Kabanata 26 - Ang Paru-paro at Adelpa

Start from the beginning
                                    

Lumaki siya na tanging magagandang bagay ang laman ng kaniyang paningin at alaala. Nahahabag ang kaniyang damdamin sa sinapit ng adelpa. Natanim sa kaniyang isipan ang tanong na, bakit hindi lahat ay nabubuhay sa paraiso? Bakit may mga bulaklak na nakukubli sa dilim at kinalimutan na tila ba tinalikuran at kinalimutan ito ng mundo?

Tumingin ang adelpa sa batang paru-paro na ilang araw nang bumibisita sa kaniya. Sa pagsikat at paglubog ng araw ay nananatili ito sa kaniyang tabi. Hindi maunawaan ng adelpa kung bakit pinipili ng batang paru-paro na iyon na lumapit sa kaniya gayong wala naman itong makukuhang magandang bagay mula sa kaniya?

"Sila ay natatakot lumapit sa iyo dahil hindi ka ngumingiti" saad ng batang paru-paro sabay tingin sa iba pang mga paru-paro sa kabilang hangganan. Sumisigaw ang mga paru-paro at tinatawag ang batang paru-paro sa takot na malason ito sa adelpa.

Muling tumingin ang batang paru-paro sa kapwa niya mga paru-paro, "Lason, takot at hindi kaaya-ayang mga katangian ang nakikita nila sa 'yo. Ngunit hindi ako naniniwala na pinili mong maging lason sa iba" patuloy ng batang paru-paro saka muling tumingin sa adelpa.

"Hindi ako natatakot sa 'yo. Sabihin na nating may lason kang tinataglay ngunit hindi mo naman kagustuhan iyon, hindi ba?" ngumiti nang bahagya ang batang paru-paro saka lumapit sa adelpa dahilan upang sumigaw muli ang kapwa niya mga paru-paro sa pag-aakalang inaakit na ng adelpa sa kamatayan ang kanilang kapatid.

"Wala silang nalalaman. Pinili nilang husgahan ka nang hindi nila sinusubukang kilalanin kung sino ka talaga" ang mga salitang iyon ang nagpatigil sa adelpa. Nasanay na siya mag-isa, nasanay siya sa tingin ng ibang nilalang sa kaniya.

Hindi niya maunawaan kung bakit may isang masiglang paru-paro na piniling lumapit sa isang lason na tulad niya. Karaniwan sa isang nilalang ang piliin ang maligaya, mabuti at magandang bukas. Ngunit bakit tinalikuran ng paru-parong papalapit sa kaniya ang paraiso at piniling samahan siya sa patay na lupain?

"Hindi kita isasama sa paraiso, tayo ay bubuo ng ibang paraiso, malayo sa mundong ito" ngiti ng paru-paro dahilan upang mapatitig ang adelpa sa nakabibighaning ngiti nito. Taglay ng paru-paro ang kulay at liwanag, taglay naman niya ang lason at dilim. Pareho silang walang ideya kung ano ang magiging kahahantungan ng kanilang pagtuklas sa ibang paraiso ngunit kung hindi nila sisimulang hanapin iyon ay hindi nila ito masusumpungan kailanman.

Napangiti si Agnes sa harap ng kaniyang repleksyon sa salamin habang marahang sinusuklay ni Manang Oriana ang kaniyang mahabang buhok. "Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagsasawa sa kuwentong ito" ngiti ng matanda, madalas hilingin noon ni Agnes na ikuwento sa kaniya ang kuwento ng Paru-paro at Adelpa noong bata pa ito, lalo na sa tuwing hindi ito makatulog sa gabi.

"Ako po'y natutuwa dahil hindi naging makasarili ang paru-paro. Hindi rin natakot sumubok ang adelpa. Kaya naniniwala ako na pareho nilang nahanap ang paraiso nang magkasama" ngiti ni Agnes, tumango ng dalawang ulit si Manang Oriana nang makita ang matamis na ngiti ng alaga. Labing-anim na taong gulang na ito ngunit para sa kaniya ay isa pa rin itong inosenteng bata.

Napahinga nang malalim si Agnes, "Iyon nga lang, nalulungkot po ako dahil naging mailap ang paraiso sa buhay ng adelpa. Ako'y nakatitiyak na naging masaya at maganda ang buhay niya sa simula pa lang kung lumaki rin siya sa paraiso" patuloy ni Agnes, tumingin si Manang Oriana sa hitsura ng alaga sa repleksyon ng salamin. Nagpapasalamat siya dahil hindi lumaking makasarili at walang pakialam sa ibang tao ang mga anak ni Don Rafael, hindi tulad ni Don Tomas na sinusumpa ng mga tao.

Napatuloy si Manang Oriana sa pagsuklay ng tuwid na buhok ni Agnes, "Hindi lahat ay pinalad na magkaroon ng magulang na mapagkalinga at mapagmahal. May mga magulang na kayang magbigay ng materyal na bagay at suportahan ang pangangailangan ng kanilang anak ngunit hindi ang oras at pagmamahal. May mga magulang din na hindi pa handa kung kaya't ang pagtustos sa pangangailangan ng pamilya at ang pag-aaruga sa mga anak ay nahahati. May mga magulang din na wala sa piling ng kanilang mga anak dahil kailangan nilang gumawa ng paraan upang masuportahan ang buong pamilya."

Lo Siento, Te AmoWhere stories live. Discover now