"Tara na..." sabi ko kaso hindi ko matinag si Rinka.

Dumako ang tingin sa amin noong Feli. Kahit iyong dalawa pang kasama ni Ate Rici ay umaangat na agad ang kilay sa amin, sa akin. Si Ate Rici lang ata ang kumurap nang makita ako.

"Trace!" Kinawayan niya agad ako.

Naibaba ko ang aking kamay at naitago sa aking likod. Ang isa ko namang kamay ay hawak iyong sandwich na libre pa ni Rinka.

"Riss..." makahulugang tawag agad noong Feli sa kanya na tila binabalaan itong h'wag gumawa ng mali sa kanilang paningin.

Tumawa si Ate Rici. "She's harmless. I know her," saka siya nagtungo sa aking tabi.

"Anong gusto mo Trace? Libre kita," alok niya na ikinailing ko agad lalo na't iba na ang tingin noong mga kaibigan niya na sumunod rin naman agad. Nasa likuran niya na ang mga ito.

"Sige lang, Ate Rici. Di naman po ako masyadong gutom," sagot ko.

"Really? Ayaw mo talaga?" tanong niya pa na ikinatango ko.

"Abante na, Riss..." sabi noong kaibigan niyang may maiksing buhok.

Binigyan niya muna ako ng matamis na ngiti saka rin umabante na lalo. Nagsimula itong tumuro ng mga pagkain.

"Parang may naaamoy akong bulok. Teka... Naamoy niyo 'yon?" Nagpanggap si Rinka na sumisinghot sa paligid. Iyong dalawa naman ay gumaya rin.

"Oo... Parang amoy basurang humahalo sa mayayaman. Teka nga... parang... nasa tabi tabi lang ata," si Rose naman.

Kitang kita ko ang pagkasira ng mukha noong Feli nang nilingon niya kami. Kung paano niya tiningnan ng disgusto ang aking mga kaibigan.

"Tara na, Rinka." Hinila ko na talaga ang kanyang braso para lang maawat sila dahil baka pagmulan pa iyon ng away.

Tinaliman pa ng tingin ni Rinka si Feli at saka rin nagpatangay sa aking panghihila. Iyong dalawa naman ay sumunod rin pero nagawa pang mag-irapan sa mga kaibigan ni Ate Rici.

Padabog na naglakad si Rinka. Kulang nalang ay ihagis iyang pagkaing hawak niya.

"Dapat tinumba na natin 'yon, Rinka!" Natatawang sabi ni Cecille.

"Akala ko nga ang pera lang ang may mukha pero may mukha rin palang may pera. Mukhang pera!" si Rose naman.

"Dapat di mo ako hinila para mabalatan ko ang babaeng iyon. Akala mo kung sino eh... Kung makaasta akala mo mas mayaman pa kay Rici!" si Rinka naman.

"Ang feeling feeling nga eh!" dagdag naman ni Rose.

"Hindi niyo na dapat 'yon ginawa. Para na rin kayong lumebel sa pangit na ugali nila kung papatulan niyo," pangaral ko ngunit marahas ang iling ni Rinka.

"Ay tigil-tigilan mo ako sa pagiging mabait mo, Trace! Iba iba tayo! Tanggap ko na mabait ka, pero ako hindi ko matatanggap na inaapi ka! Dapat matikman noong Feli ang pangit niyang ugali nang matauhan siya!" si Rinka na talagang nanggigigil.

Sa mga araw na dumaan ay palagi na nilang pinanggigigilan ang mga kaibigan ni Ate Rici lalo na si Feli o Felicita sa buo nitong pangalan.

"Isumbong kaya natin iyon sa lalake niyang kapatid? Sino nga iyon Rose?" tanong ni Cecille habang kumakain kami rito sa loob ng classroom at kapwa may mga dalang lunchbox.

"Iyong Ronaldo," si Rose.

Medyo malapit lamang ang bahay nila Felicita kina Rose kaya alam niya ang buhay nito. Tatlo raw silang magkakapatid. Iyong panganay na Ronaldo, pangalawa si Feli at iyong bunso na hindi nalalayo ang edad sa amin na si Teresa.

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Onde histórias criam vida. Descubra agora