"L-Lilia?" usal ng matandang lalaki nang makilala ang dalaga. Lumapit ito. "Ikaw nga ba, hija?"

Nag-aalangang hinagkan ni Lilia sa pisngi ang
matandang lalaki. Bagaman nakangiti ito'y hindi niya tiyak. ang damdamin nito sa kanya. Base sa huli nilang pagkikita noong burol ni Tony at sa pagkukuwento ni Vince.

"K-kumusta ho?"

"Mabuti at nadalaw ka, hija. Halika sa loob... kay tagal na kitang gustong makita at makausap...'

Parang robot na sumunod ang dalaga. Walang galit sa pagbati ni Fidel, sa halip ay tila naroon ang katuwaang makita siya. Now, she had second thoughts kung sasabihin sa mga Ventura ang tunay na dahilan ng pakikipagkalas niya kay Tony. Baka tuluyan siyang kamuhian ng mga ito at baka hindi paniwalaan. Isa pa, kailangan pa bang siraan
niya si Tony sa mga magulang nito?

Sa kabahayan ay itinuro ni Fidel ang mahabang sofa at parehong umupo roon ang dalawa.

"A-ang M-mama Thelma... kumusta ho siya?"

Nawala ang ngiti sa mga labi ng matandang lalaki. Nahalinhan iyon ng lungkot, ng pait. Umahon ang kaba sa dibdib ni Lilia.

"Sana'y hindi ninyo masamain ang pagpunta ko rito," agad niyang dugtong. "N-nasabi ho kasi sa akin ni Vince na nais akong makita ni Mama Thelma."

Bahagya lang ang pagtataka sa mukha ng matandang lalaki nang tingnan siya. "Pinuntahan ka pala kung ganoon ni Vic..."

Wala sa loob na tumango si Lilia.

"Matagal ka na naming gustong makita, Lilia."
Sumulyap ito sa may bintana, pagkuwa'y humugot ng isang pagkalalim-lalim na buntong-hininga at tila nahihiyang muling tumingin sa kanya. "Ang totoo niyan ay gusto kong humingi ng paumanhin sa iyo sa ipinakita ko noong huli kang narito. Naging napakahirap para sa aking tanggapin ang biglang kamatayan ni Tony..."

Natiyak ni Lilia na kahit paano'y nagdaramdam pa rin ang matandang lalaki sa pagkawala ng anak. Manatili mang hindi alam ni Vince ang totoong dahilan ng pakikipaghiwalay niya kay Tony ay natitiyak niyang hindi niya magagawang sabihin sa mga Ventura ang totoong dahilan. At hindi na kailanman magbabago ang pagtingin sa kanya ni Vince.

"N-naintindihan ko po kayo, Papa Fidel. Hindi po ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo."

"Matutuwa si Thelma na makita ka ngayon, hija." Tila maiiyak ang tinig nito na ipinagsalubong ng mga kilay ni Lilia. "Si Thelma ang magpapaliwanag sa iyo kung bakit naniwala akong ikaw ang may kasalanan sa pagkamatay ni Tony..." Bumuntong-hininga ito. "Mabuti nga't umuwi rito si Vince... Vic ang tawag namin dito sa kanya..."
Bahagyang sumigla nang kaunti ang tinig nito pagkabanggit sa anak-anakan.

"N-naririto ho ba si V-Vince ngayon?" Sa tanong niyang iyon ay bigla niyang naramdaman na tila nawalan ng lakas ang mga tuhod niya. Sunod-sunod ang pagkabog ng kanyang dibdib.

"Mula Canada'y dalawang linggo lang nagtigil dito si Vic-Vince. Nagpaalam na may aasikasuhin sa Maynila..." May guilt sa mga mata nito nang sumulyap sa kanya. "Pero
alam kong dahilan lang ng anak ko iyon. Hindi niya kayang tingnan ang ina-inahan sa kalagayan nito. Noong isang linggo'y tumawag siya, babalik na raw sa Canada at may aayusin."

Nagyuko siya ng ulo. Hindi niya gustong makita ni Fidel Ventura ang pait sa mukha niya. Marahil nga'y makabubuting hindi na sila magkita pa ni Vince kung hindi rin lang niya malilinis ang pangalan niya.

"Puntahan mo si Thelma sa likod-bahay, hija..."

Sa kusina siya nagdaan palabas sa likuran. Natanaw agad niya ang nakatalikod na si Thelma, nakaupo sa duyan at naghahagis ng bread crumbs sa mga isda sa fishpond.

Dahan-dahan siyang lumapit dito, ilang dipa mula rito'y napahinto si Lilia. Sandaling nalito kung si Thelma Ventura nga ang nasa duyang rattan. It could have been another woman. Iginala niya ang tingin sa paligid, expecting to see Thelma Ventura somewhere.

ALL-TIME FAVORITE: Sinner or SaintTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon