Lalaban o Susuko?

14 0 0
                                    

Ipaglalaban ko ba siya? O susuko na ko dahil nakakapagod na?

Iyan ang natakbo sa isip ko habang nasa biyahe ako pauwi. Nagtatalo ang isip at puso ko.

Tatlong taon, tatlong taon na din akong nagmamahal ng isang lalaking inaalagaan ako, iniintindi ako, minamahal ako ng walang pag-aalinlangan.

Anong nangyari?

Nagising na lang ako isang araw, ako na lang ang iniisip niya, nakakalimutan na niya ang sarili niya, kaya na niyang isuko ang pangarap niya para lang sa isang katulad ko.

"Piliin mo kasi yung lalaking mamahalin mo, yung may pangarap para sa sarili niya at kaya suportahan din ang pangarap mo, hindi yung ibaba ka pa dahil ang gusto lang ay ang mahalin mo siya." rinig kong sabi ng katabi ko sa kausap niya sa telepono.

Parang tinamaan yung puso ko.

Naniwala ako sa mga pangarap ko dahil sakanya, naniwala ako na kaya kong gawin yung mga bagay na dati akala ko di ko kaya, isa siya sa mga taong inangat ako nung wala akong tiwala sa sarili ko, kasi ganun siyang tao. May pangarap, may paniniwala.

Hindi ko alam kung kasalanan ko ba dahil mababa ang tingin ko sa sarili ko, nahawa ba siya ng mga pag-iisip ko? Hindi ko alam, hindi ko alam kung anong nangyari, pero naglaho, naglaho yung taong naniniwala sakin, na kaya ko at mahalaga akong tao.

"Sumuko ka man o ipaglaban mo, desisyon mo pa din yan, ikaw lang ang makakalaya sa sarili mong mga tanong, pero tandaan mo na kung ano man ang maging desisyon mo, dapat masaya ka." sabi nanaman ng katabi ko.

Bakit ba parehas na parehas kami ng pinagdadaanan ng kung sino mang kausap niya sa telepono? Pero kung ano man ang maging desisyon niya, tama ang kaibigan niya dapat maging masaya siya at payapa ang puso niya.

Masaya at Payapa. Simpleng mga salita, pero napakahirap mahanap, napakahirap maramdaman.

"Minsan lang may dumating sa buhay natin, sundin mo ang puso mo, sundin mo ang ikasasaya mo." at binaba ng ng katabi ko ang telepono niya.

Kapag sinunod ko kung anong ikasasaya ko, hindi ba parang ang makasarili naman ng dating na yon? Kapag ba pinili kong maging masaya, magiging masaya din kaya yung mga tao sa paligid ko?

Alam ko sa sarili ko na magiging masaya ako kapag ipinaglaban ko siya, at alam ko din naman na napakahirap sumuko saming dalawa, pero paano kung kailangan na, dahil hindi na maganda yung nangyayari saming dalawa? Pano kung ang pagsuko na lang ang pwedeng dapat gawin para maayos siya? Mas pipiliin kong unahin niya ang mga pangarap niya kaysa sakin, dahil magiging masaya ako kapag tinupad niya ang mga pangarap niya.

Naguguluhan na ko, hindi ko na alam.

"Ang pagmamahal, hindi palaging masaya, kadalasan nga, puro sakit at lungkot pa ang mararamdaman mo" sabi ng katabi ko. Napatingin ako sakanya, pero ngayon, wala ng siyang kausap sa telepono, para bang sinasabi niya yun sakin at nababasa kung anong nasa isip ko. Tumingin siya sakin at ngumiti. "Nahihirapan ka, mamili kung lalaban ka pa sa isang pag-ibig na may pangarap noon o sumuko dahil nawala ang pangarap na yon? Tama?" tanong niya sakin. Ngumiti ako.

"Para lang yang isang karera, pangarap mong manalo sa larong 'yon, malapit ka na sa dulo, pero nadapa ka, tatayo ka ba at ipagpapatuloy ang laban dahil malapit ka na sa pangarap mo, o susuko ka na lang kasi nadapa ka na?" Nakikinig ako sakanya habang siya nakatingin sa labas ng bintana at sa mga umaandar na sasakyan.

"Minsan kapag nadapa na tayo, nawawalan na tayo ng tiwala sa sarili natin o sa mga tao sa paligid natin, akala natin kapag nadapa na sila, hindi na nila kaya, na mahihirapan na silang makatayo ulit pero hindi ba natin naisip na kailangan nila ng tulong? Na sa oras na madapa sila o mawasak, pwedeng-pwede natin sila tulungan. Kapag iniwan natin sila, hindi ba parang mas mahihirapan silang makatayo at lumaban ulit? Hindi ba, mahal mo siya? Bakit ka nahihirapan at pinagpipilian ang dalawang 'yan?" Sabi niya, at tsaka tumingin sakin. Napayuko ako,

"Mahal ko siya, pero nawala ang pangarap niya" napangiti siya,

"Ang pangarap na nawala, pwedeng mabuo ulit, pero pag siya nawala, kakayanin mo ba?"

And that hit me hard. Tagos hanggang puso.

Kaya ko ba? Kaya ko bang mawala yung taong nagpaniwala sakin na ang buhay ay isang napakahalagang bagay sa mundo? Kaya ko bang mawala yung taong minahal ang pagkatao ko nung oras na hindi ko mahal ang sarili ko? Kaya ko bang mawala yung taong kasing halaga ng mga pangarap ko?

"Kuya, sa may babaan na lang po" sabi ng babaeng nasa likuran ko, hindi ko namalayan, bababa na rin pala ako, inayos ko ang mga gamit ko, tapos nagsalita ulit yung katabi ko,

"Sana maging masaya ka sa magiging desisyon mo, Natalia" tapos ngumiti siya sakin na abot hanggang mata. Tumingin naman akong nagtataka sakanya, natawa ako kasi tinuro niya yung I.D ko at doon nakita ang pangalan ko.

Napatingin ako sa I.D niya, "Maraming Salamat, Maxine, sana ikaw din, mahanap mo ang tunay na kasiyahan mo." Ngumiti ako sakanya, eksaktong pagtigil ng van na sinasakyan ko, "Bye, thank you!"

Bumaba ako ng van ng nakangiti at may paninindigan.

Naglalakad ako ngayon palapit sa taong mahal ko.

Tama, ang pagmamahal, hindi lang puro saya, hindi lang puro ngiti, kilig o excitement, dahil ang tunay na pagmamahal maging malungkot, malumbak o mahirap man ang sitwasyon, iintindihin at ipaglalaban niyo ang isa't-isa, doon mo malalaman kung hanggang saan ang kaya niyo at kung para ba talaga kayo sa isa't-isa. Ang pagmamahal ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng labis na kasiyahan, at ang sakit na nararamdaman ay isang patunay na totoong nagmamahal ka, dahil kapag nasaktan ka ibig sabihin nagmahal ka.

Niyakap ko ang lalaking nasa harapan ko na ngayon,

"ipaglalaban kita, ipaglalaban ko ang tayo."

Lalaban o Susuko?Where stories live. Discover now