Entry #4

184 8 3
                                    

Title: Para kay Paolo

Enero 15, 2012

Pao, hindi ko alam kung matatanggap mo ito, pero gusto ko pa ring sumubok. Gusto ko pa ring umasa na mababasa mo ito. Nasaan ka na ba kasi? Ilang araw ka nang nagmi-mintis sa pag-bisita sa akin sa bahay, ah. Malapit na akong magtampo. 'Di ba, ayaw mo akong nagagalit sa'yo? Kaya please magpakita ka na. Ang dami ko nang gustong i-kuwento sa'yo. Pati may problema rito sa bahay, kailangan ko nang makaka-usap.
                                                                                                       -Lei

Pebrero 15, 2012

Pao, kaarawan ko na. Hindi ka pa ba babalik? Nag-suot ako ng bestida, oh. Sabi mo kasi sa akin dati gusto mo akong makitang nakabestida 'di ba? Kaya heto, hindi mo man lang ba titignan? Naghanda sila mama sa bahay dahil ang alam nila darating ka. Sabi ko, baka hindi ka maka-punta kasi may pinagkaka-abalahan ka pero maghihitay pa rin daw sila. Alam mo bang medyo nalungkot sila pagka-sabi ko no'n? Siguro namimiss ka na rin nila.
                                                                                                       -Lei

Marso 15, 2012

Tatlong buwan na akong nangungulila sa'yo. Nakakainis ka, araw-araw nagta-tanong ako sa inyo pero lagi nilang sinasagot, 'Hindi ko po alam e, ma'am.' Pati ba naman 'yong mga tao sa inyo hindi mo sinabihan kung saan ka nagpunta? Pao, ano ba talagang problema mo? Maiintindihan ko naman kahit ano pa 'yan, e. Papalampasin ko lahat ng buwan na nawala ka, basta bumalik ka lang.
                                                                                                       -Lei

Abril 15, 2012

Pao, kailangan kita ngayon please, bumalik ka na. Wala na si papa. Kaninang umaga pinatawag siya sa akin ni mama dahil kakain na. No'ng una, akala ko nagbibiro lang siya kasi kilala mo naman si papa 'di ba? Pero no'ng itinapat ko 'yong kamay ko sa ilong niya, hindi na siya humihinga. Sinubukan ko siyang gisingin pero ayaw niyang gumising. Parang kagabi ang saya-saya pa lang namin, tapos ngayon wala na nga siya. Ang sakit-sakit, sobra. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
                                                                                                       -Lei

Mayo 15, 2012

Isang buwan nang wala si papa. Bumalik na rin kami sa normal naming buhay kahit papaano. Araw-araw tuwing gigising ako, lagi kong iniisip na wala na 'yong taong bumabati sa akin nang, 'Magandang umaga, anak'. Wala na 'yong taong maabutan kong nagka-kape habang nagba-basa ng diyaryo sa hapag-kainan. Wala na 'yong taong yumayakap sa akin bago ako matulog at wala na 'yong taong bumabawal sa akin sa tuwing umaakyat ako sa tarangkahan ng bahay. Wala na, Pao. Wala na.
                                                                                                       -Lei

Hunyo 15, 2012

Alam kong hindi matutuwa si papa kapag nakita niya akong malungkot. Kaya pipilitin kong maging matatag, kahit mahirap kakayanin ko. Pero hindi ko pa rin maiwasang hindi malungkot. Hanggang ngayon kasi hindi ka pa rin dumarating. Natatanggap mo ba itong mga sulat ko? Hindi ka naman kasi sumasagot, e. Baka hindi ko na kayanin kung mabawasan pa ako ng isa pang mahal sa buhay, Pao.
                                                                                                       -Lei

Hulyo 15, 2012

Nagkasagutan kami ni mama at nasampal niya ako. Hindi ko kasi alam kung anong gustong mangyari ni mama. Gusto niyang lumipat kami doon sa bahay namin sa Maynila. Ibe-benta niya raw kasi 'tong bahay pero hindi ako pumayag kasi heto na lang ang natitirang alaala ni papa sa amin. Hindi ko naman sinasadyang mapagtaasan ko siya ng boses, e. Tinanong ko lang naman kung bakit niya ibe-benta, dahil ba hindi niya na mahal si papa? Tapos sinampal niya na ako. May mali ba akong nasabi? Tama naman ako 'di ba, Pao?
                                                                                                              -Lei

Agosto 15, 2012

Ayaw kong isipin na parusa ito ng Diyos. Dahil unang-una sa lahat, wala akong ginagawang kasalanan. Pangalawa, naging mabait akong anak at kaibigan. Pero bakit nangyayari 'to Pao? Nalooban kami kaninang madaling araw. Halos mangatog ang tuhod ko nang itutok no'ng lalaki 'yong baril niya sa sentido ko. Akala ko hindi na ako mabubuhay pa. Alam mo bang nang mga oras na iyon, ikaw lang ang laman ng isip ko, Pao? Iniisip ko na mahihirapan ka kapag nawala ako kaya't nagdasal ako sa Diyos. Nagpapasalamat ako dahil tadyak at suntok lang sa tiyan ang inabot ko. Mabuti na lang talaga at binuhay pa nila ako.
                                                                                                       -Lei

Setyembre 15, 2012

Hindi ko maiwasang hindi isipin 'yong sinabi ni Jeane kanina. Nabanggit kasi niya 'yong nangyari sa naging byahe niya sa Canada at nakita ka raw niya sa airport. Dapat lalapitan ka niya kaso kasama mo raw yata 'yong tita mo. Ang kaso lang, bago ka raw sumakay ng taxi, hinalikan mo 'yong babae sa labi. Ganoon ba talaga sa Canada, Pao? Sumagot ka naman sana kahit dito lang sa sulat na 'to, oh. Sino ba ‘yong babaeng ‘yon, Pao?
                                                                                                       -Lei

Oktubre 15, 2012

Pao, malapit na akong mapagod, malapit na. Pero kaya ko pang magtiis kasi alam kong babalikan mo ako. At sa oras na mangyari iyon, gusto kong makita mo kung gaano ako kasaya kasi nagbunga lahat ng pagtitiis ko. Ngunit sa isang iglap, nawala rin ‘yong pag-asang ‘yon. Nakita kita kahapon ngunit hindi mo ako pinansin. Pao, bakit?
                                                                                                       -Lei

Nobyembre 15, 2012

Akala ko ba partner kita? Akala ko ba 'da best' na kaibigan kita? Pero bakit ganito? Alam kong may dahilan ka kaya mo ginawa 'yon, pero hindi mo ba talaga pu-puwedeng sabihin sa akin? Ang hirap kasi nang ganito, e. Ang dami kong gustong sabihin sa'yo, Pao. Pero bakit ngayon ka pa nagbago? Kung kailan mahal na kita.
                                                                                                       -Lei

Disyembre 15, 2012

Tuluyan nang napagod ang utak at puso ko. Ayaw nang tanggapin ng utak ko ‘yong paniniwalang babalik ka pa. Hindi ko na rin maramdaman 'yong sinasabi nilang pagmamahal, Pao. Bakit kasi sa lahat ng taong mamahalin ko, bakit ikaw pa? Alam ko naman na kaibigan lang ang turing mo sa akin, pero bakit ikaw pa rin 'yong tinitibok ng puso ko? Malapit nang matapos ang taon, Pao. Heto na rin siguro ang huling sulat ko para sa'yo. Ngayong pasko o mas tamang sabihin na simula ngayong pasko, hindi na kita makakasama. Naisip ko rin na panahon na para palayain kita. Maraming salamat sa lahat. Kung nasaan ka man ngayon, sana okay ka at masaya ka. Mahal kita, Pao. Mahal na mahal. 
                                                                                                       -Lei

Incogni2 Auditions: EntriesWhere stories live. Discover now