NAKAPUGONG pa ng tuwalya ang basang buhok ni Iris nang kumatok ang mama niya sa pinto ng  silid. Nakaroba pa siya at kalalabas lang ng banyo.
Bihis na bihis na ang ina nang pagbuksan niya. Naisip niya agad na may problema pagkakita sa seryoso nitong mukha.
“Maghihiwalay na kami ng papa mo,” bulalas nito pagkasara niya ng pinto.
Parang nakarinig ng pagsabog ng bomba si Iris. “'Ma…”
“Narinig mo ang sinabi ko. Hindi ko na kayang makisama sa kanya, Iris. Ayoko na. Wala nang ibang puwedeng gawin kundi maghiwalay. Matatahimik na kaming pareho sa paglalayo namin.”
Sinungawan ng luha ang kanyang mga mata. Kaya ba hindi ipinagdiwang ng mga magulang ang ika-dalawampu’t limang wedding anniversary ng mga ito noong nakaraang buwan ay dahil hindi na iyon masusundan pa? “'Ma, g-gano’n lang po ba kadaling gawin 'yon?”
Naglihis ng tingin ang ina nang pumatak ang luha sa mga mata niya. “Hindi madali sa akin na gawin ito, anak. Believe me. Pero ito na lang ang natitirang option sa amin ng papa mo para matahimik kaming pareho. Nagkakasakitan na kami. Lumalala na ang sitwasyon. Nakakasawa na. Alam ko, kahit hindi ka nagsasalita, affected ka rin sa mga pag-aaway namin.”
“Hindi n’yo na po mahal si Papa?”
“Napakatagal na naming ganito. This can’t go on,” hindi direktang sagot ng mama niya.
“'Ma, baka po puwedeng ayusin pa. Baka kailangan n’yo lang ng professional help. Kung gusto ninyo, ako ang hahanap. 'Yong tita at tito ni Mikay, dumaan din sa ilang sessions ng marriage counselors. And… and they’re okay now, 'Ma. Baka 'yon lang po ang kailangan n’yo ni Papa. Huwag muna po kayong mag-give up, please?”
“Iris, hindi na magbabago pa ang ama mo. For twenty-five years, pinagtitiisan ko lang ang ugali niya. Tama na siguro 'yon. Panahon na para buuin ko ang sarili kong buhay. Ayokong tumanda na walang sariling identity. Na ginugugol ang buhay ko sa paraang gusto niya at hindi sa paraang gusto ko… ng tunay na ako.”
Naguguluhang napatitig siya sa ina. For twenty-five years. Mula ba sa simula ng pagsasama ng mga ito ay pinagtitiisan lang ng mama niya ang kanyang papa? Paanong nangyari iyon kung dati namang nagmahalan ang mga ito? “A-ano po’ng ibig n’yong sabihin?”
“Anak, pagod na akong mabuhay ayon sa idinidikta ng ama mo. Hindi ako ang babaeng binuo niyang ako sa kanyang isip. Ayokong pangatawanan dahil hindi ako ito. Dahil mali. I am my own self… not the woman he wants me to be. Kaya ngayon, gusto ko nang magpakatotoo. Tutal naman nakatapos ka na. You’re already twenty-two years old, Iris. Nasa tamang edad ka na.”
“'Ma, wala pong pinipiling edad ang pagiging isang anak,” apela niya. “Anak n’yo pa rin ako ni Papa kahit ano pang edad ang abutin ko. At walang anak na gugustuhing maghiwalay ang mga magulang niya.”
“I’m sorry, Iris. Nakapagdesisyon na ako.”
“Ito rin po ba ang gusto ni Papa?”
“Of course. Sino ba ang ayaw ng katahimikan?”
“Sigurado po ba kayo? 'Ma, mahal po kayo ni Papa. Walang may gustong humiwalay sa taong mahal niya.”   
Tumigas ang anyo ng kanyang ina. “Napag-usapan na namin ng papa mo ang tungkol dito. Ngayon, pumili ka. Gusto mo bang sumama sa akin o gusto mong manatili sa bahay na ito?”
Patdang tumingin si Iris sa ina. Muling pumatak ang kanyang mga luha. “Gano’n lang po ba kadaling desisyunan ito, 'Ma?”
“I’m going. Sa ayaw at sa gusto mo.” Bahagyang tumaas ang baba nito, tanda na pinaninindigan ang pasya. “Tumawag ka o i-text mo ako kapag nag-decide ka na.” Tumalikod na ito. Bago pa siya makapagsalita ay nakalabas na ang ina sa kanyang silid.
Lalong napaiyak si Iris. Nanghihinang napaupo na lang siya sa gilid ng kama. Totoo ba iyon o panaginip lang? O baka binabangungot na siya.
Kailangan niyang maipaalam kina Lola Irenea at Tita Olivia ang nakabibiglang pangyayari sa pamilya nila. Ngunit hindi niya magawang kumilos para tawagan ang mga ito. Parang kapag ginawa niya iyon ay sumusuko na siya sa gustong mangyari ng kanyang mga magulang. Nahihirapan ang kanyang loob. Hindi pa rin nagsi-sink in sa kanyang utak ang mga sinabi ng ina. Tumatanggi pa rin ang isip niya na final na iyon. Umaasa pa siya na magbabati rin ang kanyang mama at papa.
Nang magawa ni Iris na ayusin ang sarili ay hinanap niya agad ang ama. Wala na rin ito sa kanila. Nakapinid lang ang pinto ng master bedroom ngunit bukas ang seradura nang pihitin niya. Maayos ang kama. Hindi niya alam kung magkatabi pang natulog doon kagabi ang mga magulang. Nagtungo agad siya sa walk-in closet. Nanlumo siya nang makitang wala na roon ang mga damit ng ina.
May naiwang pag-asa sa kanyang puso kahit paano. Naroon pa ang mga damit ng papa niya. Tiyak na uuwi pa ito sa kanila. Tinawagan niya ito. “'Pa, nasaan na po kayo?”
“Nandito na ako sa office,” sagot nito sa kabilang linya. “Bakit?”
“A-alam n’yo po ba na umalis na rito si Mama?”
Ilang segundong katahimikan muna ang dumaan bago sumagot ang ama. “Babalik din ang mama mo, Iris. Don’t worry yourself too much.”
“You promise?”
Dinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Pabayaan muna natin siya. Maiisip din niya na nasa bahay ang pamilya niya. Alam ko, hindi ka niya matitiis.”
Do you still love her? Hindi naisatinig ni Iris ang tanong. Kung magagawa man niyang itanong iyon sa ama, mas gusto niyang kaharap ito.
Wala nang natitira ngayon para sa kanya kundi ang harapin ang trabahong dapat niyang unahin. Nagtungo na siya sa hardware.
Nagdaan ang magdamag at ilang araw ay walang Susan na umuwi sa bahay. Natawagan na niya ito nang ilang beses. Matigas pa rin ang pasya ng ina. Pinangatawanan na nito ang pakikipaghiwalay sa papa niya.
Biyernes, lunch break nila sa ILAW Hardware nang sumulpot doon ang papa ni Iris. Nagulat siya. Ang huling pagkakataon na nagtungo roon ang ama ay noong pasinayaan ang hardware. “May problema po ba, 'Pa?” tanong niya agad hindi pa man ito gaanong nakalalapit. Natitiyak niyang mayroon.
“Wala naman. Gusto ko lang ibigay sa iyo ito.” Iniabot ng papa niya ang isang maliit na brown envelop.
Walang salitang binuksan iyon ni Iris. “Tickets?” nagtatakang tanong niya nang makita ang dalawang airline tickets patungong Singapore.
“Kami dapat ng mama mo ang pupunta roon. Naisip ko na baka kailangan lang naming mag-relax sa ibang lugar na may ibang ambience para matigil ang mga pag-aaway namin… Pero nangyari nga ang… ang nangyari, so…”
“So… ibinibigay n’yo sa akin ang ticket niya?”
“Oo, Iris. Puwede mo ba akong samahan sa Singapore?”

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDWhere stories live. Discover now