Kabanata 15&16: Ang mga Sakristan at Si Sisa

51.7K 136 13
                                    

Kabanata 15:

Ang mga Sakristan


Parang plegarya ang tunog ng kampanang binabatak ng magkapatid na sakristan na sina Crispin at Basilio.  Sila ang kausap kanina ni Pilosopo Tasyo at sinabihan na sila ay hinihintay ng kanilang inang si Sisa para sa isang hapunang pangkura.  Sa anyo ng hitsura ng magkapatid mapagsisino na sila ay hilahod sa hirap.

Sinabi ni Crispin kay Basilio na kung kasama sila ni Sisa.  Disin sana, siya ay hindi mapagbibintangang isang magnanakaw.  At kung malalaman ni Sisa na siya ay pinapalo, tiyak hindi papayag ang kanilang ina.  Ang anyo ng pangamba sa mukha ni Crispin ay nababakas.  Idinadalangin na sana wag magkasakit silang lahat.  Ang suweldo lang kasi nila ay dalawang piso sa isang buwan.  Minultahan pa siya ng tatlong beses.  Pero, hindi pumayag si Basilio sapagkat walang kakainin ang kanilang ina.  Isa pa ang katumbas ng dalawang onsa ay P32.00. lubhang mabigat ito para kay Basilio.

Ipinakiusap ni Crispin na bayaran na lamang ni Basilio ang ibinibintang sa kanya.  Pero, kulang pa ang sasahurin ni Basilio kahit magbayad sila.  Dahil dito, nasabi ni Crispin na mabuti pa ngang magnanakaw na siya sapagkat maililitaw niya ito.  At kung papatayin man siya sa palo ng Kura at siya’y mamamatay magkakaroon naman ng mga damit si Sisa at ang kapatid na si Basilio.  Nasindak ang huli sa binanggit ng kapatid.

Nag-aalala pa si Basilio na kapag nalaman ng kanilang ina napagbintangang nagnakaw si Crispin, tiyak na magagalit ito.  Pero, sinabi ni Crispin na hindi maniniwala ang kanilang ina sapagkat ipakikita niya ang maraming latay na likha ng pagpalo ng Kura at ang bulsa niyang butas-butas na walang laman kundi isang kuwalta na aginaldo pa niya noong Pasko, na kinuha pa sa kanya ng hidhid na Kura.

Gulo ang isip ni Crispin dahil mahirap na gusot na napasukan nilang magkapatid.  Gusto niyang makauwi silang magkapatid upang makakain ng masarap na hapunan.  Magmula ng mapagbintangan siyang nagnakaw, hindi pa siya pinapakain hangga’t hindi niya naisauli ang dalawang onsa.  Maliwanag sa mga pahayag ni Crispin na kaya siya napagbintangang magnanakaw sapagkat ang kanilang ama ay mabisyo, lasenggero at sabungero.

Habang nag-uusap ang magkapatid, ang Sakristan Mayor ay walang kilatis na nakapanhik sa palapag na kinaroonan nila.  Antimano, puyos ito sa galit.  Sinabi niya kay Basilio na ito ay kanyang minumultahan dahil sa hindi tamang pagtugtog ng kampana.  Kapagdaka, si Crispin naman ang hinarap at sinabing hindi ito makakauwi hanggang hindi niya inilalabas ang dalawang onsa na binibintang sa kanya.  Tinangkang mangatwiran ni Basilio, pero sinansala siya ng sakristan mayor sa pagsasabing kahit na siya ay hindi makakauwi hanggang hindi sumasapit ang eksaktong ika-10 ng gabi.  Gimbal si Basilio sapagkat ika-9 pa lamang ng gabi ay wala ng puwedeng maglakad sa lansangan kung gabi.  Makikiusap pa sana si Basilio, pero biglang sinambilat ng sakristan mayor si Crispin sa bisig at kinaladkad na papanaog sa hagdanan hanggang sa sila ay lamunin sa dilim.  Dinig ni Basilio ang pagpapalahaw ng kapatid.  Pero, wala siyang magawa, naiwan itong parang tulala.  Ang bawat pagsampal ng sakristan kay Crispin ay sinusundan ng masakit na pagdaing.  Nanlaki ang mata at nakuyom ni Basilio ang kanyang palad sa sinapit ng kapatid.  Pumasok sa isip na kung kailan siya maaaring mag-araro sa bukid habang naririning niya ang paghingi ng saklolo ni Crispin.  Mabilis na pumanhik siya sa ikalawang palapag ng kampanaryo.  Mabilis na kinalag niya ang lubid na nakatali sa kampana at nagpatihulog na padausdos sa bintana ng kampanaryo.  Nuon ang langit ay unti-unti ng nagliliwanag sapagkat humihinto na ang ulan.

Kabanata 16:

Si Sisa


Ang kadiliman ay nakalatag na sa buong santinakpan.  Mahimbing na natutulog ang mga taga-San Diego pagkatapos na makapag-ukol ng dalangin sa kanilang mga yumaong mga kamag-anak.  Pero, si Sisa ay gising.  Siya ay nakatira sa isang maliit na dampa na sa labas ng bayan.  May isang oras din bago narating ang kanyang tirahan mula sa kabayanan.

Kapuspalad si Sisa sapagkat nakapag-asawa siya ng lalaking iresponsable, walang pakialam sa buhay, sugarol at palaboy sa lansangan.  Hindi niya asikaso ang mga anak, tanging si Sisa lamang ang kumakalinga kay Basilio at Crispin.  Dahil sa kapabayaan ng kanyang asawa, naipagbili ni Sisa ang ilan sa mga natipong hiyas o alahas nito nuong sila siya ay dalaga pa.  Sobra ang kanyang pagkamartir at hina ng loob.  Sa madalang na pag-uwi ng kanyang asawa, nakakatikim pa siya ng sakit ng katawan.  Nananakit ang lalaki.  Gayunman, para kay Sisa ang lalaki ay ang kanyang bathala at ang kanyang mga anak ay anghel.

Nang gabing iyon, abala siya sa pagdating nina Basilio at Crispin. Mayroong tuyong Tawilis at namitas ng kamatis sa kanilang bakuran na siyang ihahain niya kay Crispin.  Tapang baboy-damo at isang hita ng patong bundok o dumara na hiningi niya kay Pilosopo Tasyo ang inihain niya kay Basilio.  Higit sa lahat, nagsaing siya ng puting bigas na sadyang inani niya sa bukid.  Ang ganitong hapunan ay tunay na pangkura, na gaya ng sinabi ni Pilosopo Tasyo kina Basilio at Crispin ng puntahan niya ang mga ito sa simbahan.

Sa kasamaang palad, hindi natikman ng magkapatid ang inihanda ng ina sapagkat dumating ang kanilang ama.  Nilantakang lahat ang mga pagkaing nakasadya sa kanila.  Itinanong pa niya kung nasaan ang dalawa niyang anak.  Nang mabundat ang asawa ni Sisa ito ay muling umalis dala ang sasabunging manok at nagbilin pa siya na tirahan siya ng perang sasahudin ng anak.

Windang ang puso ni Sisa.  Hindi nito mapigilan na hindi umiyak.  Paano na ang kanyang dalawang anghel.  Ngayon lamang siya nagluto, tapos uubusin lamang ng kanyang walang pusong asawa.

Luhaang nagsaing siyang muli at inihaw ang nalalabing daing na tuyo sapagkat naalala niyang darating na gutom ang kanyang mga anak.  Hindi na siya napakali sa paghihintay.  Upang maaliw sa sarili, di lang iisang beses siya umawit nang mahina. Saglit na tinigil niya ang pagaawit ng kundiman at pinukulan niya ng tingin ang kadilimang bumabalot sa kapaligiran.  Nagkaroon siya ng malungkot na pangitain.  Kasalukuyan siyang dumadalangin sa Mahal na Birhen, nang gulantangin siya ng malakas na tawag ni Basilio mula sa labas ng bahay.

Ang Buod ng "Noli Me Tangere"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon