InstaGroom Series 1 Rich COMP...

dawn-igloria tarafından

150K 3K 140

Phr Book Imprint Published in 2016 Puppy love na ni Irish ang keyboard player ng acoustic band na Crazy Hotsh... Daha Fazla

Eye To Eye
Nurturing Love
Seeing Her Again
Singapore Proposal
Fireworks
Becoming Mrs. Rich
Innocent Seduction
To Find Myself
Take Me Back

Unexpected Date

14K 269 1
dawn-igloria tarafından


CHAPTER TWO

"SUMAMA ka na, please?" Naglalambitin pa si Iris sa isang braso ni Rich habang pinipilit na sumama sa kanila ni Tita Olivia sa pagpunta sa Lake Palakpakin. May naka-schedule uling harvest sa tatlong fish cages na hindi pa naanihan noong nakaraan. Si Rich kaagad ang naisip ni Iris nang sabihin sa kanya ni Tita Olivia na isasama siya.
Dalawang linggo nang nagbabakasyon si Iris sa San Pablo. Natuto na rin siyang magbisikleta pagkaraan ng limang araw na pagtuturo ni Rich. Ang totoo, sa ikalawang araw pa lang ng kanilang pagtuturuan ay natuto na siya. Gusto lang niyang magkaroon ng dahilan para matagal pa silang magkasama.
Parang nakakahalata na ang binata sa ikaapat na araw. Kaya sa ikalimang araw ay napilitan siyang ipakitang marunong na siya.
"Hindi nga puwede," sagot ni Rich sa pangungulit ni Iris. "Darating 'yong mga bisita ko ngayon."
"Ite-text naman sa iyo ni Tito Crisanto kung nandito na sila. Saka maaga pa. Hindi pa kaagad makakarating dito ang mga iyon."
Natatawang ginusot ni Rich ang buhok ni Iris. "Ang kulit mo talaga."
Mabilis niyang inayos ang nagusot na buhok. Inirapan niya ang binata. "Sige na nga. Tinatawag mo na akong makulit." Tumalikod na siya at lumabas ng bakuran ng mga dela Cuesta.
"Iris! 'Oy, huwag kang magtampo!"
Parang natatawa ang boses ng binata. Nainis na naman tuloy siya sa sarili. Pinipilit niyang magpaka-mature. Pero lumalabas talaga sa kanya ang asal ng isang dalagita kahit ano ang pigil niya.
Malungkot na sumampa si Iris sa Strada pickup. Nakaupo na sa driver seat si Tita Olivia at hinihintay siya. Mabuti na lang at mapagpasensiya ang tiyahin. Hindi pa niya naranasang sungitan nito kahit minsan, kahit sinusumpong siya at nagmamaktol.
"O, nasaan na si Rich?" tanong nito. "Akala ko ba isasama natin siya sa lawa?"
"Hindi raw po siya puwede. May mga bisita raw na darating."
"Kaya pala sambakol ang mukha mo."
Sinulyapan ni Iris ang tiyahin. Nanunukso ang mga mata nito at napapangiti. Kinabahan tuloy siya.
Pinausad na nito ang sasakyan. "Gano'n talaga, kahit crush mo siya, hindi puwede na lagi mo siyang makasama. May sariling buhay din 'yong tao."
Napanguso siya, nag-init ang mukha at biglang pinawisan. Bistado na pala ng tiyahin ang secret crush niya kay Rich. At kung nahulaan iyon ni Tita Olivia, hindi malayo na mabisto rin siya ni Rich! Tumingin siya sa tiyahin. Nakangiti pa rin ito.
At least hindi siya pinagalitan ng tita niya. Kaya hindi siya dapat mahiya. Nauunawaan marahil nito na sa edad niyang iyon ay normal lang ang makaramdam ng labis na paghanga para sa isang guwapong gaya ni Rich. Maunawain ang tiyahin at maaari niyang pagsabihan ng nasasaloob. "Eh, Tita, sa tingin mo alam na ni Kuya Rich...?"
"Hindi ko rin alam. Pero kahit paano, kilala ko na si Rich, kahit alam niya, hindi ka naman siguro aasarin o tutuksuhin." Sumulyap ito sa kanya. "Hindi kita masisisi kung magka-crush ka sa kanya."
Napangisi na si Iris. "Ang guwapo niya po, 'di ba?"
"At magalang pa. Matulungin. Mabait. Pero bata ka pa."
"Alam ko naman po 'yon, Tita. Crush ko lang naman." Pero crush nga lang ba niya si Rich? Ang sabi doon sa slum book ng kaibigan at kaklase niyang si Mikay, paghanga lang daw ang crush. Alam niya sa sarili na hindi na siya humahanga lang sa binata. Kasi si Rich lagi ang laman ng kanyang isip kapag bago siya matulog, kapag kagigising niya o may ginagawa siyang kahit na ano lalo na kung nag-iisa. Madalas mamasyal ang kanyang isip kay Rich. Madalas niyang makita ang guwapo nitong mukha sa kanyang imahinasyon. Malinaw niyang nakikita sa balintataw ang ngiti ni Rich, ang pagtawa nito, pati na ang kilos, at ang boses kapag nagde-daydream siya. Kung minsan, iniisip niyang parang puputok na ang kanyang dibdib kapag naiisip na walang katugon ang feelings niya. At natitiyak niya na pareho rin ang magiging epekto sa kanya kung malalaman niyang crush din siya ng binata.
"Basta mag-concentrate ka lang muna sa pag-aaral. Kapag nakatapos ka na ng college course in the future, puwede ka nang magpaligaw kay Rich..."
Lumuwang ang pagkakangiti ni Iris sa binanggit ng tiyahin.
"O puwede mo na siyang ligawan."
"Tita!"
Tumawa lang ito.
"Tita, nagka-crush na po ba kayo noon?" naisip niyang itanong mayamaya.
"Siyempre naman."
"Sa... lalaki?"
Tumawa na naman ang tiyahin. "Oo, sa lalaki. Hindi naman kasi ako lesbian, taliwas sa iniisip ng iba."
Natuwa si Iris sa nalaman. Tama nga ang kanyang palagay. Babae talaga pati puso ni Tita Olivia. "Ano'ng nangyari, Tita?"
"Crush lang kaya siyempre noong pagtagal-tagal, nawala rin."
"Eh, 'yong love? Hindi ka po ba na-in love?"
Tumuon lang ang tingin ni Tita Olivia sa unahan, na parang doon nito makikita ang isasagot sa tanong. Sigurado si Iris na biglang nagbalik-tanaw ang tiyahin sa nakaraan. Lumamlam ang mga mata nito, lumitaw ang lungkot. "Na-in love din."
"Niligawan ka ba niya, Tita? Naging kayo ba?"
"Oo."
"Bakit hindi kayo nagkatuluyan?"
"Namatay kasi siya."
Nagulat si Iris. No wonder na tumandang dalaga ang tiyahin. Brokenhearted pala ito. "At hindi ka na po nagmahal ng iba?"
"Hindi na."
"Sayang naman. Siguro po, Tita, kung nagkaanak ka, maganda at mabait din na tulad mo. May pinsang-buo sana ako ngayon na puwede kong maging chummy at pagsasabihan ng tungkol sa crush ko."
Nilinga siya nito at sandaling pinagmasdan bago tumango. Hindi na nagsalita si Tita Olivia hanggang sa makarating sila sa Lake Palakpakin.

NAGKIKISLUTAN ang malalaking tilapia na sinalok mula sa fish cages ng mga tauhan ni Lola Irenea. Movable at moderno ang mga naglalakihang fish cage. Nababakuran lang iyon ng matitibay na lambat na may mga nakakabit na palutang, kaya mas madaling anihin ang mga isda. Hindi gaya ng ibang fish cages sa lawa na fixed ang bumabakod na mga tulos.
Kahit paano ay naaliw rin si Iris sa panonood at pagtulong sa pagtatala ni Tita Olivia ng mga natimbang nang isda. Inilalagay ang mga iyon sa naglalakihang ice chest. Container van ang pagkakargahan ng mga naani. Ngunit talagang nalulungkot siya na hindi nila nakasama roon si Rich. Hindi na siya masaya kapag matagal niyang hindi nakikita ang binata.
Parang may addiction na yata siya kay Rich. Kapag ilang oras na hindi ito nasilayan ng kanyang mga mata ay parang may kulang. Kung minsan, kapag napu-frustrate na siya sa mga nararamdaman kay Rich, gusto niyang sisihin ang binata kung bakit naging mabait pa sa kanya. Dahil iyon ang gumatong ng feelings niya rito. Kung hindi naging friendly sa kanya si Rich mula pa nang magkakilala sila, marahil na-cute-an lang siya rito. Na nagka-crush man siya ay hindi malala.
Nang mag-break ang mga nagsisipag-ani ay nagtungo si Iris sa likuran ng silungan at doon naupo. Dama pa rin niya ang lungkot dahil ilang oras na niyang hindi nakikita si Rich.
Nagkakagulo ang mga tauhan na pawang basa ang mga katawan na pumila sa coffee dispenser. Kausap naman ni Tita Olivia ang pahinante at ang driver ng container van.
Iginala ni Iris ang tingin sa kabuuan ng Lake Palakpakin. Sa napasyalan niyang Pitong Lawa ng San Pablo, iyon ang may pinakamagandang tanawin dahil sa bundok na makikita sa dulo. Maliit lamang ang lawa. Ayon kay Lola Irenea ay mahigit apatnapung ektarya lang ang luwang niyon. Ngunit maraming umaasa sa biyaya ng lawa. Maraming tao ang nabigyan ng trabaho sa mga fish cage, baklad at sa pamamalakaya ng mga mangingisda.
Naramdaman niya ang pagba-vibrate ng cell phone sa bulsa ng suot na pantalon. Hinugot niya iyon. Tumatawag na naman ang kanyang mama. Nakadalawang tawag na ito kanina. "'Ma," sagot ni Iris.
"Nasa lawa pa rin ba kayo ni Olivia?"
"Opo, Mama."
"Bakit ang tagal ninyo riyan? Hapon na, ah."
Naitirik ni Iris ang mga mata. Kung puwede lang sigurong may nakasunod na CCTV camera sa kanya ay ginawa na ng kanyang ina. Pinagbakasyon nga siyang mag-isa sa lola niya pero maya't maya namang mino-monitor ang kanyang galaw. "Marami pong hina-harvest na isda, 'Ma."
"Anong oras daw kayo aalis diyan?"
"Malapit na, 'Ma. Baka isang oras na lang kami rito."
"I-text mo ako mamaya kapag nasa bahay na kayo ng tita mo."
Muli na namang naitirik ni Iris ang mga mata. Sa susunod na magbabakasyon siya sa San Pablo ay magpapakabit siya ng tracking device sa katawan para malaman ng mama niya ang lahat ng kanyang pupuntahan. "Yes, 'Ma."
Mahirap talaga ang solong anak. May tendency ang mga magulang na maging overprotective. Mabuti na lang at hindi katulad ng mama niya ang kanyang ama. Opposites ang dalawa. Ang papa niya ay todo-pasa saan man siya magtungo, kahit pa hindi siya magpaalam.
"O, hindi ka pa ba magme-merienda?" tanong ni Tita Olivia paglapit sa kanya. May baon silang pancit-habhab at puto na niluto ng tubong Lucban na kawaksing si Nanay Pining. May mga lata rin ng fruit juice sa cooler na dala nila.
"Mamaya na lang po, Tita. Hindi pa ako nagugutom."
Nag-uusap silang magtiya nang lapitan sila ni Kuya Mariano, ang katiwala sa fish cages ni Lola Irenea. May dala itong balde na nang tingnan niya ay hipon pala ang laman.
"Olivia, ipinanghuli ko kayo ng hipon," sabi ng katiwala. Nasa late thirties na marahil ang edad nito, matikas ang pangangatawan bagaman umitim na ang balat sa laging pagkabilad sa araw. Nanginginig na ito sa ginaw. Pagdating nila kaninang umaga ay nakalusong na ito sa tubig at ngayon lang umahon. "Dalhin ninyo mamayang pag-uwi ninyo."
Inabot iyon ni Tita Olivia. Ang hipong ibinigay ng katiwala ay ang hipong Palakpakin na karaniwang matatagpuan lang sa lawang iyon. Hindi gaya ng karaniwang hipon, ang hipong Palakpakin kapag nailuto ay nagiging matingkad na pula ang kulay. "Salamat, Yano. Magkape ka muna para mainitan ka."
Kitang-kita ni Iris kung paanong kumislap ang mga mata ng lalaki sa pagkakatingin kay Tita Olivia.
Pag-alis ng lalaki ay binulungan ni Iris ang tiyahin. "Tita, 'di ba po biyudo na si Kuya Mariano?" Sa pagkakatanda niya ay Pasko namatay ang asawa ng katiwala. Labindalawang taon pa lang yata siya noon. Natatandaan niya dahil umuwi silang mag-anak sa San Pablo para doon mag-Pasko. Isinama siya nina Tita Olivia at Lola Irenea na dumalaw sa burol ng asawa ni Kuya Mariano.
"Oo."
Napangisi si Iris. "Tita, bagay kayo."
Kumunot ang noo nito. "Tigilan mo nga akong bata ka." Iniwan na siya ng tiyahin at bitbit ang balde ng hipon ay nagtungo sa kinahihimpilan ng Strada.
Nagpatuloy lang si Iris sa pagmamasid sa lawa. Napansin niya ang ilang tagak na paikot-ikot sa ibabaw ng tubig. Inilabas uli niya ang cell phone sa bulsa. Akmang kukunan na niya ng pictures ang mga ibon nang biglang may tumakip sa kanyang mga mata. Napasinghap siya.
"Sino ako?"
Ngumiti si Iris. Biglang kumabog ang dibdib niya at parang hindi siya makahinga pagkarinig sa boses ni Rich. "Huhulaan ko... Mayaman?"
Tumawa si Rich at inalis na ang mga palad na tumatakip sa mga mata niya. "Mayaman lang ako sa mga kaibigan."
Gumanti siya ng ngiti. Maayos na uli ang kanyang mundo. Nasa tamang koordinasyon na naman ang lahat ng bagay sa kanyang paligid-kasama na ang pintig ng kanyang puso kahit biglang bumilis iyon.
Kung puwede lang sanang yumapos sa binata at ibaon ang mukha sa dibdib nito ay ginawa na ni Iris. Ganoong eksena ang pinapangarap niya. Doon niya gustong abutan ng pagsikat at paglubog ng araw-sa yakap ni Rich.

NAKAPANGALUMBABA si Iris sa pasamano ng patio. Isang oras na siyang nakaganoon. Nakailang vibrate na ang cell phone sa kanyang bulsa ay hindi niya tinitingnan kung sino ang nag-text. Wala siyang gana sa kahit ano kaya siya nagmumukmok doon.
Akala niya ay hindi na darating ang mga bisita ni Rich. Kaya nga nakasunod ito sa kanila sa Lake Palakpakin kahapon. Ngunit bago gumabi ay nagsidating ang tatlong lalaking kaibigan daw ng binata. Sakay ng Trooper na sinakyan ng mga lalaki, maaga pa kanina ay nagtungo na ang mga ito sa Villa Escudero. Tinangay ng tatlo si Rich.
"Nagiging seryoso na yata iyan, ah."
Boses iyon ni Tita Olivia. Naramdaman niyang tumabi ito, naupo sa pasamano at humarap sa kanya.
"Sa nakikita ko parang pinaliliit mo ang mundo mo," anito. "Iris, ang pagkakaroon ng crush, dapat ine-enjoy lang ng mga kasing-edad mo. Ginagawang inspirasyon lalo na sa pag-aaral. Napakabata mo pa. Hindi dapat na sa kanya lang umikot ang mundo mo."
"Eh, kasi naman, Tita, hindi ko alam kung may feelings din siya sa akin." Iyon talaga ang nagpapahirap sa kalooban ni Iris. Gusto na niyang malaman ang tunay na saloobin ng binata sa kanya. Wala man siyang nakikitang katiting na pag-asa ay patuloy pa rin siyang umaasa. Maging crush lang siya ni Rich ay baka siya na ang pinakamasayang nilalang sa buong mundo. Sa ngayon, kumbinsido na siya na alam na ng binata na secret crush niya ito. Pero wala man lang siyang makita o maramdamang hint na may feelings din ito sa kanya.
"Umaasa ka ba na magiging kayo sa future?" Nakangiti si Tita Olivia ngunit nararamdaman ni Iris ang pang-unawa.
Nahihiyang tumango siya.
"Kaya ka nakakaramdam ng ganyang lungkot." Tinapik ni Tita Olivia ang kanyang balikat. "May panahon para sa lahat ng bagay, Iris. Pati diyan sa nararamdaman mo."
"Pero, Tita, gusto ko po talagang magustuhan din niya ako," naluluha nang sabi niya. Parang isang malalang sakit ang kanyang nararamdaman ngayon. Nahihirapan siya dahil doon. Ang akala niya, kapag nagmahal ang isang tao, magiging maligaya na ito. Pero hindi pala. Nakapagpapalungkot din ang magmahal, ngayon lang niya natanto. Lalo sa ganitong estado niya ngayon na nanghuhula pa sa tunay na feelings sa kanya ni Rich. Sigurado siya, kung malalaman lang niya na hindi siya magagawang mahalin ng binata, tiyak na gabi-gabing mababasa ng luha ang kanyang unan. Mawawalan na rin siya ng gana sa lahat ng bagay.
Pumatak ang mga luha ni Iris nang yakapin siya ng tiyahin. Hinagod-hagod nito ang kanyang ulo at likod. Nagpapakalma ang yakap nito ngunit lalo lang niyang nararamdaman ang sakit ng unrequited feelings niya kay Rich.
Nagpapasalamat si Iris sa pagdamay ni Tita Olivia. Ngunit higit niyang ipinagpapasalamat na sa halip na sermunan at pagalitan dahil napakabata pa niya para magkaganoon ay inuunawa siya nito.
"Mabuti pa siguro, samahan mo na lang ako sa Poblacion. Iti-treat kita sa spa."
Wala siyang ganang mag-spa. Pero sumama siya kay Tita Olivia para lang pagbigyan ito.
Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ni Iris matapos makapagpamasahe, foot spa at hair treatment. Nagpa-nail art din siya, kaya hapon na nang makauwi silang mag-tita. Nagulat siya nang madatnan sa bakuran ng bahay ni Lola Irenea ang kotse nila. Hustong nakapasok sila ni Tita Olivia sa gate ay siya namang pagbaba sa kotse ng mama niya.
"Iris," bungad nito. "Bakit hindi mo sinasagot ang mga text at tawag ko sa iyo?"
Nakagat niya ang ibabang labi. Naiwan niya ang cell phone sa silid niya bago sila magtungo sa Poblacion ni Tita Olivia.
"Ano ka ba naman, Susan?" salo ni Lola Irenea. Nakita marahil nito na kumakapa pa siya ng isasagot. "Hindi ba't tinawagan mo na ako kanina? Hindi ka pa ba nakontento sa sagot ko na namasyal lang sa Poblacion sina Olivia at Iris?"
Natahimik ang mama niya. Nilapitan niya ito at nagmano.
"Isasama na kita pauwi sa atin bukas, Iris."

Okumaya devam et

Bunları da Beğeneceksin

373M 9M 100
This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence...
3M 187K 61
As far as she remembers, she's the obsessed one. Laila does some crazy things while secretly fangirling over the campus semi-cal cutie, Asher James P...
1M 33.2K 43
(Game Series # 10) Tali coursed through life with ease. Coming from a family full of lawyers, she knew that getting a job would not be a problem. Kai...
181K 5.9K 49
Tagalog-English BL - There's an urban legend saying that people with the same name cannot live together. It's a curse. Romeo Andres is a basketball h...