I

92 1 5
                                    

Kaninang alas-diyes ng umaga---at ngayon ay sampung minuto na lang bago mag-alas-dose ng tanghali---sa isang Chemistry Laboratory sa PhySci Building ay abaláng-abalá ang isang nerd na estudyante na mag-eksperimento, siyempre, ng mga kemikal. Una muna ay kumuha siya ng asukal na pula na tinunaw niya sa tubig at isinalang sa isang alcohol burner hanggang sa lumagkit ito at maging brown. Tapos ay inilabas niya ang isang bote ng soya gellatin na hiningi niya sa kaniyang kaibigang Food Tech kagabi, at inilagay niya rito ang malagkit at brownish na sugar solution kasama ang dalawang kutsara ng sago. Kinalog niya nang maigi. Matapos kalugin ay kaniya nang tinikman.

"Ahh. Self-made taho for breakfast. Refreshing," sabi ng ungas.

Nakita siya ng kaniyang katabi. Tumulo ang laway nitó sa pagkatakam dahil tulad niya ay hindi pa rin ito nag-aalmusal (na isang naturál na bagay na para sa mga estudyante ng pamantasang ito). Inagaw ng ungas #2 ang self-made taho mula sa kaniya, tinikman, at iwinika, "A-Ahh. Lord of Taho. My precious."

Ngunit nakita rin ng katabi ng Ungas #2 ang self-made taho. Hindi pa rin ito nag-aalmusal kayâ inagaw niya rin ang taho at tinikman.

"Uhh. Ambrosia. Rejuvinating."

Hindi na nagtagal pa ang agawan at tuluyan nang nakalabas sa lab ang self-made taho, hanggang sa mapasakamay ito ng chancellor na siyang hulíng tumikim. "Ohh. New commercialization scheme. Divine."

At biglang nakaramdam ng pananakit ng sikmura ang chancellor. Nalaglag sa mga kamay niya ang bote ng self-made taho. Bigla siyang nangatal hanggang sa malaglag din siya sa upuan. Tumutulo ang kaniyang laway habang gumagapang siya na parang susô palapit sa pinto upang humingi ng tulong; ngunit hulí na ang lahat para sa kaniya, nalagutan na siya ng hininga.

Lumipas ang ilang minuto at pumasok naman ang sekretarya. Nadatnan niyang nakaupo ang chancellor sa trono nito at ang trono ay nakatalikod sa kaniya. Ibigsabihin, nakatalikod rin ang chancellor. Ngunit hindi, hindi nakatalikod ang chancellor. Nang nilapitan niya ito ay nasaksihan ng kaniyang apat na mata--tama, dahil kasama ang pangíta o antipara o eyeglasses para sa mga Ingleserong mambabasa--na para itong sanggol na nakayupyop sa trono. Tawáng-tawá ang sekretarya dahil mukhang tanga ang chancellor; at dahil ayaw niyang masesante nang di oras ay gayon na lámang ang dugong lumalabas sa kaniyang bibig dahil sa matinding pagkagat niya sa kaniyang dila para lang hindi mapahagalpak ang kaniyang pagtawa.

"Louie. Ehem. Excuse me, Chancellor," ang nasabi sa wakas ng sekretarya. " 'Eto na po ang mga petition ng mga Permanently Disqualified na estudyante. Pupunitin ko po ba sila?"

Katahimikan. Katahimikan ang sagot ng nakayupyop na chancellor.

"Sir, pupunitin ko po ba sila?" tanong muli ng sekretarya na inangat na ang papel at pomorma na na pupunitin ang mga ito.

Wala pa ring tugon ang chancellor. Naisip ng sekretarya na bakâ tinubuan na rin sa wakas ng awa ang walang-hiya. Tuwang-tuwa siya dahil nasagot na rin ang kaniyang mga panalangin. Maaari na niyang mahalin nang buong puso't katawan ang chancellor dahil isa na itong mabuting tao. Muli siyang nagtanong.

"Sir, mahal niyo po ba ako?" At nakangiting nangisay ang sekretarya bagama't hindi naman ito uminom ng self-made taho.

Muli't muli, walang tugon.

"Muli mo lang bang pupunitin ang puso ko?" pasimula ng sekretarya sa kaniyang telenovela. "Matutulad lang ba sa mga petisyon ng mga na-PD na ito ang pag-ibig ko sa iyo? Sabihin mo, Louie! Sagutin mo naman ako!"

The chancellor is not yet in service.

Nagalit na ang sekretarya nang dahil sa labis na pandededma ni Louie, este, ng chancellor sa kaniya. Gigil na gigil niyang pinunit ang mga petisyon at pagkatapos ay nilusob ang chancellor. Kumimbot-kimbot ang nakatuwad na chancellor, at natigilan naman si sekretarya sa nakita niyang disgusting sight. Hinarap siya ng chancellor, at kakulay nitó ang BT Talong.

"Brains!" sigaw ng chancellor sa kaniya. Gayumpaman, sa malaking pagkadismaya niya, ay dinaanan lang siya nitó.

Nang mag-shift sa aerial view ang ating imahinasyon, ang apat na magkakaibigan palá ay napapalibutan na ng mga zombie. Sa katunayan, silang apat na lámang ang natitiráng buháy mula sa 10,000 tao sa pamantasan. Sa madaling-sabi, napapalibutan sila ng 9,995 zombies.

"Vanie, ano ang probability na mabubuhay tayo rito?" tanong ni Funfun, ang kaisa-isang laláking nabubuhay sa pamantasan at ang lider ng team.

"Zero," sagot naman ni Vanie na hindi na tumingin pa sa kaniyang calculator.

Napangisi si Funfun.

"Sa unang pagkakataon, mali ka dahil may 0.01 pa." At tumingin siya sa kanilang paanan---isang manhole.

"No, Fun!" sigaw ni Vanie. "Totoo na may konting tsansa na mabuhay tayo sa kabahuan niyan, pero ang tsansa na maligaw tayo at mapasakamay ng mga zombie imbes na makalabas sa university ay mataas!"

"Costs are greater than benefits!" sabi ni Tere. "But I still go for the manhole."

"Tama, Vanie. Subukan pa rin natin," sabi ni Frances.

Ngunit alinlangan pa rin si Vanie. Ilang sandali pa at nagsimula nang gumalaw ang mga zombie. Kailangan na nilang mananghalian at sila ang pananghaliang iyon! Kayâ sinimulan na ni Funfun na tanggalin ang napakabigat na takip ng manhole habang umaatake naman ang tatlo. Binabazooka ni Frances ang mga zombie at siya sa ngayon ang may pinakamaraming napapatay. Hinahataw naman ni Tere ang mga ito nang gitara habang tumutugtog at kumakanta ng I Will Survive. At si Vanie, kinakausap lang niya ang isang pulutong ng mga zombie.

"Kung ang diameter ng circle ay one at ang area ay 3.1415926535897932384626433832795, ano ang exact value ng π times π?"

Nag-isip ang mga zombie, at dahil patay na sila at patay na ang neurons nila, ay hindi nila kinaya ang information overload. Sumirit ang nangingitim na dugo mula sa kanilang bumbunan. At tulad ng pambabazooka ni Frances, patay sa isang iglap ang pulutong ng mga zombie. Lumipat siya sa kabilang grupo at takót na takót ang mga ito. Itinanong ulit niya ang mahiwagang tanong, at ilang sandali pa'y bumulwak na naman ang dugo ng mga zombie paalis ng kanilang mga bumbunan. Sa bandáng hulí ay siya ang may pinakamaraming napatay gamit ang tanong na masasagot lang ng kaniyang calculator.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 08, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SOS PamantasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon