Ang aking kaibigan

76 0 0
                                    

Ako si Lina, isang estudyante sa ikaapat na taon ng mataas na paaralan. Mayroon akong kaibigan na sobrang lapit sa akin. Halos magkapatid na ang turingan namin sa isa’t isa dahil na rin siguro parehas kaming nag-iisang anak kaya nagkakaintindihan kaming dalawa. Simula pa lang noong elementarya ay magkakilala na kami ngunit sa pagtungtong lang sa mataas na paaralan ko lang siya nakilala nang husto. Madalas akong pumupunta sa bahay nila tuwing may kaguluhan sa amin. Isa kasi ako sa mga anak na hindi pinagpala sa mababait at mabubuting magulang. Parati na lang kasi silang nag-aaway. Kahit simpleng bagay, pinag-aawayan na nila, nagkakasakitan na sila. Ni hindi nga nila iniisip na mayroon silang anak na umaasang makatikim ng isang buo at masayang pamilya. Kaya nga naiinggit ako sa mga magulang na mayroon ang kaibigan ko. Kasi tuwing nakikita ko silang magkakasama, palagi silang masaya. Alam mo yung pakiramdam na parang parte ka na ng pamilya nila kung itrato ka nila? Sobrang sarap nung pakiramdam na yun. Yung pakiramdam na kahit na anong mangyari, alam mong may magulang kang nagmamahal sa ‘yo na handang sumuporta. Lagi kong hinihiling na sana magandang pamilya na lang ang ipinagkaloob sa akin.

Dako naman tayo sa mga katangian ng aking kaibigan. Siya yung tipo ng kaibigan na kahit anong mangyari, hinding hindi ka iiwan. At sa tuwing mayroon naman akong naka-alitan, nandiyan siya parati upang ako’y ipagtanggol. Humahanga nga ako sa tapang na taglay niya. Minsan tinanong ko siya kung saan niya nakuha yung ganoong klase ng tapang, ang tangi niyang sagot ay “Kay Inay.” Halos lahat talaga ng katangian ng kaniyang inay ay namana niya, pati nga mukha niya ay parang kinopya sa kaniyang inay. Siguro masarap yung pakiramdam na kamukha mo ang inay mo, kasi masasabi mong anak ka talaga niya. Hindi tulad ng sa akin, wala akong kamukha ni isa sa mga magulang ko. Kaya nga inaasar ako ng mga kaklase ko dati na ampon lang ako kasi hindi ko sila kamukha. Ipinagwalang bahala ko na lang ang mga pinagsasasabi nilang iyon dahil sinabi ng kaibigan ko na huwag na huwag akong papaapekto. Hindi naman daw kasi lahat ng anak ay kamukha ng kanilang magulang. Pero sana yaong mga magulang na ibinigay sa akin ay kahawig ko man lang ng hitsura, para hindi naman ako inaasar ng ampon.

Sa tuwing kasama ko ang aking kaibigan, nakikita kong palagi siyang masayahin. Pinapagaan nga niya ang kalooban ko tuwing nalulungkot ako kapag nagkakagulo sa bahay namin. Siya ang nagbibigay ng lakas sa akin tuwing naiisip kong huminto na lang. Huminto na lang sa pagpatuloy ko ng magulo kong buhay. Napapagod na kasi ako, napapagod na akong umasa. Umasa na isang araw, makikita kong masaya at kuntento ako sa buhay. Ngunit hinding hindi iyon mangyayari kung palagi ko na lang nakikitang nag-aaway ang aking mga magulang. Sana makayanan ko pa kahit na kaunting saglit na lang, sana matiis ko pa ang mga paghihirap na ito.

Isang hapon, magkasama kaming masayang kumakain ng aking kaibigan, nang biglang may masamang balita ang inihatid ng isa naming kaklase. Kitang kita ko ang lungkot na bumalot sa buo niyang katawan. Hindi siya nagsalita matapos niyang marinig ang balitang iyon. Wala siyang naging reaksyon maliban sa patuloy na pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. Hindi siya agad na umuwi upang kumpirmahin ang balita. Siniguro kong maayos lang ang kalayagan niya dahil alam kong masakit ang kaniyang pinagdaraanan. Pinipilit niyang magbiro para daw mabura ang masamang biro na sinabi sa kaniya. Pinipilit niya pa rin talagang maging matatag at matapang kahit na alam naming dalawa na hindi iyon isang biro. Nalulungkot ako para sa kaniya, kasi alam kong mahal na mahal niya ang inay niya, at alam ko ring mahal na mahal siya nito. Sobrang nakakapanibago ang mga kilos niya. Parati na lang siyang nakatulala. At ito ang unang beses na makita ko siyang balot ng kalungkutan dahil sanay akong masiyahin siya. Nakikiramay ako para sa pagkawala ng kaniyang inay.

Isang linggo na ang nakalipas simula noong nailibing ang kaniyang inay. Pumapasok naman siya sa klase ngunit wala siya sa kaniyang sarili. Hirap din kaming kausapin siya dahil hindi siya sumasagot o ‘di kaya’y bigla bigla na lang siyang iiyak. Sobrang laki ng epekto ng pagkawala ng kaniyang inay, kitang kita ko iyon sa kaniya dahil nawala na ang masayahin at matapang niyang katangian. Tuwing kami lang ang magkasama, tinatanong ko kung mayroon siyang kailangan. Baka kasi sa ganoong paraan, mapagaan ko naman ang kaniyang kalooban, na madalas ay siya ang gumagawa para sa akin. Gusto ko mang tulungan siyang makalimutan ang pagkawala ng kaniyang inay ay hindi ko magawa dahil hindi ko naman alam ang pakiramdam ng mamatayan. Ang alam ko lang ay ang pakiramdam ng magkaroon ng hindi magkasundong mga magulang na sa tingin ko ay parang katulad din ng nangyari sa kanya, nawalan ng mga mahal sa buhay.

Sana......Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon