When It Rains

3 0 0
                                    

Bata pa lang ako, hindi na normal ang buhay ko. Bata palang ako, namulat na ako sa totoong mundo. Bata palang ako ng maging ulila ako. Paano ko nasabing hindi normal ang buhay ko? Maniniwala ba kayo kung sasabihin kong ako ang dahilan ng pag-ulan? Hindi. Iisipin niyong baliw ako.



"Rook, tapos na ang shift mo. Uwi ka na." pasigaw na sabi ng manager namin sa pinagt-trabahuan kong resto.



Napatango nalang ako kahit hindi niya nakita kasi busy siya sa pakikipag-usap sa isa pang waiter. Binitiwan ko ang dala-dala kong tray at ipinatong sa dalawa pang tray na nasa lamesa. Kinuha ko ang tatlo at nilagay sa drawer kung saan sila nilalagay kapag hindi na ginagamit. Dumiretso ako sa locker room ng mga trabahador para hubarin ang suot kong apron. Nilagay ko ito sa loob ng locker at napapabuntong-hiningang sinara ito.


Alas kwatro na ng hapon at napakapayapa ng langit. Mag-isa akong naglalakad dito sa park. May nakakasalubong naman pero iilan lang. Lagi akong may payong na dala sa tuwing aalis ako ng bahay. Baka kasi umulan na naman, uuwi ako ng basa. Patuloy lang ako sa paglalakad, hindi sigurado kung saan pupunta.



Maya-maya pa'y may isang malungkot na ala-ala ang namutawi sa isip ko. Napapikit ako para sariwain ang ala-alang sa tingin ko'y hindi sa akin. May isang babae at lalaking pilit pinaghihiwalay ng mga tao. Hindi ko makita ng maayos ang mga mukha nila dahil malabo ito. Nakasuot ng isang disenteng damit ang lalaki ngunit may putik na ito. Hinihila siya ng mga tao palayo sa babae, pilit naman siyang nagpupumiglas para lang hindi magbitiw ang mga kamay nila. Napapagapang na rin siya sa putikan sa sobrang pagpupumiglas. Ilang sandali pa'y may matandang lalaki ang tumayo sa likod ng lalaking hila-hila ng mga tao. Bigla nitong binaril ang lalaki sa likod kaya bigla itong napahiga sa putikan.




Iyak ng iyak ang babaeng halatang marangya dahil sa kaniyang kasuotan at mga alahas. Halata man ang panghihina sa boses ng lalaki at kahit umaagos ang dugo mula sa bibig nito ay dahan-dahan siyang gumapang patungo sa babae. May ibinulong siya dito, mahina man ay dinig na dinig ko ito.




"Pangako, hahanapin kita sa susunod na buhay ko... mag-iba man ang itsura mo. Hahanapin pa rin... kita." sabi nito at tuluyan ng binawian ng buhay.



Kasabay ng paghagulgol ng babae, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Sinabayan pa ito ng kulog at kidlat kaya biglang natakot ang mga taong kanina lang ay pinaghihiwalay sila. Habang inaalala ang eksenang nasa isip ko ay biglang sumikip ang dibdib ko. Damang-dama ko ang sakit na nadarama din ng babae sa aking ala-ala. Parang totoo ang bawat eksena sa isip ko, feeling ko tuloy ako yung babae.



Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata ng maramdaman ko ang patak ng ulan sa pisngi ko. Napatingala ako sa langit at hinayaang mabasa ang buong mukha ko. Umiiyak na naman ako. Ramdam ko yun sa bawat mainit na likidong tumutulo sa mata ko. Luha kong humahalo sa ulan kaya hindi nahahalata. Bakit ba ako umiiyak? Bakit ganito ang epekto sa akin ng ala-alang yun?



Nagtatakbuhan ang mga tao sa paligid ko. Naghahanap ng masisilungan. May ibang pilit pinagkakasya ang sarili sa isang maliit na payong. May ibang ginagawang panangga sa ulan ang kanilang mga bag. Habang eto ako, nakatayo sa gitna ng parke at hinahayaang mabasa ang sarili kahit may bitbit naman akong payong. Wala rin namang saysay kung magpapayong pa ako.




Isang hakbang lang ang nagawa ko ng maramdaman kong may tao sa likod ko. Mabilis akong napalingon sa likuran ko. Isang lalaki ang kasalukuyan akong pinapayungan. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat dahil sa ginawa niya. Hindi niya ako kilala kaya bakit niya ako papayungan?



"Bakit ka nagpapabasa sa ulan? May payong ka naman." panimula nito.



Napakurap ako ng ilang beses bago dumistansya ng kaunti mula sakanya. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Ano bang isasagot ko sakanya? Trip ko lang hindi magpayong? Ano ba naman yan, Rook! Mahiya ka naman lalo't nasa harap mo lang siya! Ibubuka ko na sana ang bibig ko para sagutin ang tanong niya ng maunahan niya ako.




"Hindi ka siguro naliligo... " natatawang sabi pa nito.




Napaawang ang bibig ko dahil sa narinig. Nang-aasar ba ang isang 'to? Hinigpitan ko tuloy ang pagkakahawak sa dala kong payong. Baka ihampas ko ‘to sakanya.



"Pero ‘di nga, miss? Bakit ka nagpapaulan? Baka magkasakit ka niyan." biglang seryosong bawi nito.



Napatulala ako sa narinig. Ito ang unang beses na may nag-aalala rin para sa akin, sa kalusugan ko. Ngayon, mas nahihirapan na tuloy akong mangapa ng isasagot sakanya. Baka akalain niyang pipi ako. Nakakahiya naman ‘to.


"Oy, miss. Bakit ka umiiyak?" alalang tanong naman nito.


Bigla kong hinawakan ang pisngi ko at may nahawakan akong basa. Hindi naman ito tubig ulan dahil alam ko ang pinagkaiba ng luha sa ulan. Totoo nga ang sinabi niya. Umiiyak ako. Sobrang daming butil ng luha ang umaagos ngayon sa mata ko. Habang patuloy sa pagtulo ang luha ko ay palakas din ng palakas ang ulan. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ako umiiyak ng ganito katindi? Sa harap pa ng isang lalaki. Baka isipin niyang nababaliw na ako. Baka isipin niyang pinaiyak niya ako. Ano ba, Rook! Maging normal ka naman kahit ngayong araw lang!




Napansin ko rin ang biglaang panic sa reaksyon niya. Kinakapa niya ang sarili, mukhang naghahanap ng panyo. Patuloy ko ring pinupunasan ang sarili kong luha gamit ang mga kamay at braso ko pero kahit anong gawin kong pagpunas hindi pa rin humihinto ang pagluha ko. Bahagya akong napatalon ng maramdaman ang mainit na palad sa pisngi ko. Pinupunasan niya ang mga luha ko gamit ang kaniyang kamay. Napatitig ako sa mga mata niyang punong-puno ng lungkot. Lungkot saan? Bakit siya malungkot?




Napapikit nalang ako habang patuloy niya pa ring pinupunasan ang luha ko. Isang ala-ala na naman ang muling pumasok sa isipan ko. Gaya ng nauna, malabong mukha na naman ng isang babae at lalake. Kasalukuyang naglalakad habang magkahawak kamay. Dahan-dahang hinawakan ng lalaki ang pisngi ng babae. Unti-unti, naaaninag ko na ang kanilang mga mukha. Gulat ang umusbong sa dibdib ko ng makita ang sarili ko. Ako, ako yung babae. Mas lalo pa akong naiyak ng makita ko ang mukha ng lalaking nakahawak sa pisngi ko. Hanggang sa bumalik ang unang eksena sa ala-ala ko kanina. Eksena kung saan pilit kaming pinaghihiwalay ng lalaki na ito. At umabot sa puntong binaril siya ng isang matandang lalaki.



Iminulat ko ang mga mata ko at nakitang lumuluha na rin ang lalaking nagpapayong sa akin. Siya, siya yung lalaki sa ala-ala ko. Siya yung binaril. Siya...




"Naaalala mo na ako?"




"Diba sabi ko sa'yo hahanapin kita?" lumuluhang aniya, pinupunasan ang bawat luhang kumakawala sa mga mata ko, "Ngayong nahanap na kita, hindi na tayo maghihiwalay pa."




Napangiti ako sa narinig kong sinabi niya. Hinawakan ko rin ang pisngi niya at pinahid ang luhang umaagos mula sa kaniyang mga mata. Ramdam ko ang kaniyang pangungulila sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Biglang nagbalik sa akin ang lahat ng ala-ala. Ala-ala ng pagmamahalan naming dalawa. Ako si Emilia'ng prinsesa at siya si Eduardo'ng alipin. Kami ang tinatawag na taksil sa panahon ng mga kastila. Itinuturing na kasalanan ang pag-ibig ko sa isang hamak na alipin lamang. Pilit kaming pinaglalayo ng tadhana pero hindi kami nagpatinag. Hanggang sa puntong ito ng buhay naming dalawa, nagawa niya pa rin akong hanapin. Kahit napakadaming hadlang, hindi siya sumuko. Sa wakas, ang isang malaking kulang na espasyo sa puso ko ay napunan ng dumating siya ngayon. Lahat ng katanungan ko nasagot. Kung bakit at ano ang kaugnayan ko sa ulan.  Kasi dahil sa ulan, unang nangyari at magtatapos ang paghahanap ni Eduardo sa minamahal niyang si Emilia. Dahil sa ulan, nagkatagpo kaming dalawa.



"Pasensya na kung pinaghanap pa kita."






--end, 2020

When It RainsWo Geschichten leben. Entdecke jetzt