Alamat ng Salamin

2K 22 35
                                    

Sa isang bayang nagngangalang Sitio Provenza, matatagpuan ang tahanan ng mga Crisostomo. Sa angkan ng mga Crisostomo ay ipinagmamalaki nila ang dalawang babaeng tila pinagbiyak ng bunga. Parehong marikit, balingkinitan ang katawan, mala-porselana ang makikinis na kutis, at purong kulay itim na buhok na pawang hinabing hatinggabi.

Sa unang tingin, akala mo'y walang ikaiiba ang mukha ng dalawa sa isa't isa. Ngunit kung lalapitan silang dalawa nang mabuti, magkaiba ang kulay ng mata ng dalawang dalaga. Kulay abo ang tila kay lamig na mata ni Sally samantalang kulay tsokolate naman ang malambing na mata ni Minda. Gayunpaman, mahal ang dalawang binibini ng kanilang bayan at ng kanilang pamilya.

Dahil sa taglay na kagandahan, tila walang katapusan ang pagdagsa ng mga maliligaw sa kanilang tahanan upang subukang suyuin ang isa sa kambal.

Ngunit, nang tumungtong na sa edad na labing-walong taong gulang si Sally ay ipinagkasundo siya sa ginoo mula sa angkan ng mga Montreal, si Juarez. Si Juarez ay ang bunsong lalaki sa mga Montreal na ipinangako ng kaniyang lolo na ipakakasal siya sa panganay na anak ng mga Crisostomo. Si Juarez ay isang makisig at maginoong binata. Sa isang ngiti niya'y nabibihag na ang mga mayuyuming binibini sa kanilang bayan.

Tunay na minahal ng binibining Sally ang binatang si Juarez. Alinsunod sa nais ng lolo ni Juarez ay napagdesisyunan ng mga Crisostomo at Montreal na bigyan ng oras ang dalawa upang mas makilala ang isa't isa. Kadalasa'y sa bahay ng mga Crisostomo bumibisita si Juarez at paminsan naman ay si Sally ang bumibisita sa bahay ng mga Montreal.

Malugod na tinanggap ang dalawa sa kani-kanilang kabahayan. Agad na nagustuhan ng ama ni Sally ang binatang Juarez samantalang botong boto naman ang inay ni Juarez kay Sally. Madalas ay bukambibig ng mga matatanda ang paksa kung kailan maaaring ipakasal ang dalawa at mga bagay katulad ang mga yamang paghahatian at maimamana.

Lingid sa kaalaman ng lahat, lihim na sumusulyap ang butihing ginoong si Juarez sa kambal ng kaniyang mapapangasawa, si Minda. Siya'y nahumaling hindi lamang sa pisikal na katangian nito, kundi na rin sa taglay niyang kabutihang –loob at pagiging makumbaba. Isa rin sa minahal niya kay Minda ay ang kulay tsokolateng mata na tila kay lambing at napakamalumanay. Sa tuwing siya'y nakakapasok sa mansiyon ng mga Crisostomo ay hindi siya napapakali kung wala ang dalaga.

Kahit kaharap niya si Sally ay mga mata lamang ni Minda ang nasa isip niya, pawang nabihag na siya nito. Sinubukan niyang kausapin si Minda at laking gulat niya nang nagkasundo sila agad ng dalaga. Masarap kasama si Minda at tila ba'y ayaw niya nang umuwi dahil sa sayang nadarama sa tuwing kapiling si Minda. Sa bawat araw na lumipas, mas nakasama niya si Minda kaysa kay Sally at huli na nang kaniyang aminin ang binibining tunay niyang iniibig.

Napapansin ni Minda ang mga galaw ni Juarez na tila ba'y nagpapahiwatig ng ibang kahulugan. Sinubukan niyang huwag itong pansinin. Ngunit napakahirap umiwas sa binata dahil alam niya sa sarili niya, nahulog na siya.

Hindi bulag si Sally. Hindi rin siya manhid. Alam niyang may kakaiba sa ikinikilos ni Juarez at Minda. Ngunit, malaki ang tiwala niya sa kaniyang kambal. Naniniwala siyang hindi ito magiging ahas sa relasyon nila ni Juarez.

Araw... mga buwan ang lumipas. Mas lalong naging malapit sa isa't isa ang dalawang magsing-irog na nagmamahal patago, habang palayo nang palayo ang loob ng dalawang itinakda para sa isa't isa.

Isang araw, napagpasiyahan ng ama nina Sally at MInda na ipinasok si Minda sa paaralan ng musika. Agad namang sinunod ni Minda ang kahilingan ng kaniyang ama. May kalayuan sa bayan nila ang paaralang ito, ngunit mas malapit sa bayan nina Juarez. Dahil dito, mas naging madalas ang pagkikita nilang dalawa dahil kahit papano ay may kalayaan silang dalawa.

Sa paaralan ni Minda ay nagkaroon siya ng kaibigang nagngangalang Eduardo. Magaling sa pagtugtog ng iba't ibang instrumento si Eduardo at madalas ay siya ang nagtuturo kay Minda. Katulad ni Juarez, madaling nahulog ang loob ni Eduardo kay Minda. Ngunit, hindi niya nais aminin muna kay Minda ang nararamdaman sapagkat baka magkaroon ang lamat sa kanilang pagkakaibigan.

Alamat ng SalaminWhere stories live. Discover now