilang mga ginawa.”

Yumuko ako. “S-Salamat, Elyka.”

“Walang anuman.” At nanggigigil na niyakap niya ako mula sa gilid nang sobrang higpit. “Sanayin mo ang sarili mo hanggang sa kaya mo na. Hindi maiiwasan ang panghuhusga. Magiging matatag ka.”

Tumango ako at pinakiramdaman ang kanyang yakap.

***

“Blaizeree, halika nga rito.”

Natigil ako sa pagwawalis sa sahig nang bigla akong tinawag ni Ma’am Hillary. Inihilig ko sa gilid ng pader ang walis at saka marahang nagtungo sa sala. Akala ko noong una ay si Ma’am Hillary lang ang mag-isa ngunit natigil ang mata ko sa isa pang tao na ngayon ay walang emosyong nakatingin sa akin. Napalunok ako at saka ibinaling ang tingin kay Ma’am.

“Ano po iyon, Ma’am?” tanong ko, binalewala ang mapanuring tingin ni Zero sa akin.

Ngumiti si Ma’am sa akin. “Zero is here. Paghandaan mo siya ng meryenda.”

Tumango ako at hindi na nilingon si Zero. Agad akong dumiretso sa kusina para kumuha ng meryenda. Naabutan ko pa si Manang Imelda na nagtitimpla ng kape at nang nakita ako ay natigilan siya.

“Oh, ano pa ang ginagawa mo rito, hija?”

Binuksan ko ang refrigerator at kinuha ang lemon juice roon. “May bisita po si Ma’am Hillary. Paghahandaan ko raw ng meryenda.”

“Hmm, pamangkin ba niya?”

Tumango ako.

“Himala naman yata at pumasok na iyan dito. Hindi naman iyan pumapasok rito, eh.”

Sinara ko ang pinto ng refrigerator at inilapag sa lamesa ang pitsel na may lamang lemon juice. Tinulungan ako ni Manang Imelda sa paghanda ng meryenda dahil hindi ko naman kasi talaga alam kung ano ang paboritong pagkain ni Zero.

***

“Kumusta ka na, hijo?” narinig kong tanong ni Ma’am Hillary kay Zero nang nailapag ko na sa center table ang meryenda.

Nang dumapo ang tingin ko kay Zero ay kumunot ang noo niya sa akin. Hindi ko nalamang pinansin at saka umatras na lamang upang ipagpatuloy ang aking ginagawa kanina. Kung nandito sana si Melody ay baka maglumpasay pa iyon sa kilig. Hindi pa rin kasi siya bumabalik, eh, at ang sabi ni Manang Imelda ay tungkol daw sa pamilya.

“I am fine, Tita. Actually I am here to tell you that Anastasia will participate in our upcoming English Festival.”

Natigil ako sa aking ginagawa at gulat na napabaling sa kanila. Ganoon pa rin ang mukha ni Zero. Hindi siya nang-aasar o nagbibiro. Kalmado lamang niyang sinasabi iyon kay Ma’am, samantalang ako ay gulat na gulat. Inilihim ko nga iyon, eh!

Kumunot ang noo ni Ma’am. “Anastasia?”

“Blaizeree,” dagdag ni Zero.

Namilog ang mata ni Ma’am at agad siyang bumaling sa akin. Kinabahan ako at parang gusto ko na lamang magpalamon sa lupa.

“Talaga? Bakit hindi mo sinabi sa akin?”

“S-Sorry, Ma’am.” Napayuko ako.

“Iyon lang ba ang pinunta mo rito, hijo?”

“Lock po sa amin, Tita. Puwede bang dito muna ako matutulog?”

Tumalikod na lamang ako at lumayo na lamang sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang pinaplano ni Zero pero mas lalo akong kinakabahan na ngayon ay alam na ni Ma’am Hillary. Wala pa naman talaga akong balak ipaalam. Huminga ako nang malalim at napagdesisyonan na lamang na tulungan si Manang Imelda.

Fill The Gap (Misfits Series #7)✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon