Chapter 00

95.5K 3.1K 1.3K
                                    

#ATG00 Chapter 00

"Uy, good mood ba si Judge ngayon?"

Hindi ako naka-sagot dahil hindi rin naman ako sigurado. Nung huli kong sinabi na good mood si Judge, bigla siyang na-bad mood tapos sa akin nagalit kasi 'di raw ako nagsabi ng totoo. E malay ko ba? 'Di ko naman hawak mood ni Judge. Nakiki-sabay lang din ako sa mood ni Judge.

"Di ko sigurado... Tignan mo na lang."

Napa-simangot siya. "Wala man lang bang clue?"

Nagkibit-balikat ako. "Di ko talaga alam," sabi ko na bahagyang tumawa. Aba, mahirap na. Mamaya e kasalanan ko na naman. Nananahimik ako tapos biglang kasalanan ko na naman.

Dahil kailangan niya yata talagang maka-usap si Judge, pumasok pa rin siya sa chamber. Bahala siya d'yan. Tapos naman na ako sa pinapa-gawa ni Judge kaya nagrereview na ako. Kung papipiliin lang talaga ako, ayoko talagang magworking student. Nung college, kaya pa.

Ngayong law school? Parang ika-mamatay ko na lang talaga.

Parang bigla na lang akong bubulagta sa kalsada sa sobrang pagod.

'Di ko rin alam kung saan talaga ako pagod–kung sa trabaho ko ba o dahil pagod na iyong utak ko dahil kahit ano'ng gawin ko, wala talaga akong maintindihan sa pinag-aaralan ko? Tuwing may klase, para bang nasa ibang dimensyon ako at wala akong maintindihan sa mga tinuturo sa amin. Parang dumadaan lang iyong mga salita sa tenga ko.

Ewan ko ba.

Lagi ko na lang sinasabi sa sarili ko na konting gapang pa.

At least kahit gumagapang ka, 'di ka stagnant. Pasasaan ba at makaka-rating din ako sa finish line.

Tahimik akong nagbabasa ng sa Statcon nang biglang lumabas si Tin. Napa-tingin ako sa kanya.

"Bad mood?" tanong ko.

"May kausap," sagot niya.

"Oh? Sino?" nagtatakang tanong ko dahil wala akong maalala na pumasok sa chamber ni Judge. Kanina pa naman ako rito... Weird naman.

"Lawyer pero 'di ko alam pangalan," sagot niya.

"Galit?"

Mariin siyang tumango. "Ayaw magbackdown nung abogado. Lakas, e! 'Di natatakot ma-cite in contempt," tatawa-tawang sabi niya. Medyo nanlaki rin ang mga mata ko. Ayos, ah... Sa tagal na nagtrabaho ako kay Judge, ngayon lang ako naka-rinig ng lawyer na puma-palag sa kanya. Kadalasan kasi sa mga nakaka-salamuha ko rito sumi-sipsip, e. Syempre para kapag si Judge may hawak ng kaso nila, feeling nila favorite sila. Sobrang lala kapag birthday ni Judge. Para kaming malulunod sa lechon na pina-padala ng mga abogado. Parang tanga nga, e. Minsan, na-weirduhan sila Mama sa akin may uwi akong isang buong lechon. E ano'ng magagawa ko? Pina-uwi sa akin ni Judge kasi wala naman daw kakain dahil nung time na 'yun e 5 lechon ata pina-dala.

Sa susunod nga gagawa na ako ng registry, e. Para hindi puro lechon. Try naman nila pasta o kaya pizza. Bakit puro lechon?

"Pero ang gwapo!" dagdag ni Tin. "Alamin mo naman pangalan tapos sabihin mo sa 'kin."

Nagkibit-balikat na lang ako.

Binalik ko iyong atensyon ko sa pag-aaral. Olats kasi 'yung unang recit ko sa Statcon. Sabi nila basic subject lang 'to, pero bakit kahit basic nalilito ako? Bumabaluktot na iyong dila ko sa mga Latin maxims. Minsan pakiramdam ko nagsa-summon na ako ng mga espiritu kapag nirerecite ko sila.

'Uwi ka maaga,' biglang text ni Mauve.

'May klase ako,' sagot ko.

'Birthday ni Papa. Nalimutan mo ba?'

Agad na nanlaki ang mga mata ko.

Shit.

Nalimutan ko!

Agad akong tumingin sa relo ko. Lagot! Hindi pa ako pwedeng umalis kasi 'di pa time... kaso kapag 'di ako umalis ngayon, 'di na ako makaka-abot sa mall kasi may pasok pa ako. 'Di ako pwedeng umabsent sa Statcon kasi baka tuluyan na akong buminggo kay Atty. Isipin pa nun 'di na nga ako ka-talinuhan tapos kapal pa ng mukha kong umabsent.

'Nalimutan mo nga?'

'Hindi.'

'Sure ka? Sabi mo sakin pupunta ka.'

'Hindi nga.'

Ano ba 'yan... Ano uunahin ko?

'May regalo ka naman di ba?'

'Hoy sumagot ka nga.'

Sunud-sunod iyong text sa akin ni Mauve. Paano ako uuwi nito? Sigurado ako babatuhin ako nun kapag umuwi ako. Bakit ba kasi 'di ako magaling magmemorize ng mga birthday? Bakit ba 'di ako nag-aattempt na ilagay sa kalendaryo?

Ako talaga nagbibigay ng problema sa sarili ko, e.

'Puro ka law school?'

Napa-buntung-hininga ako, at saka tumayo. Kinuha ko iyong bag ko. Magpapa-late na lang ako. Sisisihin ko na lang iyong traffic kahit malapit lang naman 'tong trabaho ko sa school. Kaysa naman ma-badtrip pa ako kay Mauve. Badtrip na nga sa school, badtrip na sa trabaho, badtrip pa sa bahay. Triple whammy.

Naka-handa na iyong mga gamit ko.

Alis na alis na ako.

Hini-hintay ko lang magalas-cuatro para maka-alis na ako.

O baka biglang aalis na rin si Judge para maka-alis na rin ako.

Nang bumukas iyong pinto, agad na napa-tingin ako roon. May lumabas na lalaki. Iyon siguro iyong abogado na sinasabi ni Tin kanina na dahilan kung bakit bad trip si Judge.

Nang maisara niya iyong pinto sa chamber ni Judge, kitang-kita ko kung paano siya nagpipigil na para bang badtrip na rin siya. Ibinaba niya iyong dala niyang brief case at saka tinanggal iyong pagkaka-butones nung ilang butones ng suot niyang puting polo.

Huminga siya nang malalim.

Malalim na malalim.

Parang bigla na lang siyang maninipa.

Tapos nang dumilat ang mga mata niya, tumingin siya sa gawi ko. Agad akong nag-iwas ng tingin. Nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman kong maglakad siya palapit sa akin.

Tapos huminto siya sa harap ng lamesa ko.

"Assistant ka ni Judge, 'di ba?" tanong niya bigla.

Napa-tango ako. "Bakit?"

"Ano'ng schedule niya bukas?"

"Ha?"

"Dito lang ba siya ulit bukas?"

"Bakit?" tanong ko dahil 'di ako sigurado kung pwede ko bang sabihin sa kanya iyong schedule ni Judge. Kailangang ipagpaalam ko muna 'yun. Mamaya mawalan pa ko ng trabaho.

"Dito ba siya o hindi?" tanong niya na para bang utang na loob ko pa na sabihin sa kanya iyong schedule ni Judge.

"Bakit ba kasi–"

"Kung nandito siya bukas, pa-sched ako kahit ano'ng oras, kahit sampung minuto lang," sabi niya sabay lapag ng calling card sa lamesa ko. "Salamat," dugtong niya pa bago umalis.

Atty. Achilles V. Marroquin

Public Attorney's Office

Alter The GameWhere stories live. Discover now