Kaba

203 6 5
                                    

KABA ang bumabalot sa buo mong pagkatao habang hinihintay mo ang pagdating ng iyong mga kaibigan. Natatakot ka sa maari nilang maging reaksyon kapag nakita nila ang itsura ng balat mong halata pa ang mga bakas ng sugat na tinamo mula sa sunog na kinasangkutan mo noong nakaraang linggo. Maging ikaw nga ay nandidiri sa sarili mong balat, paano pa sila?

Sumilip ka sa bintana ng iyong kwarto at mas bumilis pa ang kabog ng dibdib mo nang iyong makita ang dalawang babaeng nakatayo sa harap ng bahay ninyo. Kaagad kang tumakbo pabalik sa higaan mo saka ka naupo sa kama at tinakpan ang mga paa mo ng kumot.

Pinilit mong pakalmahin ang sarili mo at inisip mo na lang na nagpunta sila para bisitahin ka, hindi para tingnan ang itsura mo. Isa pa, wala naman silang makikita sa mukha mo dahil balot pa ito ng benda. Mga mata at labi mo lang ang halos nakikita.

Nang magbukas ang pinto ng kwarto mo, agad kang napalingon doon. Pinilit mong ngumiti nang makita mo ang magagandang mukha ng dalawa mong kaibigan saka mo sila binati. Gumanti naman sila ng pagbati nang nakangiti habang papalapit sila sa’yo.

Kwento ang baon nila sa kanilang pagdating. Panay ang banggit nila sa’yo kung gaano sila napapagod sa inyong paaralan sa dami ng kanilang ginagawa. At nang sabihin ng isa sa kanila ang mga katagang, “grabe! Pakiramdam ko nga ang pangit-pangit ko na dahil sa sobrang stress!”, nasiip mo kaagad na paano ka pa? Kung napapangitan na sila sa itsura nila, ano ka pa? Paano pa kapag tinanggal na ang bendang tumatakip sa mukha mo?

Nasasaktan ka pero kinikimkim mo na lang at mas pinipili mong maging masaya. Alam mo naman at ramdam mong iniiwasan nilang may mabanggit na kahit ano tungkol sa kondisyon mo.

Matapos ang halos dalawang oras na pagkekwentuhan, nagpaalam na silang dalawa sa’yo dahil may mga lakad pa sila. Pumayag ka naman at nang makalabas na sila sa kwarto mo ay dali-dali kang tumayo para muling sumilip sa bintana. Hinintay mo silang makalabas at mula roon ay pinagmasdan mo sila na masayang naglalakad palayo at nagtatawanan.

“Naiinggit ako.” Kasabay ng iyong pagbulong ay ang pagtulo ng luha mo na sinundan ng kirot sa iyong mukha na indikasyong sariwa pa talaga ang mga sugat mo. “Gaano na kaya ako kapangit kapag tinanggal ‘to?” tanong mo sa’yong sarili habang hinahaplos ang bendang nakabalot sa iyong mukha.

Bumukas namang muli ang pinto ng kwarto mo at nang iyong makita kung sino ang nagbukas, agad kang tumakbo sa kaniya at yumakap nang mahigpit. Dama mo ang hapding dala ng mga sugat mo sa bawat pagpatak ng iyong luha pero hindi no’n matutumbasan ang sakit sa damdamin na nararamdaman mo sa mga oras na ‘yon.

“Naiinggit ako sa kanila, Daddy. Gusto ko rin pong maging masaya. Gusto ko rin po ulit gumanda tulad nila,” bulong mo habang patuloy ka sa pag-iyak.

Wala kang salitang narinig mula sa kaniya ngunit nang haplusin niya ang likod mo, alam mo sa’yong sarili na sapat na iyon para gumaan ang iyong pakiramdam.

KINABUKASA’Y maaga kang nagising dahil na rin sa kabang dala sa’yo ng katotohanang sasailalim ka sa isang operasyon sa mukha sa tulong na rin ng iyong Daddy. Surgeon siya at iyon din ang dahilan kaya ka ngayon nananatili na lang sa bahay himbis na sa ospital. Kaya na niya ang alagaan at asikasuhin ka dahil na rin sa may sarili siyang mga kagamitan at mga aparato sa inyong tahanan.

“Magtiwala ka kay Daddy, Alyssa. Gagawin ni Daddy ang lahat para mapasaya ka ulit,” anito sa’yo bago ka sumailalim sa operasyon. Noon mo lang ulit narinig na nagsalita nang malumanay ang iyong Daddy kaya nakaramdam ka ng kaba. Hindi mo maipaliwanag pero hinayaan mo na lang. Gusto mong magtiwala sa kaniya hindi lang dahil sa doktor siya kun’di dahil siya ang ama mo at alam mong wala siyang gagawing masama sa’yo.

Maayos namang natapos ang operasyon. Ni hindi mo na rin halos nabilang ang mga araw na lumipas dahil naging abala ka sa pag-aaral. Ang sabi kasi sa’yo ng iyong Daddy ay makakabalik ka nang muli sa eskwelahan kapag natanggal na ang benda sa iyong mukha.

Isang umaga, nang ika’y magising, nakangiting mukha ng Daddy mo ang bumungad sa’yo at may hawak siyang salamin sa kaniyang kaliwang kamay. “Good morning, anak. Ngayon na ang araw nang pagtatanggal ng benda mo,” aniya.

Nagulat ka sa tinuran niyang iyon. Bumangon ka at kinapa ang mukha mo. Wala na ngang masakit pero naisip mong parang ang bilis naman yata.

“Dad, bakit ang bilis gumaling ng mga sugat ko? Kakaopera niyo lang po sa’kin noong nakaraan ha?”

Naupo siya sa tabi mo at ipinahawak sa’yo ang salamin. “Magtiwala ka kay Daddy. Hindi lang basta-basta ang operasyon na ginawa ko sa’yo. Sinigurado kong matutuwa ka gaya nang nais mo,” paliwanag niya nang nakangiti.

Naguguluhan ka pa rin pero nang umpisahan ng Daddy mo ang pagtatanggal sa benda, nagpaubaya ka na lang. Habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang puting telang tumatakip sa iyong mukha, abot langit ang kabang nararamdaman mo at hindi mo na namalayang nakapikit ka na.

Sarado lang ang iyong mga mata hanggang sa naramdaman mo na ang pagdampi ng malamig na hangin sa balat ng iyong pisngi. Kinakabahan ka na nang sobra pero nang sinabi ng Daddy mo na dumilat ka, dahan-dahan mong binuksan ang iyong mga mata at tumingin sa salamin.

Nang makita mo ang iyong repleksyon, hindi mo mapigilan ang mabigla. Maganda ka na nga. Sobrang ganda. Higit pa sa inaasahan mo.

Pero alam mong may mali...

Hinawakan mo ang iyong pisngi, ilong, mata at pababa muli sa iyong bibig. Pamilyar sa’yo ang itsurang nakarehistro sa salamin at kakakita mo lang sa mga ito noong araw bago ang operasyon mo.

Mukha ng dalawang kaibigan mo... Pinaghalong itsura nila!

Napatingin kang muli sa iyong Daddy na nakangiti pa rin. Takot at kaba ang bumabalot sa buo mong pagkatao habang uutal-utal mong sinasambit ang mga salitang, “Daddy... A-anong ginawa mo sa kanila?”

KabaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon