Overlook

55 11 10
                                    

Mahal kong anak,

kumusta ka na? Sana'y nasa mabuti kayong kalagayan. Batid ko ang hirap ninyong mag-ina nang magpasiya akong umalis at magtrabaho sa ibang bayan. Humihingi ako ngayon sa inyo ng pang-unawa't pasensiya. Ikaw na sana ang bahala sa'yong ina at huwag mong pababayaan ang iyong pag-aaral.

Nagmamahal,
ang iyong ama.


Halos hindi mo mawari ang dapat mong gawin. Sa ilang taon na 'di pagpaparamdam ng iyong ama'y ganito kaikling sulat lang ang iyong natanggap. Sa isang parte ng iyong utak ay gustong punitin at itapon na lang iyon sa basurahan, ngunit sa pag-iyak mo na lang ibinaling ang pighating nararamdaman. Naghahanap ka ng mas malalim na sagot pero walang mapagkunan.

Nataon pa na kinabukasa'y iyong huling pagsusulit para sa pagtatapos ng semestre, kaya mas dumagdag ito sa iyong iniisip na pakiramdam mo'y nalulunod ka't 'di makaahon. Sinubukan mong huminga ng malalim at huwag mag-isip ng kung ano na kahit papaano'y nakatulong naman. Sa'yong pagdilat ay kaharap mo na ang iyong alagang aso na todo kawag ang buntot. Napangiti ka't hinawakan ang ulo nito.

Napatahol ito't tumakbo sa pintuan, nagpaikot-ikot na tila may gustong ipahiwatig. Sinundan mo siya't binuksan ang pinto. Tumakbo ang aso palabas na iyo ring sinundan. Tumakbo ito sa may tulay na agad mong hinabol. Habang patakbo'y napahinto ka sa gitna't nanariwa sa'yo ang alaala noong tinuturuan ka rito ng iyong ama na magbisekleta.

Napabalik ka sa'yong wisyo ng biglang tumahol ang aso saka muling kumawag-kawag ng buntot ngunit sa pagkakataong ito'y may kasama na itong pagtalon-talon saka tumakbo. Muli kang napahabol hanggang makarating kayo sa isang hagdan. Umakyat ang aso rito't kaagad mong sinundan. Bawat pagpanik ay ramdam mo ang pagkahingal. Dagdag pa riyan ang pataas na pataas na baitang. Hindi mo tuloy matukoy kung nalulula ka na o hinihika.

Kahit ganoon ay lakas loob ka pa ring nagpatuloy hanggang makarating sa tuktok gaya ng madalas sabihin ng iyong ama na unti-unting nanariwa sa iyong isipan, huwag mawalan ng pag-asa.

Pagdating sa itaas ay bumungad sa'yo ang isang hardin ng mga bulaklak. Halos hindi rin maialis sa'yong paningin ang isang napakagandang lawa.

Napaisip ka't napagtanto ang ilang bagay. Gaya na lang ng pamimingwit ninyong mag ama sa lawang ito. Pagpapalipas ninyong pamilya rito habang papalubog ang haring araw. Lahat ng ito'y bumabalik sa iyong isipan na minsa'y nakulong sa madilim na parte nito. Nabulag sa hinanakit mula nang araw ng paglisan ng iyong ama.

Mula sa malayo ay narinig mo ang pagtahol ng iyong alagang aso. Napasulyap ka rito't 'di inasahan ang sunod na nangyari. Bumuhos ang matinding emosyon sa'yo na matagal ng gustong kumawala. Malamig man ang ihip ng hangi'y 'di mo alintana, sapagkat mas mainit ang iyong nararamdamang kasiyahan.
Nag-uumapaw.

Ang unti-unting paglubog ng araw ay hudyat ng pagbabagong anyo ng iyong alagang aso bilang iyong ama. Ngunit ng lumamlam ang mga sinag nito'y muling nagbago ang kanyang anyo. Narinig mo pa ang huling ibinulong ng hangin na tila musikang mga kataga,

"Mahal na mahal kita anak at lagi akong nakabantay sa inyo."

OverlookWhere stories live. Discover now