Wattpad Original
Mayroong 5 pang mga libreng parte

FALLEN 2: Forbidden and Beyond (Part 1: Adelise (The Blind Spirit)- Chapter 4)

13.1K 353 79
                                    

FALLEN 2: Forbidden and Beyond

Part 1: Adelise

Chapter 4

Makikita ang isang anim na taong gulang na bata sa tabi ng basurahan sa sulok ng isa sa mga nabubulok pero matatag na silid-aralan ng mababang paaralan sa isang maliit na bayan. Nakapaling ang ulo nya sa may bintana na animo'y may tinitingnan. Subalit kung titingnan mong mabuti, walang kabuhay-buhay ang mga matang iyon na parang isang pares ng kumunoy na hihigupin ka sa lalim nito, kabaligtaran sa mga kasama nya sa kwarto na tuwang tuwa habang nakikinig sa guro nila.

"Ikaw, Nene, anong gusto mo paglaki?"

Nanahimik ang ibang bata habang hinihintay ang sagot ng saling pusa nilang kasama. Saling pusa dahil hinila lang ito ng guro nila mula sa labas ng mapansin nitong nagtatago ang bata sa ilalim ng bintana nila habang nakikinig sa klase. Saling pusa dahil imbis na katulad nilang nakaupo sa kahit papaano'y matinong upuan na pangklase, nakaupo ang bagong bata sa isang maliit na bangkito na katabi ng basurahan.

Walang nakakakilala sa bagong bata. Walang gusto makipaglaro dito kahit na pinipilit sila ng guro nila. Hindi dahil sa gusgusin ito—lahat sila gusgusin. Kung hindi dahil sa iba ito sa kanila.

Pumaling ang ulo ng tinawag na 'Nene' ng kanilang guro. Pero mapapansin na hindi ito nakatingin ng maayos sa guro nila, mababanaag sa mukha nito ang pagtataka sa mga salitang yun ng guro.

"Paglaki ko?" mahina pero nakakabingi ang mga salitang 'yun sa kwarto na minsan lang manahimik ng ganun.

"Oo, Nene, pagtanda mo ano gusto mo? Yung mga kaklase mo gusto maging guro din, nars ang iba, inhinyero, duktor—ikaw? Anong gusto mo?"

Parang mas napaiisip pa si 'Nene' tapos pumikit na para bang may magbabago sa pagpikit nya. "Gusto ko po paglaki ko, gusto ko lang malaman kung bakit pa ako nabubuhay at anong silbi ng walang kwentang bulag na katulad ko sa mundong ito."

Napalitan ng isang maingay na tunog ang katahimikan pagkatapos magsalita ng batang iyon. Maririnig ang tunig ng kampana ng paaralan, hudyat na tapos na ang kalase. Mabilis nag-alisan ang mga estudyante at niyakap ang mga magulang nila naghihintay sa labas ng pintuan.

Pero nanatiling nakaupo si 'Nene' sa isang maliit na bangkito na kung saan makikita sa tabi ang isang supot na naglalaman ng binigay sa kanya bilang gamit sa eskwelahan. Mga papel na hindi nya magamit, lapis na sobrang liit at isang pambura na pudpod na—iyan ang laman ng supot kasama na din ang awa, habag at lungkot siguro pati malasakit na inabot sa kanya ng guro simula ng malaman nya na nakikinig si 'Nene' sa klase nya habang nakaupo sa batuhan sa labas ng silid. Batid ng guro na hindi ito magagamit ng maayos ng bata pero wala syang magawa. Gusto nyang maturuan pa ang bata pero hindi sapat ang kaalaman nya kung paano matuturuan ang isang bulag. Tinatarato nya na lang ang bata na normal kahit walang bahid ng normal dito.

Gaya ng sagot nito sa isang inosenteng tanong niya. Napakalalim ng mga salitang iyon at hindi bagay sa isang anim na taong gulang na bata.

Nakita nyang tumayo si 'Nene' at maingat na lumabas sa pintuan ng maramdaman nitong wala ng mga estudyante. Natuto na ang bata na dapat hindi ito makisabay sa mga kamag-aral nyang nakalimutan na yata na bulag ito kung maitulak siya palabas ng pintuan. Gustuhin man ito ihatid ng guro subalit ng ginawa nya ito isang beses hindi kinaya ng guro ang habag na naramdaman nya ng makita na halos sa isang kahon na bahay at pinapakain lang ito ng tira-tira ng kapitbahay. Gustuhin man ng guro ampunin ang kawawang bata, hindi kakayanin ng kakarampot niyang sweldo magdagdag pa ng papakainin kung meron din syang apat na anak at batugan na asawa. Nagkakasya na lang siya sa pag-alalay dito minsan, pagbibigay ng kaya nya at ang pagtrato dito na normal.

FALLEN 2: Forbidden and BeyondTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon