"Ang OA mo naman!" Humalakhak ako. "Hindi na masakit ang ulo ko."

Mas lalo lamang lumungkot ang mukha niya dahil sa sinabi ko. Naghila siya ng upuan at umupo sa gilid ko. Hinawakan niya ang kamay ko at piniga ito. Naibaba ko ang tingin ko sa kamay niyang malamig. Kumirot ang puso ko dahil ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganito. No one...Not even Shaun made me feel this way. Oo, alam niya na may karamdaman ako at tinutulungan niya ako pero, hindi ko ramdam.

"Hindi man tayo gaano ka-close pero..." Mas lalong tumulo ang luha sa kanyang mata. "Alam ko na may pinagdaraanan ka. Hindi man nakikita ng iba pero nakikita ko sa mata mo na hindi ka masaya."

Napalunok ako at hindi makapagsalita.

"Tell me, Rachel..." Huminto siya sabay tingin sa 'kin. "Masaya ka ba? M-Masaya ka ba sa ginagawa mo?"

Umawang ang labi ko at mas lalong sumikip ang dibdib ko. Kinagat ko ng mariin ang labi ko at naibaling sa kabila ang ulo ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kasi hindi ko rin alam kung masaya ba ako sa ginagawa ko.

"G-Gusto ko lang makaalala..." mahinang bulong ko at pumikit. "G-Gusto kong malaman ang dahilan. Gusto kong malaman kung bakit nangyari 'yon sa 'kin. Gusto kong malaman kung may naghihintay ba sa 'kin, at gusto kong malaman kung may tao bang nagmamahal sa 'kin bago pa man ako naging si Rachel."

Narinig ko ang pagsinghap ni Feach pero hindi siya nagsalita. Nagmulat ako ng tingin at napatingala sa kisame.

"G-Gusto kong makaalala, kahit gaano pa kapanget ng nakaraan ko, 'yong dating buhay ko, gusto ko pa rin maalala. Gusto kong malaman kung ano ang pangalan ko, kailan ang birthday ko, at kung may pamilya ako." Nangilid ang luha sa aking mata. "P-Pero...bakit? Unti-unti ko nang hindi naririnig ang boses na 'yon, unti-unti nang naging malabo..."

Pinalis ko ang luha sa aking mata at mahinang natawa. Binalingan ko si Feach na ngayon ay may lungkot at awa sa kanyang mata. Nakakaawa ba talaga ako?

Napalunok ako. "K-Kaya...h-hindi ako masaya." Nanginig ang boses ko. "H-Hindi ako masaya kasi may kulang pa sa 'kin..."

Nagulat ako nang bigla siyang tumayo at niyakap ako. Narinig ko ang kanyang mahinang paghikbi. Mapait akong napangiti at dinama ang kanyang mainit na yakap. Sa sobrang pagod ko ay nakatulog ako.

***

Nagising ako dahil sa mahinang pagsara ng pinto sa kwarto ko rito sa ospital. Unti-unti akong nagmulat ng mata at nakita ko si Vina na may dalang plastic bag. Hindi niya napansin ang paggising ko kaya pinagmasdan ko lang ang kanyang galaw.

Hindi ko na siya makapagkatiwalaan pa dahil na rin sa kilos niya. Alam ko naman na ginagawa niya lang ang trabaho niya pero kasi...

Nanlaki ang mata ko nang makita ko na nagtimpla siya ng gatas sa 'kin. Umawang ang labi ko nang makita ko na may inilagay siya na pills doon at pinatunaw. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Para akong nanlamig at hindi halos makagalaw.

Nang makita niyang nakatitig ako sa kanya ay napatalon siya sa sobrang gulat. Namutla ang kanyang labi at hindi agad nakapagsalita. Bumaba ang tingin niya sa gatas na tinimpla niya at napalunok.

"Nandito ka na pala," malamig kong sabi at bumangon upang makaupo.

Ramdam na ramdam ko ang takot niya. Nanginginig ang kanyang kamay at halos hindi na makatingin sa akin. Peke akong ngumiti sa kanya at binalingan ang baso na may gatas.

"Ang aga mo naman yata akong pinagtimplahan ng gatas, Vina," kalmado kong wika pero nakakuyom na ang kamao ko sa ilalim ng kumot. "Anong oras na ba?"

"H-Ha?" nauutal niyang sambit at mas lalong namutla. "O-Oo, M-Ma'am, p-pasensya na at h-hindi k-kita ginising. A-Alas otso na ng gabi."

Runaway #2: The Runaway Mom (COMPLETED)Where stories live. Discover now