Sana

532 49 17
                                    




Ang ganda mo. Maganda ka na noon pero mas lalo kang gumanda ngayon. Para kang kumikinang ngayon habang pinagmamasdan kita at nakikinig sa mga kwento mo. Ganito siguro talaga kapag masaya na.

"Tapos alam mo ba? Ang sarap pala talaga nung...yung mahalin ka rin pabalik. Sa kanya ko lang kasi talaga naramdaman na may nagmamahal pala sa akin."

Ang pait sa pakiramdam ng sinabi niya pero nadadala pa rin ako ng mga ngiti niya. Hindi ko maiwasang mapangiti sa tuwing ngumingiti siya sa akin.

"Hindi ko akalain na ikakasal na ako bukas." Aniya. Masaya ako para sa kanya. Masaya akong nahanap na niya kung saan siya sasaya at kung kanino siya liligaya.

"Alam mo bang..." huminga siya nang malalim. "Sobrang mahal na mahal kita noon?" Para akong na-estatwa dahil sa sinabi niya. "kaya nga sobrang saya ko noong may nagmahal na sa akin, yung hindi pang bestfriend lang. Yung turing niya sa akin ay bestfriend din pero alam mo yung ramdam mo na higit pa rin yun doon. Aaah grabe!" tumawa ito nang bahagya na para bang biglang nahiya dahil sa sinabi niya.

"Tipong ang sarap pala ng ganito. Yung hindi ako natatakot na baka may mawala. Na kapag umamin ako ay baka biglang mawala." Hindi ako makasagot sa mga rebelasyong sinasabi niya. "Tanda mo yung natulog pa ako sa apartment mo? Yung lasing ako?" Tumango ako bilang tugon.

Tandang-tanda ko pa lahat nang iyon.

"Nagkunwari akong lasing tapos hinalikan pa kita pero bigla kang lumabas ng kwarto at hindi ka bumalik buong magdamag." Nagpakawala ito ng mahinang tawa. "Grabe yung effort ko para mapansin mo ako. Pero grabe rin yung takot ko na baka kinabukasan mawala ka na sa akin kaya nga nagkunwari na lang ako na hindi ko natatandaan ang lahat kahit sa totoo lang ay umiyak lang ako buong magdamag."

Tanda ko pa na natulog lang ako sa sofa dahil natatakot ako sa pwede kong gawin sa iyo noong lasing ka. Na baka hindi ko na makayanang kontrolin ang sarili ko dahil mahal na kita at ayokong mawala ka sa akin. Ayoko kasing wala ka sa wisyo pero nakakatakot din kasing umamin sa'yo.

"Ang unfair ni Lord." Sabi ko. "Ikaw masaya ka na, ako hindi pa rin." Iyon na lang ang tanging nasabi ko sa lahat ng sinabi niya. Tipong ayaw ko na lang sabihin sa kanya na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya.

"Ano ka ba! May darating din para sa'yo. Tignan mo ako, tama yung desisyon ko na hindi sabihin sa'yo yung feelings ko noon. Hindi ka nawala sa akin. May bestfriend pa rin akong tatakbuhan kapag may mga problema ako or kapag may masayang balita akong ikukwento." Niyakap niya ako nang mahigpit. "katulad ngayon, ang saya ko kasi umuwi ka para sa kasal ko. I love you talaga, bes..."

"Syempre naman, ikaw pa ba? Mahal na mahal kita, e."

Mahal na maha kita... mga salitang dati ay dapat ko pang nasabi sa iyo. Ang swerte niya sa'yo. Hindi niya kasi naranasan na maging bestfriend mo siya. Hindi niya naranasang matakot na mawala ka.... Sana hindi ako natakot. Sana hindi tayo natakot pareho.

Playlist [One Shot Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon