Kerubin.

14 0 0
                                    

Ako si Anjel. Oo, Angel with a J. Anjel.

Nagising ako ng sakto alas syete ng umaga ayon sa alarm na sinet ko siguro kagabi. Isang maaliwalas na biyernes ng umaga at ang klase ko ay ala-una pa. Hindi na ko ginising ng magulang ko. Hindi ko alam kung dahil ba nag-alarm naman ako o sadyang wala na silang pakialam. Sana dahil sa una, kasi kawawa naman si Anjel kung wala nang pakiaalam ang magulang nya sakanya.

“Anjel, nak, bangon na.” sigaw mula sa baba. “May klase ka pa.”

Hinuha ko nanay ‘yun ni Anjel. Sigaw, oo, pero may halong lambing. Mukhang may pake pa naman magulang niya sakanya. Ayon di naman sa alaala nya mahal din sya ng ama nya at wala syang ibang kapatid. Swerte sya at mahal sya ng pamilya nya. Swerte nga siya at may pamilya sya. Marami na akong nahiram na katawan na walang ama or walang ina. Kung minalas malas talaga wala parehas.

Alam ko magulo dahil ginamit ko ang salitang ‘nahiram’. Araw-araw kasi, nagigising ako sa ibang katawan. Mula pag-gising hanggang alas dose ng gabi, masasabi kong akin ang katawan na mapupuntahan ko. Hindi ko alam kailan nagsimula ‘to dahil mula sa abot ng alaala ko ganito na ako. Hindi ko mapipili kung aling katawan ang kalalagyan o mahihiram ko. Ang tanging alam ko lang ay hindi ako lumabas ng Luzon.

“Opo, nay!” tugon ko. Dali-dali akong bumaba at binati ang aking nanay. Andoon din ang aking ama na handa nang pumasok sa trabaho. Tinignan ko ang mga alaala ni Anjel at natagpuan ko na late na ang tatay nya sa trabaho  Ang sarap talaga sa pakiramdam na kapag pagkagising mo ay may mga sasalubong sayong ngiti at may nakahanda nang agahan sa hapagkainan.

“Tatay! Anong oras na po ba? Late na po kayo.”, aking puna.

Tumawa ang tatay nya. “Nagbago ang isip ko, ‘nak. Tumawag na ako sa opisina at sinabi ko na hindi ako makakapasok. May sakit kasi ako e.” Gumawa sya ng quotation marks sa hangin sa huling sinabi nya. Tinignan ko ang nanay ni Anjel na nakapostura din at umirap ito sa tatay nya. Halatang pinipigilan nitong ngumiti.

“Iyang ama mo kasi may meeting daw sa anniversary namin. Kaya ngayon nalang daw tayo lalabas.” Tugon ng aking ina sa litong lito kong mukha.

“Mag-ayos ka na. Bawal magsuot ng maikli. Bilisan mo at baka magbago pa isip ko.” sabi ng aking ama na may kasamang kindat at ngiti. Dali-dali akong umakyat at naligo. Hindi ko maiwasang halughugin ang mga alaala ni Anjel para sa mga posible kong iasal at gawin. Kahit na kasi pagkagising ko ay halos automatic na pumapasok sakin ang mga asal, alaala, pagkatao at lahat ng halos dapat malaman sa katawang hiniram ko pero may mga pagkakataon din nama na may mga bagay na kailangan ko pa halughugin magisa. Nalaman ko na close pala talaga sila ng pamilya nya. Kaya rin ni Anjel umasal kung papaano nya nanaisin sa paligid ng kanyang ama’t ina. Sinilip ko ang wardrobe niya at nakita ko na tama ang ama nya, maikli talaga mga damit niya. Pinili ko ang pinakamahaba at pinakapormal na nakita ko at nagmamadali akong bumaba.

Naabutan ko sila na nag-aabang sa may pintuan at tinignan nila ko sabay. Pintang pinta sa mukha nila ang gulat na makita si Anjel na balit na balot. Hindi ko napigilang tumawa.

“Bakit po?” tanong ko, na kunwari ay nalilito din.

“Wala, ‘nak.” sabi ng tatay nya at isang thumbs up naman mula sa ina nya.

Hindi naman mahaba ang byahe. Inabot lang ng kalahating oras ang biyahe at nakarating na kami sa kainan na pinili ng tatay. Pagkatapos nun ay naisipang magkantahan ni nanay at tatay, at nakisali naman ako. Ngayon ko lang napansin ang nakakatawang tawa ni nanay. Hindi ko mapigilang tumawa ng tumawa. Nang lumalim ang gabi ay napagdesisyunan namin na umuwi. Medyo traffic na pauwi kaya late na kami nakarating sa bahay, at pagkatapos magpaalam sa aking ama at ina ay dumiretso ako sa aking kwarto. Ngayon nalang ulit ako nakaranas ng ganitong saya na hindi barkada ang kasama ko kundi ang pamilya ko. Masaya na ang gabi, kaso nagkamali ako ng tumingin ako sa orasan.

Doon ko naalala ang salitang ‘nya’. Hindi ko pamilya ito. Hindi ko ina ito at hindi ko ama to. Kay Anjel ito. At ninakaw ko kay Anjel ang pagkakataon na maranasan ang saya na naranasan ko ngayong araw na ito. Hindi ko maatim isipin ang guilt na nararamdaman ko ngayon. Alas dyis na at dalawang oras nalang ang nalalabi sa oras ko kasama sila. Naiiyak akong isipin ang mga bagay na to, at naisipan kong bumaba para mayakap ang mga magulang ni Anjel sa huling pagkakataon. Ngunit bago pa man ako makababa sa  hagdan ay may narinig akong musika: Marry Me ng Train. Hinukay ko muli sa mga alaala ni Anjel at natuklasan ko na nagustuhan ng nanay nya ito nang marining niya ito sa kwarto ni Anjel.

Sumilip ako mula sa hagdan at nakita ko silang sumasayaw sa saliw ng tugtog na iyon, sa ilaw ng mga nagningning na mga kandila. Animo’y dalawang kometa na nagtagpo at sumasaw sa himig ng kalawakan sa entablado ng mga tala. Tumitig lang ako. At tumitig. At tumitig. Hindi ko na napansin ang mga luhang tumutulo mula sa mga ko. Kailangan matatak sa isip ni Anjel ang lahat ng ito.

Gusto ko na matandaan nya na anibersaryo ng magulang nya.

Nanamit sya ng ayon na panlasa ng magulang nya dahil sa hiling ng magulang nya.

Kumanta sya, tumawa at nagsaya kasama ang ama’t ina nya.

Pinanood nya ang sayaw ng magulang nya, at maaalala nya ang naramdaman niya noon, ang tunay na pagmamahal.

Humiga ako sa kama at inalala ko muli lahat ng nangyari ng araw na iyon na parang pinipilit ko rin panatilihin sa alaala ko. At hindi nagtagal, nakatulog ako. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 22, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Kanya.Where stories live. Discover now